TAMIS 21

4.7K 356 174
                                    

Dinaanan ni Devin ang katropang si Yuan Del Castillo sa labas ng opisinang pinagtatrabahuhan nito at isinama sa talyer para naman malibang siya.

Mabuti na lang at maagang natapos ang shift nito dahil gusto niyang magpainom ng mga oras na 'yon kahit alas tres pa lang naman ng hapon.

Dalawang linggo na rin kasing hindi nadadaluyan ang kaniyang katawan ng alak.

Pagkahatid niya kay Aurea sa kaniyang apartment ay hindi na sila nagkaroon ng tsansa para makapag-usap nang maayos. Kapag wala kasi siya masyado sa wisyo ay ipinagpapaliban na muna niya ang magkaroon ng diskusyunan dahil sa pag-aalalang may mabitawan siyang hindi magandang salita.

Iyon ang pinakaayaw niyang gawin kahit kanino. Kaya nga tumanda na siya ng twenty-nine years old na payapa naman ang buhay.

"Ang aga-aga, Alfonso iinumin natin, boy?" tanong ni Yuan, nakangibit pa habang nakatitig sa bote ng alak.

Iyon lang kasi ang nabili ni Paslo sa katabing tindahan kaya wala na rin siyang magagawa kung 'di simulang tagayan ang mga kasama sa talyer.

"Ah, alam ko na 'yang itsura mo!" sabi pa nito kaya napatingin siya rito.

"Ano ba ang itsura ko?" kunot-noo niyang tanong sa kaibigan.

Ngumisi pa 'yon nang nakaloloko kaya tinaasan niya ito ng gitnang daliri.

"Wala akong problema. Bawal magpainom nang walang dahilan?" mabilis niyang sagot, pero mukhang hindi kumbinsido ang isa.

"Defensive! Nag-away kayo, ano? Nako, kaya ako'y hinding-hindi muna mag-ge-gerlpren at mag-aasawa! Sakit lang ako sa ulo nang magiging babae ko!" tatawa-tawa pa nitong sabi kaya nahawa na rin sila sa tawa no'n.

Mabuti naman at alam ni Yuan na sakit lang siya sa ulo. Si William Angeles ang una sa ranggo, sumunod naman ito.

"Tanga, away agad? Gusto ko lang uminom kasama kayo."

Naghiyawan naman ang mga kasama nang marinig 'yon na para bang hindi pa rin naniniwala sa kaniya. Tinagayan pa siya nang mataas ng kaibigan.

Itinuro niya ang shot glass, "Taas niyan, ah? Magmamaneho pa ako mamaya."

"Mukhang kailangan mo nito. Hayaan mo, ipagmamaneho na lang kita mamaya tutal sa iisang building lang naman tayo nakatira."

Iyon nga siguro ang isang advantage na kapitbahay lang niya ang dalawang kaibigan. Kung may emergency at okasyon ay hindi na niya kailangang dumayo pa sa ibang bayan.

"May karpiyuw ka ba sa inyo?" tanong pa nito.

Natawa siya sa pagkakabigkas no'n ng curfew bago napailing.

"Wala. Tingin mo sa akin, under?"

Hindi naman talaga siya pinagbabawalan ni Aurea uminom kasama ang mga kaibigan niya, pero lagi lang siyang pinaaalahanang mag-update kahit isang beses at mag-ingat sa pag-uwi.

Ganoon naman ang ginagawa niya. Kung minsan nga'y kuntodo report pa siya sa mga nangyayari sa kaniya buong araw.

"Dati, hindi. Ngayon, parang gusto kong masuka sa pagiging loverboy mo," sagot nito, pagkatapos ay straight na ininom ang nasa shot glass. "Maiba nga tayo. Ang pogi ng BMW E90 mo, ah? Mukhang may nakuha kang malaking project dito, ah?"

Ngumisi siya bago ininom ang mataas na namang tagay ng katropa.

"Segunda mano lang 'yan. Katas ng pagod sa ilang taong pagtatrabaho. Pasensya na't 'yan lang ang nakayanan," pagpapaka-humble niya sa mga ito.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon