Chapter 16

62 5 0
                                    

Athena Katherine's

Kinakalawang at butas butas na yero ang nabungaran ng mga mata ko noong nagising ako. Agad akong napabangon dahil naninikip ang dibdib ko at nahihirapan akong huminga. Ramdam na ramdam kong basa pa rin ang pisngi ko dahil sa luha.

Napapikit na lang ako at naitakip ang mga kamay sa bibig ko. Napahagulhol ako noong unti-unting bumabalik sa akin ang mga nangyari kagabi.

Takot at pandidiri lang sa sarili ang nararamdaman ko nung mga oras na yun. Agad kong nayakap ang mga tuhod ko noong narinig kong bumukas ang pinto ng kwarto ko.

"Athena" boses yun ng isang babae. Naupo siya sa paanan ng kama ko at naglapag ng isang bowl ng kung hindi ako nagkakamali ay sopas.

"Kumain ka muna, anak. Gusto mo bang tawagan ko si Sir JM?" Nag-aalalang sabi niya pero umiling iling lang ako. Bumuntong hininga lang si Aling Frida at saka nagtangkang lumapit sa akin pero sumiksik lang ako sa pinakadulo ng kama.

Ayokong kumausap ng kahit na sinong tao. Sigurado kasi akong ako na naman ang sisisihin nila sa nangyari sa akin. Sasabihin na naman nilang nagpapapansin lang ako .. gaya noong nagsumbong kami sa mga pulis noong may ginawa rin sa akin si Tiyo Gado.

"Nahuli na si Mr. Chan kagabi .. wag kang mag-alala, hindi naman natuloy ang binalak niya sayo" naririnig kong sabi niya ngunit tila ba hindi mabura noon ang sakit at pandidiri na nararamdaman ko. "Gusto mo bang samahan kita sa presinto? Maghain tayo ng reklamo sa kanya"

Nanatili lang ako sa sulok habang yakap yakap ang mga tuhod ko. Nakatitig lang ako sa durabox na nasa harapan ko habang lumuluha.

"Tawagin mo na lang ako pag may kailangan ka. Kumain ka na muna diyan ha. Lalamig yung sabaw" sabi lang ni Aling Frida at saka lumabas at sinarhan ang kwarto ko. Hindi ko alam kung bakit siya narito pero hindi ko talaga kailangan ng kausap ngayon. Gusto kong mapag-isa.

Iisa lang ang gusto kong narito ngayon pero mukhang nagsawa na rin siya at iniwan ako.

Buong Sabado at Linggo ay nanatili lang ako sa loob ng kwarto. Dumadalaw sa akin ang mga kaibigan ni Miguel pero hindi ko sila hinaharap. Hindi naman sila ang kailangan ko e.

Si Aling Frida ang naging kasa-kasama ko sa dalawang araw kong pagkalugmok. Pinagluluto niya ako at saka binibihisan. Sa gabi lang siya umaalis dahil kailangan daw siya ng bunso niyang anak.

Pagsapit ng Lunes ay pumasok pa rin ako sa paaralan. Maging si Andrea ay hindi ko kinakausap. Hindi ko alam kung bakit wala akong naririnig. Para lang akong nakalutang at pinipilit makiayon sa takbo ng buhay.

Hindi na ako pumapasok sa hardware dahil sarado na iyon. Habang naglalakad ako pauwi ng bahay ay iwas ang tingin sa akin ng mga tao. Nanatiling nakataas naman ang noo ko habang lumuluha.

Dapat sanay ka na sa ganito, Athena. Dapat hindi ka na nasasaktan.

Pagdating ko sa bahay ay mayroon na agad pagkaing nakahain para sa akin. Sigurado akong si Aling Frida ang may gawa noon dahil siya lang naman ang nagttyaga sa akin. Malaki nga ang pasasalamat ko sa kanya dahil kahit hindi ko siya kinakausap ay hindi pa rin siya umaalis sa tabi ko.

Namimiss ko na tuloy si Nanay. Maging siya ay hindi ko kinakausap. Nahihiya ako sa sitwasyon ko ngayon. Siguradong masasaktan din siya pag nalaman niya ang nangyari sa akin.

Dahil wala akong ganang kumain ay nahiga na lang ako sa sahig at tumitig muli sa kisame. Bakit ba ganito na lang lagi yung kapalaran ko?

Noong muling tumulo ang mga luha ko ay naupo ako. Saktong nadako ang tingin ko sa salaming nakasabit sa dingding. Nakita ko na naman ang hitsura kong kinasusuklaman ko noon pa man. Tumayo ako at naglakad papuntang kusina. Noong nakita ko ang kutsilyo ay kinuha ko yun. Muli akong naglakad pabalik ng sala at nahiga muli sa sahig. Pinaglalaruan ko ang matalas na kutsilyo sa mga kamay ko.

When the Goddess Casts Her SpellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon