Impossible

351 23 2
                                    

ANDRUS

PIKIT ANG isang mata kong inasinta ang babasaging bote. Ilang segundo kong tinantiya ang distansya at tamang puwesto ng aking kamay bago pinaputok ang hawak na baril.

Hindi ako nag-react nang matamaan ang unang target. Nagpatuloy lang ako sa pagpapaputok hanggang sa mabasag lahat ng bote.

"Tsk." Huminto si Ravena sa tabi ko nang huminto ako. Binalingan niya ang lahat ng boteng nabasag ko at umiling. "Ang bilis mo naman! Samantalang ako isa pa lang ang natatamaan."

Sinulyapan ko sandali ang target niya bago binaba ang tingin sa kamay niyang medyo hindi tama ang pagkakahawak sa baril. Hindi ako nagsalita upang ituloy niya ang ginagawa ngunit hindi siya kumilos. Sa halip ay humarap pa siya sa akin nang maayos.

Umiwas na lang ako ng tingin at inabala ang sarili sa pag-aayos ng baril. Nagliligpit na ako ng kalat nang magsalita siya ulit.

"Ikaw na ang tumapos ng sa 'kin. Pagod na ako."

Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Ngumisi siya at umatras upang mapalitan ko ang puwesto niya.

Gusto ko sanang magtanong kung bakit ayaw niyang tapusin ngunit hindi ko na tinuloy. Baka nga totoong pagod na siya kaya ayaw na niya.

Pumwesto na ako at inasinta ang tatlong boteng hindi niya natamaan. Seryoso at galit ko 'yon tinitigan bago sunod-sunod pinaputok ang aking baril.

Narinig ko ang pagsinghap ni Ravena sa tabi ko nang matapos. Hindi ko 'yon pinansin. Nilagpasan ko lang siya upang lapitan ang aking bag sa 'di kalayuang batuhan.

"Ang galing mo talaga!" puri niya sabay tapik sa aking balikat. "Kailan mo ba kami tuturuan ni Dajani ng mga malulupit mong moves?"

Nagsalubong ang dalawang kilay ko. Malulupit na moves? Wala nga akong ginawa kundi tumayo lang at umasinta.

"Wala akong gano'n."

Tumawa siya at nagtaas ng kilay. "Weh? Imposibleng wala!"

"Wala nga."

"Hmm. Kailangan ko rin bang ma-broken hearted para maging magaling tulad mo?"

Iritado ko siyang tiningnan kaya mas lalo lamang siyang humagalpak sa tawa. Umalingawngaw 'yon sa tahimik na kagubatan, at sumabay sa munting tunog na likha ng pag-agos ng tubig sa ilog.

"Bali-balita na sa Maynila na raw naninirahan 'yon? Wala raw bang balak bumalik dito?" tanong niya bago lapitan ang kanyang bag na nasa malayong damuhan.

Hindi ako umimik. Tinuon ko lang ang atensyon sa paglalagay sa tamang ayos ng baril at bala sa bag.

"Alam mo bang bali-balita rin na may namamagitan daw sa kanila noong anak ng gobernador?"

Natigilan ako sandali, at nang makabawi, mas mabilis na ang naging kilos ko. Pagkatapos isalansan maigi ang mga gamit, sinarado ko na ang zipper at igting-panga siyang hinarap.

"Kailangan ko nang umuwi."

Hindi pa niya naaayos ang kanyang mga gamit nang mabilisan niyang sinara ang zipper ng kanyang bag at sinuot ito sa likod.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon