Chapter 42

47.6K 1.7K 1.3K
                                    

Venine's POV

Matindi ang kaba ko nang pihitin ang doorknob ng bahay namin. Ayoko sanang umuwi dahil malamang ay nagsumbong na si Trina kay Tita Helen pero wala akong choice. Maging si Tami nga ay pinipilit pa akong doon na lang sa kanila.

Hindi rin kami halos nakapag-usap kanina tungkol sa dapat naming pag-usapan dahil puro sagot niya ay siya na raw ang bahala. Ayoko namang kulitin dahil baka mag-init na naman ang ulo.

Tahimik akong pumasok sa bahay pero agad din akong napahinto pagtapat ko sa living room.

"Ikaw!" Malakas na sigaw ni Tita Helen at mabilis akong sinugod.

Sa sobrang bilis ng kamay niya ay napahawak na lang ako sa aking pisnging namamanhid dahil sa lakas ng sampal niya.

"Ang kapal din talaga ng mukha mong magpakita pa rito? Hindi ka na nahiya! Anong ginawa mo sa anak ko?!" Sigaw pa niya. Napadako ang tingin ko sa sofa. Nandoon si Trina na masama ang tingin sa akin.

"W-Wala po—" Napapikit ako dahil nakatanggap na naman ako nang isang sampal.

"At talagang nakipagrelasyon ka na sa babaeng 'yon? Ano? Dahil sa pera? Wala ka talagang kahihiyan! Nakakadiri ka! Kunin mo ngayon ang lahat ng mga damit mo at lumayas ka rito sa pamamahay ko!"

Gulat at hindi makapaniwala akong napatingin kay Tita Helen. Totoo ba ang narinig ko? Pinapalayas niya ako?

"Ano? Tutunganga ka lang? Kuhanin mo na ang mga damit mo at umalis ka na rito!" Malakas na sigaw ni tita na halos ikabingi ko.

Tinulak niya pa ako kaya kahit hindi ko gustong kumilos ay wala sa sarili akong umakyat sa kwarto.

"Bilis bilisan mo at ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo rito sa bahay!"

Napalunok ako at nagmamadaling kinuha ang maleta. Sumunod pa pala si tita at pinapanood ako.

Pagbaba ko ay halos itulak na naman ako ni tita palabas habang dala ang dalawa kong maleta. Hindi ako makaiyak. Parang lutang ang isip ko at ayaw i-process ang mga nangyayari.

Namalayan mo na lang na nasa loob na ako ng isang hotel room. Dito ako napadpad ng mga paa ko.

Nakatulala lang ako sa pader hanggang sa maramdaman kong may mainit ng luha na lumalandas sa pisngi ko. Sobrang bilis ng mga pangyayari.

Nilibot ko ang tingin sa loob ng room at napako ang tingin ko sa dalawang maleta sa harap ko. Napapikit ako at napatakip sa aking bibig upang pigilan ang paghikbi. Hindi ako makapaniwalang pinalayas ako sa bahay.

Biglang nag-vibrate ang phone ko sa bulsa kaya mabilis ko itong kinuha. Lalo akong naiyak ng makitang tumatawag si Tami.

Tinitigan ko lang ang screen ng phone ko dahil ayaw kong malaman niyang umiiyak ako. Ayaw ko ring ipaalam ang sitwasyon ko dahil ayokong dumagdag na naman sa isipin niya.

Natapos ang tawag at ibinaba ko sa sahig ang phone ko. Sumandal ako sa gilid ng kama at tahimik na umiyak.

Ilang sandali pa ay nahimasmasan na ako. Kailangan kong mag-isip ng dapat gawin. Kailangan kong tulungan ang sarili ko at hindi maging pabigat sa iba.

Kinuha ko ulit ang phone ko at parang kinurot ang puso ko ng makita ang madaming missed calls at text ni Tami. Binasa ko ang mga text niya na panay tanong kung nakauwi na ba raw ako at bakit hindi ako sumasagot sa tawag.

Huminga muna ako nang malalim at nagtipa ng reply. Sinabi kong nasa baba ako kanina at naka-charge ang phone ko kaya hindi ko nasagot ang tawag niya.

Sunod kong tinext si Sam. Sinabi kong magkita kami sa coffee shop na malapit sa hotel na tinutuluyan ko. Mabilis akong nag-ayos ng sarili at pumunta sa pagkikitaan namin.

Dare To Love Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon