TAMIS 23

4.7K 366 160
                                    

Napatingin si Aurea sa salamin para pagmasdan ang kaniyang itsura. Marami na talagang ipinagbago ang kaniyang katawan.

Nag-iba na ang hubog nito lalo na ngayong malaki pa yata sa pakwan ang kaniyang tiyan. Nagkaroon na rin siya ng mga kamot doon pati na rin sa kaniyang pang-upo.

Alam naman niyang normal sa buntis ang pagkakaroon ng mga iyon pero hindi niya maiwasang mag-alala na baka hindi na siya bumalik sa dati.

Pero kahit ganoon ay malaki pa rin ang pasasalamat niya dahil hindi naman nangitim ang kaniyang kili-kili at ibang bahagi ng katawan. Hindi rin naman siya namanas nang sobra.

"Ma, ang pangit ko na," sabi niya bago naglakad papunta sa puwesto ng ina sa may sala.

Dumalaw kasi siya rito dahil sa sobrang pangungulilang nadarama.

"Feeling ko ang pangit-pangit ko na talaga," maluha-luha pa niyang sambit.

Saglit siyang tinapunan ng tingin ng kaniyang nanay bago bumalik ang atensyon nito sa hawak na cellphone.

"Mama, pansinin mo kasi ako!"

Nag-angat itong muli ng tingin.

"O, eh ano'ng gagawin ko kung pangit ka na? Lahat ng buntis ay nagkakaganiyan puwera na lang artista ka at marami kang seremonyas na ginagawa sa katawan mo para maging sobrang kinis at ganda mo pa rin," mataray nitong sagot sa kaniya. "Huwag kang mag-inarte dahil babalik ka rin sa normal kapag lumabas na 'yang apo ko."

Napanguso siya, "Ganito ba talaga kapag buntis? Nakakapangit? Kaya siguro maraming lalaki ang nangangaliwa kapag buntis ang asawa nila. Naghahanap sila ng sexy at maganda—"

"Bakit? Nangangaliwa si Devin?" Napatingin siya sa kaniyang nanay dahil sa pagtataas no'n ng boses. "Ano, Rea, nambababae ba 'yong mister mo?"

Tumayo pa 'yon na para bang may kaaway ito.

"OA lang, Mamsh? Nabanggit ko lang 'yon kasi may kakilala akong buntis tapos nabalitaan kong niloloko siya ng asawa niya," pagkukuwento niya, natatawa pa dahil sa pagiging adbans ng Mama niya.

Hindi naman nambababae si Devin o marahil hindi lang niya nahuhuli. Pero malaki ang tiwala niya rito dahil araw-araw naman nitong ipinararamdam sa kaniyang pinahahalagahan nito ang kanilang pagsasama.

"O, eh ano'ng pinoproblema mo?" pambabara nito.

Umupo siya sa tabi nito at isinandal ang ulo sa balikat nito.

"Alam mo, Rea. Ang lalaki, magloloko 'yan kung magloloko. Maganda ka man, pangit, sexy, mataba, maitim, maputi, mabango, mabaho, mahirap o mayaman ay gagawa't gagawa ng paraan 'yan para makahanap ng butas para makapambabae."

Imbis na maalo siya ng Mama niya ay lalo yata siyang tinakot sa mga pinagsasasabi nito.

"Tingin mo, magagawa sa akin ni Devin iyon?"

Alam naman niyang karamihan sa mga lalaki ngayon ay mapaglaro at hindi makuntento sa iisa, pero naniniwala pa rin siyang mayro'n at mayro'ng lalaking hindi magpapatinag sa tukso.

Kahit pa isang porsyento lang ng populasyon ng mga kalalakihan 'yon.

"Bakit ka nag-aalala? Akala ko ba'y ayos lang sa 'yong magkagusto sa iba iyon?"

Napaupo siya nang maayos. Ganoon nga ang sinabi niya sa magulang at kahit mismo kay Devin noon, pero bilang isang misis, nararapat lang na ipaglaban niya ang kaniyang karapatan.

Masama bang hangaring maging faithful ang asawa sa kaniya? Siya nga ay consistent sa pagiging tapat doon kaya dapat ganoon din ito sa kaniya.

Hinimas niya ang kaniyang tiyan.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon