Thank You

972 41 7
                                    

ANNIKA

HINDI PA ako nakaka-recover nang dumating ang mga tauhan ni Tito Marcel. Sinabihan niya ito na dalhin ang private bus sa kanyang terminal at huwag muna ipagamit. Iyon din ang bilin ng mga pulis dahil iimbestigahan pa raw nila ang nangyari.

"Nakausap mo na ba ang papa mo?" tanong ni Tito Marcel pagkatapos makausap ang isang tauhan.

Nakaupo ako sa waiting shed, pilit kinakalma ang sarili. Pinaglalaruan ng aking daliri ang hawakan ng bag kong nasa kandungan.

"Annika..." Tumabi sa akin si Tito Marcel bago ako inakbayan. "I'm sorry. Huwag kang mag-alala, hindi na ito mauulit."

"I'm tired. I just want to go home..." tugon ko.

Bumuntong-hininga siya. "Oo, iuuwi kita sa inyo. Ipapaliwanag ko rin kay Alvaro ang nangyari. Siguradong tapos na ang kanyang meeting at hinahanap ka na niya."

"Tito Marcel..."

Nag-angat kami ng tingin kay Andrus na bigla na lang sumulpot sa harap namin. Bakit ngayon ko lang napansin ang suot niyang uniporme? Masyado siguro talaga akong natakot kanina na hindi ko na nagawang pansinin ang ibang bagay.

Kunot-noong tumayo si Tito Marcel habang pinagmamasdan ang seryosong mukha ni Andrus. "Bakit, Andrus? May problema ba?"

Sumulyap muna sa akin si Andrus bago nagsalita, "Tumawag sa akin si Tito Alvaro. Hinahanap na po niya kayo."

Napakamot sa ulo si Tito Marcel. "Oo nga, eh. Dapat kasi sa mga oras na ito ay naiuwi ko na si Annika sa kanila. Huwag kang mag-alala, tatawag ako sa bahay para dalhin dito ang sasakyan ko. Mabilis lang iyon dahil malapit lang naman ang bahay ko rito."

Tumikhim si Andrus. "Ako na po ang maghahatid sa inyo."

Napangiwi si Tito Marcel. "Naku! Hindi ba't may pasok ka pa? Nakakahiya naman sa 'yo kung ihahatid mo pa kami."

"Hindi na po ako papasok," malamig na sambit ni Andrus. "Huwag po kayong mag-alala, dadaan naman po talaga ako sa bahay ng mga Faustino para sunduin si Mama. Isasabay ko na kayo."

Nagkatinginan kami ni Tito Marcel. Kung tingnan niya ako ay parang nagpapaalam siya sa akin. Umiwas na lang ako ng tingin dahil hindi ko rin alam ang sagot.

"Sige na nga! Maraming salamat, Andrus."

Tumayo na ako at lumapit sa aking maleta. Hahawakan ko pa lang sana ito nang biglang sumulpot ang kamay ni Andrus. Binuhat niya ang maleta at hand-carry bag ko upang dalhin ito sa naghihintay na army green militarized gladiator.

Hindi ko na nagawang tumutol o magpasalamat dahil pumasok na siya sa driver's seat. Hindi muna ako pumasok sa loob kasi hinihintay ko pa si Tito Marcel matapos sa pakikipag-usap niya sa mga kaibigang kasama namin kanina sa bus. Mukhang nagpaalam siya sa mga ito.

"Alam na ba ni Alvaro ang tungkol sa nangyari?" tanong ni Tito Marcel kay Andrus habang nasa byahe kami.

"Hindi pa po. Ako na ang magsasabi sa kanya."

Huminga nang malalim si Tito Marcel. "Ikaw ba ang mangunguna sa imbestigasyon?"

Hindi nagsalita si Andrus kaya tiningnan ko siya sa rear view mirror. Nang magtama ang mata namin ay kumunot ang noo ko. Naninimbang ang mga mata niya. Para bang nag-iingat siya sa mga salitang sasabihin.

Bakit kaya? Ayaw ba niyang marinig ko ang sagot niya?

Umirap na lang ako at nagsuot ng earphones. Nilakasan ko pa ang volume para makampante siya na wala talaga akong naririnig.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon