TAMIS 25

4.5K 361 202
                                    

Nagising si Aurea dahil sa malakas na pagpapatugtog ng asawa mula sa kabilang kuwarto. Dalawang araw na silang hindi nagkakausap matapos niyang mapagsalitaan nang hindi maganda ang lalaki.

Simula n'on ay hindi rin muna ito lumalapit sa kaniya. Hindi na rin ito tumatabi sa pag-kain at pagtulog.

Pero sa tuwing nakararamdam siya nang kaunting gutom ay may nadadatnan naman siyang pagkain sa may dining table o 'di kaya nama'y nasa loob na 'yon ng ref.

At kapag nagkakasalubong sila sa loob ng bahay, tanging pagtango lamang ang kanilang nagiging pagbati sa bawat isa.

Napaupo siya para abutin ang tumbler sa may side table at ininom ang natirang tubig doon. Ngayon lang niya naramdaman ang matinding pagkauhaw dahil sa kaiiyak kagabi.

Napatingin din siya sa dalawang maleta at isang duffle bag sa gilid ng kaniyang kama. Iniisip nang mabuti kung ano'ng gagawin niya sa mga 'yon.

Hanggang ngayon kasi ay hindi niya alam kung paano magsisimula ulit.

Hindi pa niya matiyak kung kailan siya aalis sa kanilang pamamahay.

Mapait siyang napangiti dahil wala nga naman siyang naging ambag para sa property na 'yon. Alam naman niyang ipinundar lang 'yon ni Devin dahil nagsisimula na silang bumuo ng pamilya.

Pamilya. Ganoon na sana sila ngayon kung naroon lamang ang kanilang anak ngunit wala na ito.

At wala na rin siyang nakikitang dahilan para ipagpatuloy pa nila ang kanilang pagsasama.

Masyado siyang nasaktan sa mga nangyari. Hindi niya alam kung kailan matatapos ang sakit o kung matatapos pa nga ba 'yon.

Basta ang alam lang niya'y gusto niyang mapag-isa. Dahil hangga't nandito siya at nakikita ang kaniyang asawa, alam niyang paulit-ulit lang babalik ang mga masasakit na alaala.

Bumaba muna siya sa kusina para magluto ng kakainin dahil bahagyang kumukulo na rin ang kaniyang tiyan. Pasado alas diyes na rin naman ng umaga kaya plano niyang magluto ng brunch.

Pero gaya nang inaasahan niya'y may mga nakalatag sa dining table at nakataklob na ang mga pagkain doon.

Lumapit siya roon para tingnan kung ano'ng mga iniluto ni Devin.

May sinangag, hiwa-hiwang itlog na pulang may kamatis, corned beef at scrambled egg na may ketchup pang korteng puso sa ibabaw no'n.

Gusto niyang ngumiti pero imbis na tumaas ang sulok ng kaniyang labi ay namuo ang kaniyang mga luha.

Kahit hindi na sila nagkakausap nang maayos ng asawa ay nakukuha pa siya nitong pagsilbihan. Kahit gusto na niyang makipaghiwalay, nandoon pa rin si Devin para sa kaniya.

Naalala niya kung paano ito mag-asikaso sa kaniya noong gabing umuwi sila galing sa ospital. Pinunasan pa siya nito gamit ang maligamgam na bimpo at ipinagtimpla nang mainit na gatas bago matulog.

Naging gawain na nito ang ipagtimpla siya ng gatas bago siya matulog. Sa tuwing gigising naman siya'y may nakahanda nang almusal sa may side table.

Naroon na rin ang mga damit niyang pambahay kung sakaling maisipan niyang maligo at lagi rin ito ang humaharap sa kaniyang mga bisita sa tuwing may gustong dumalaw sa kanila.

Alam niyang sinusubukan din nitong patawanin siya lagi pero hindi niya iyon gaano napapansin dahil nababalot ang kaniyang sistema ng kalungkutan.

Pakiramdam niya'y wala siyang karapatang maging masaya dahil nagluluksa pa rin siya sa pagkawala ng anak.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon