Battle

424 20 3
                                    

ANDRUS

SA SOBRANG galit, tuluyan nang humigpit ang hawak ko sa cellphone. Nasa tainga ko pa ito kanina ngunit nang marinig ang sinabi ni Ate Lisa, agad ko itong nilayo sa pandinig dahil sa galit.

Kaya pala hindi ko mahanap si Annika sa kahit saang lugar dito sa building kung nasaan ang opisina ni Tito Alvaro dahil umalis sila ni Finian. Ang mas malala pa, hindi sila nagsabi kung saan pupunta!

"Ano raw ang sabi?" tanong ni Dajani na nakisabay lang sa akin pauwi dahil madadaanan namin ang bayan. Pumayag na rin ako para hindi siya mag-commute. Pero bago namin gawin 'yon, nagkasundo kami na sunduin na muna sina Annika at Finian. Kaya lang, ito ang nadatnan namin. "Bakit daw wala ang magkapatid dito?"

Umigting ang bagang ko sa tanong na 'yon. Narinig ko ang pagsinghap niya dahil sa naging reaksyon ko.

"Hoy! Ano ba 'yon?" Matapang ang tono ng pananalita niya pero ramdam ko ang takot. "Bakit galit ka na naman? Ano'ng nangyari kay Miss Annika?"

"Umalis sila," maiksing tugon ko bago muling harapin ang cellphone at manipulahin ito para hanapin ang number ni Annika. "Hindi raw nagsabi kung saan pupunta kaya hindi maganda ang kutob ni Ate Lisa."

"Saan naman kaya sila pupunta?"

Hindi muna ako sumagot dahil binabantayan ko ang pag-ring ng cellphone ni Annika. Kaya lang, ilang beses ko nang ginawa 'yon pero hindi niya talaga sinasagot.

Ilang sandali pa'y biglang tumunog ang cellphone ko para sa tawag ni Spencer. Dulot ng matinding iritasyon dahil sa pagkabigo na pangalan niya ang sumulpot  , madiin ang naging pagpindot ko sa screen.

"Andrus, nasaan ka?"

Kumunot ang noo ko dahil kanina lang ay magkasama kami. Nagpaalam lang ako sandali dahil iuuwi ko dapat si Annika.

"Nasa city hall. Bakit?"

"Tinawagan ako ng isang officer mula sa nagbabantay sa isa sa mga saradong kalsada malapit sa Santa Lila. Ang sabi nila, namataan daw nila na dumaan malapit doon ang sasakyan ni Finian."

Nanlaki ang mata ko. Napatingin pa ako kay Dajani na nag-aabang sa bawat reaksyong ibibigay ko.

"Pero huwag mo na silang habulin," pahabol ni Spencer na nagpakunot sa noo ko. "Malakas ang kutob ko na may pupuntahan sila. Hindi sila dadaan sa lugar na 'yon nang basta-basta para sa wala. Huwag kang mag-alala, hinahanap na sila ngayon ng mga pulis."

Muli na naman akong nairita dahil sa sinabi niya. "Ano ang gusto mong gawin ko rito? Tumunganga? Ngayon pa kung kailan hindi makita si Tito Alvaro—"

"Dahil gusto kong pasukin mo ang opisina ni Alvaro Faustino ngayon, Andrus," putol niya. "Sigurado akong may clue ka na makikita riyan kung saan natin siya matatagpuan. Diyan galing ang magkapatid, 'di ba? Tingin ko may nalaman sila kaya sila umalis."

Kung kanina'y iritado pa ako, ngayon ay litong-lito na ako. Gusto ko sana magtanong pero walang salitang lumabas sa bibig ko.

Naguguluhan ako sa sinabi ni Spencer. Paano naman niya nasabi na may nalaman sina Annika at Finian na relevant sa kaso ng kanilang ama? Hindi ba puwedeng umalis lang ang magkapatid dahil gustong mag-unwind?

'Yon lang sana ang gusto kong isipin ngunit may isa pang sinabi si Spencer na kumalabit sa pang-unawa ko.

Dumaan daw ang sasakyan nina Finian at Annika malapit sa saradong kalsada. Bakit kaya?

Alam ni Annika na delikado iyon. Alam kong hindi rin siya papayag na dumaan doon. Matatakutin si Annika, at may matinding disgusto sa mga kumplikadong bagay. Ayaw niya nang nahihirapan. At isa pa, kasama niya ang kapatid kaya mas lalong hindi niya ilalagay sa alanganin ang sitwasyon nila. Bukod doon, umalis din sila nang hindi nagsasabi.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon