Flowers

865 48 13
                                    

ANNIKA

KAHIT PUYAT, maaga pa rin ako nagising kinabukasan. Naligo at nag-ayos muna ako ng sarili bago lumabas ng kuwarto.

Gaya ng inasahan, wala pa si Tita Aurelia. Sabi niya kahapon, alas otso pa siya pupunta rito. Gusto ko nga sana na rito na lang siya mag-stay para mas matagal ang bonding namin, kaya lang nahihiya akong sabihin 'yon dahil hindi naman talaga siya full time na nagtatrabaho rito. Malaya lang talaga siya maglabas-pasok dito sa bahay kahit kailan niya gusto dahil pamilya na ang turing namin sa kanya.

At isa pa, may anak siya na kailangan samahan. Ayaw ko naman na iwan niya ang kanyang pamilya para lang mag-stay rito.

Pumunta ako sa kusina para magtimpla ng kape. Gano'n na lang muna siguro ang gagawin ko habang hinihintay si tita. Ayaw ko rin kasi ng luto ng mga kasambahay rito. At isa pa, ayaw kong kumain mag-isa.

"Miss Annika..." Lumapit sa akin ang isang kasambahay galing sa back kitchen. "Pinatatanong po ni Sir Alvaro kung sino raw po ang kasama n'yo mamaya sa lakad n'yo."

"Hindi siya umuwi kagabi?"

Hindi natuloy ang meeting nila rito sa bahay kahapon dahil nagpasya silang isagawa iyon sa bahay ng tatakbong vice mayor na si Lorenzo Savarino. Na-move rin ang meeting nila sa gabi dahil hindi raw nila natapos ang mga trabaho no'ng hapon. Dahil doon, inutusan na lang ako ni Papa na mag-bake ng cookies at magluto ng pagkain para dalhin sa meeting. Napuyat at napagod kami ni Tita Aurelia dahil doon. Maging ang mga kasambahay, napagod din dahil sa dami ng request ni Papa.

"Umuwi po pero maaga rin umalis kanina dahil hindi nila natapos ang meeting kagabi. Kanina lang din daw niya nabasa ang text n'yo na aalis kayo ngayon."

Magpapasama kasi ako kay Tita Aurelia ngayon sa sementeryo. Gusto ko sanang dalawin si Mama. Nagpaalam ako kay Papa kagabi para roon pero hindi siya nag-reply. Hinintay ko ang text niya hanggang sa nakatulog na lang ako.

"Ako na ang bahala kumausap sa kanya."

"Okay po," aniya bago tumalikod at bumalik sa kusina.

Hawak ang tasa ng mainit na kape, naglakad ako patungo sa sala para sa telepono. Tatanungin ko sana ang mga kasambahay kung ano'ng number ng office ni Papa kung hindi ko lang nakita ang phonebook sa gilid ng lamesa. Binuklat ko iyon hanggang sa makita ang numero niya.

"Hello?" tinig ng babae na sa tingin ko'y isang sekretarya.

"Hello! This is Annika Faustino. May I please speak with my dad?"

"Yes, Miss Annika! Wait lang po."

Humigop ako sa aking kape habang hinihintay si Papa.

"Hello, Annika? Bakit dito ka tumawag?" boses ni Papa.

Ayaw kong sabihin na naiwan ko ang cellphone sa kuwarto at tinatamad ako umakyat kaya hindi ko sinagot ang tanong niya.

"Si Tita Aurelia ang kasama ko mamaya dumalaw sa puntod ni Mama. Puwede naman siguro, 'di ba?"

"Oo..."

Umirap ako. Akala ko hindi, eh. Daig ko pa ang preso kung gano'n.

"Okay. Bye."

Narinig kong may sasabihin pa siya pero pinatay ko na ang tawag. Pagtayo ko, halos mabitawan ko ang tasa sa gulat nang biglang bumukas ang pinto ng bahay. Pumasok sina Tita Aurelia at Andrus na may dalang mga prutas at gulay.

Namalengke ba sila bago magpunta rito?

"Magandang umaga, Annika!" nakangiting bati ni Tita Aurelia. "Ang aga mo ulit nagising, ah. Kumain ka na?"

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon