TAMIS 8

5.1K 366 172
                                    

Nakailang bote pa lang sila ng Red Horse ay tinatablan na agad si Devin ng antok. Hindi naman siya mabilis malasing lalo na kapag may pulutan pero noong sandaling iyon ay parang gusto na niyang umuwi para matulog.

Ilang gabi na rin kasi siyang puyat sa katatrabaho at sa kabibili ng mga pinaglilihian ni Aurea. May isang beses na nagpabili pa nga ito ng cotton candy kahit alas dos na nang madaling araw.

Kinailangan pa niyang gisingin 'yong aleng may tindahan sa subdivision nila para lang bumili ng cotton candy. Nagbayad pa siya nang malaki para lang gumawa ito ng dalawang flavors.

May isa pang alas kuwatro nang madaling-araw na gusto nitong kumain ng sisig. Kumaripas naman siya papunta sa isang katropang may restobar sa kabilang bayan para lang bumili n'on.

Umiiyak kasi ang babae kapag hindi nasusunod ang mga gusto nito at nagbabanta pa na hindi na ito magpapakita sa kaniya.

Nakakapagod, reklamo niya.

Marami pang request sa kaniya si Aurea pero wala siyang magagawa kung 'di sundin iyon dahil masama raw sa buntis ang matanggihan o madismaya.

Akala nga niya noong una ay nag-iinarte lang ito, pero nagtanong-tanong siya sa mga nanay na kakilala niya pati na rin sa sariling ina't nalaman niyang ganoon talaga minsan ang mga naglilihi.

Ang hirap palang maging babae, realisasyon niya sa sarili.

Iniisip pa lang niya kung silang mga lalaki ang magbubuntis, baka makapatay na sila sa tuwing may mood swings.

Kung sakit lang din naman ang pag-uusapan kapag manganganak na, siguro naman ay kaya niya iyon. Pero ibang klase raw ang sakit n'on kaya minsan ay naaawa siya kay Aurea at sinisisi ang sarili.

Kung nag-ingat lang sana siya'y wala silang problema ngayon. Pero binabawi niya rin naman agad dahil kung hindi nangyari 'yon, wala sanang paparating na baby.

Napalingon siya sa babeng tumabi sa kaniya. Sinabi ni William Angeles na all boys lang sila pero nagdala pa rin ito ng babae rito.

Ni hindi nga niya alam kung saan nila napupulot mga iyon. Isa pa 'yong si Yuan Del Castillo na demonyo rin sa buhay niya na may kandong ngayong babae.

Alam na naman ng mga ito na ikakasal na siya sa lalong madaling panahon tapos ganito pa.

"That's the point," sabi pa ng mga ito sa kaniya. Isipin na lang daw niyang stag party iyon para sa kaniya.

Tumayo siya nang biglang hatakin ng babae ang kaniyang braso dahilan para mapaupo at mapadikit siya roon. Agad naman siyang umiwas dahil naalala niya ang masungit na pagmumukha ni Aurea.

Wala pa nga siyang malaking kasalanan, bugbog sarado na siya. Paano pa kaya kapag nalaman nitong may kasama siyang babaeng kapiranggot lamang ang suot?

Napangisi siya. Iyon pa nga ang nag-uudyok sa kaniyang sumama sa ibang babae.

Ayos nga lang daw, hindi ba? Kahit ilan pa nga, 'di ba?

Panandalian siyang pumikit at isinandal ang ulo sa may pader para magpahinga at magpahulas. Nahihilo na rin kasi siya.

Mayamaya'y uuwi na rin siya sa kaniyang unit. O puwede rin namang doon na siya matulog tapos gigising na lang siya nang maaga mamaya.

Naramdaman niya ang pagpatong ng kamay ng babaeng katabi niya sa may ibabaw ng kaniyang hita. Awtomatikong inalis niya 'yon dahil naaalibadbaran siya rito. Wala siyang ganang makipagkulitan sa kahit kanino ngayon.

Mabilisan din niyang kinuha mula sa loob ng bulsa ang cellphone bago pumunta sa recent calls niya.

Wala sa sariling tinawagan niya ang babaeng dahilan ng pagkapuyat niya lagi.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon