Chapter 2

79 4 4
                                    



CHAPTER 2


Marahil nga ay normal sa eskwelahang ito ang bayolenteng mga kilos. Pinahihintulutan ang agresibong pag-uugali ng mga estudyante. Pero kung inaakala nilang ang mga iyon ay sapat na para matawag silang gangsters, nagkakamali sila. Wala silang ideya kung ano’ng buhay at panganib ang dala ng sensitibong salitang iyon.

Mtatapos din pgtatago mo.

Iyon ang text message na natanggap ko mula sa numerong tumawag sa akin kanina. Isang pangungusap na alam kong hindi ko dapat balewalain.

Kinalma ko ang asking sarili saka marahang binitiwan ang cellphone at inilapag iyon sa aking gilid.

Sa pagpasok ko sa mundong ito, alam ko ang mga posibilidad na maaaring maging katapusan ko. Pero pikit-mata kong hinarap ang lahat. Sinuong ko ang panganib dahil iyon lang ang tanging paraan na naiisip ko para matagpuan siya, ang lalaking malaki ang pagkakautang sa akin na kailangan niyang bayaran nang mahal.

Pero hindi ganoon kadali ang lahat. Ang lahat ay walang kasiguruhan. Ang wakas na naaayon sa kagustuhan ko ay walang katiyakan. Hindi ko hawak ang bawat sitwasyon.

Dinampot ko ang cellphone at ibinalik sa aking bulsa pagkatapos ng ilan pang minuto saka ako nag-unat.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo at humakbang paalis sa rooftop. Nasa hagdan ako nang mapansin ko ang isang lalaking papaakyat. Nakasuot siya ng janitor’s uniform na ang kulay ay dark blue.

Tumuon sa mukha niya ang paningin ko. Naisip ko, kung hindi lamang siya nakasuot ng unipormeng ito ay iisipin kong hindi siya totoong janitor. Base sa kaniyang mukha ay masasabi kong hindi siya purong Filipino. Asul ang kulay ng kaniyang mga mata, at ang porma at tangos ng kaniyang ilong ay hindi pangkaraniwan. Ganoon din ang tangkad niyang halos umabot sa anim na talampakan. Ang taas na ito ay hindi tipikal na taas ng isang Filipino. Hindi ko masabi kung natural na dark brown ba ang kulay ng buhok niya o kinulayan lamang iyon, pero dahil sa kulay na iyon, lalong tumingkad ang hitsura niyang pangdayuhan.

Nang maramdaman niya ang presensya ko ay kaagad niya akong nilingon. Ilang sandali siyang nakipagtitigan sa akin bago sumilay sa labi niya ang bahagyang ngiti. Ang ngiting una kong nakita nang gabing iligtas niya ang buhay ko mula sa kamatayan.

Hindi ako tumugon sa ngiting iyon. Nanatili lang akong nakatingin sa kaniya habang bumababa sa hagdan. Hindi ko intensyong makipag-usap sa kanya.

“Hi,” aniya nang magkatapat kami sa isang baitang, sa kalagitnaan ng hagdan.

Kusang huminto ang mga paa ko.

“Kumusta ang isang linggo mo rito?” patanong niyang sabi. Tuluyan na niya akong hinarap.

Hindi ako sumagot. Bakit pa ba ako huminto? Hindi porke’t minsan na niya akong iniligtas ay pwede na kaming mag-usap na para bang matagal na kaming magkakilala.

“Tahimik ka pa rin.” Mahinang tawa mula sa kaniya ang narinig ko. “Nababalot ng misteryo ang mga kilos mo, Miss Strawford. Nakakacurious.”

Walang salitang nilingon ko siya. Siguro ay mas angkop sa kaniya ang huli niyang sinabi. Mas nakakacurious ang pagkatao niya.

“May problem ka ba, hija?” Bahagyang kumunot ang kaniyang noo.

“Bakit mo ako dinala rito?” ang tanong na nanulas sa aking dila.

Hindi siya kaagad na sumagot, pero ang ngiti ay hindi nawala sa kaniyang labi.

“Dapat lang sa isang disisyete anyos na kagaya mo ang pumasok sa eskwelahan, hindi ba?” aniya pagkuwan.

The Art of the Game (GHS 1) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon