Chapter 7

46 5 0
                                    

Athena Katherine's

"Ano ba namang mukha yan, anak. Ngumiti ka nga!" Sabi sa akin ni Nanay habang hinihigit ang magkabilang pisngi ko at pilit akong pinapangiti.

Bumuntong hininga lang si Nanay nung ngumuso ako lalo. Naiiling na kinuha niya ang suklay at pinatalikod ako para suklayan. "Alam mo, anak .. masaya ang buhay high school. Kung marami kang naging kaibigan noong elementary, mas marami kang makikilala ngayon"

"Pero, Nay. Wala naman po akong ibang naging kaibigan kundi si Kuya Axel lang" nakayukong sabi ko habang pinaglalaruan ang ribbon ng uniform ko. Ang ganda-ganda ng pagkakaplantsa ng uniform ko dahil parang mas excited pa si Nanay kaysa sa akin.

"Anak .." pinihit niya ako paharap sa kanya at muling sinapo ang mukha ko. ".. kailangan mong matutunan na hindi lahat ng tao ay mananatili sa tabi mo. Kailangan mong maging malakas at matutong tumayo sa sarili mong mga paa"

"Pero .. hindi po ako sanay na mag-isa lang ako" simula noong nagkaisip kami ni Axel, kami na lagi yung magkasama. Kulang na nga lang, itali namin ang mga sarili namin sa bewang ng isa't-isa.

"Anak .. kailangan mong masanay na maging si Athena lang. Hindi si Teng na kakambal ni Axel. May kanya-kanya kayong kapalaran. Swerte na lang siguro kung pag bumalik siya, wala pa ring nagbago sa samahan niyo" napakunot ang noo ko sa sinabi ni Nanay pero nginitian lang niya ako at saka lumuhod sa harapan ko para isuot ang tsinelas ko. Sa bayan na kasi ako magsasapatos dahil baka mabasa lang yun sa bangka.

"Halika na. Malelate ka na" hinawakan niya ang kamay ko kung kaya't hawak kamay kaming naglakad papuntang dalampasigan. Naroon na rin ang iba pang mga estudyante na sa bayan rin pumapasok.

"Mag-iingat ka, anak. Mahal kita" sabi pa sa akin ni Nanay sabay halik sa noo ko bago ako alalayang sumakay ng bangka.

Tahimik lang akong nakatingin sa dagat habang nakasakay kami sa bangka. Ang ingay ng mga kasama ko sa pangunguna ni Trina pero hindi ko talaga magawang makisama sa kanila. Ngayon ang unang araw kong papasok sa paaralan na hindi ko kasama si Axel.

Pagdating sa bayan ay isinuot ko agad ang sapatos ko at isinilid sa bag ang tsinelas na gagamitin ko pa mamaya. Pag-angat ko ng ulo ko ay wala na sina Trina sa paligid. Iniwan na nila ako.

Hindi pa ako sanay sa bago kong school. Ang alam ko ay kailangan ko pang sumakay ng tricycle para makarating doon pero hindi ko alam kung saan ako sasakay.

Mangiyak ngiyak na naglakad ako ng naglakad at naghanap ng estudyanteng may kagaya kong uniform pero wala akong makita.

Nakarating ako sa may sports complex kung saan ginanap ang pageant na sinalihan ko noon at sa harapan nun ay highway na. May nakita akong kapareho kong uniform pero sa kasamaang palad ay nasa kabilang kalsada naman siya. Natatakot naman akong tumawid dahil ang daming dumadaang sasakyan.

Napaatras ako noong may biglang humintong tricycle sa harapan ko. "National?" tanong sa akin ng driver.

Napakamot naman ako sa ulo ko at tumango. "Magkano po, Kuya?"

"40 pesos" grabe naman si Kuya. Natatandaan ko nung nag-enrol kami ni Nanay ay 10 pesos lang ang siningil sa amin nung driver kada isa.

Nahihiyang ngumiti na lang ako sa driver at umiling sa kaya pinaharurot na niya paalis ang tricycle.

"Mahal talaga pag sibat. Doon sa paradahan ka sumakay" napalingon ako doon sa lalaking nagsalita. Ang tangkad niya. Sa tingin ko ay mas matangkad siya kesa kay Axel.

"Saan po ba yun?" Magalang na tanong ko. Natawa naman siya at saka tiningnan ako mula ulo hanggang paa.

"First year?" Tanong niya kaya tumango naman ako. Nakita ko namang may tatlong guhit ang necktie niya kaya alam kong third year na siya.

When the Goddess Casts Her SpellWhere stories live. Discover now