Realize

353 20 1
                                    

ANNIKA

NANLALABO ANG mga mata ko habang tinititigan ang pagsayaw ng alak sa aking baso. Hindi ko alam kung pang-ilang baso na 'to, pero dahil sa hilo at malabong paningin, alam kong naparami na ako.

Ngumisi ako bago tiningnan ang magulong dancefloor. Ang patay-sinding ilaw ay mas lalong nagpahilo sa akin. Kung hindi lang masaya at maingay ang tugtog, hindi ko titingnan kahit sandali ang mga taong nagpapatianod sa indak ng musika.

Humalumbaba ako sa counter at pinagmasdan na lang ulit ang hawak na baso. Pinaikot ko ito para makita ang paggalaw ng mapait na likido, at marinig ang pagtama ng yelo sa baso.

Ngumuso ako nang mas lalong mahilo. Ilang gabi na akong ganito pero bakit parang hindi pa rin ako nasasanay? Isang buwan na ako rito sa Maynila, at ganito lang ang ginagawa pagkatapos ng trabaho, pero bakit pakiramdam ko bago ito sa akin? Ganito rin naman ang ginagawa ko sa New York, ah?

"Miss," tawag ng lalaking bigla na lang sumulpot sa tabi ko. Noong una'y akala ko hindi ako ang tinatawag, ngunit nang yumuko siya upang may kunin sa paanan ko ay muntik na akong mapabalikwas sa kinauupuan. "You dropped your bag."

Nilahad niya sa harap ko ang aking bag. Muntik na akong matawa nang mapagtanto na hindi ko manlang namalayan na wala na ito sa tabi ko.

"Thank you," nakangiti kong sambit sabay hila sa aking bag.

Ngumiti rin ang lalaki bago bumaling sa bartender at humingi ng alak. Tinitigan ko siya. Abala siya sa panonood sa paggawa sa kanyang alak kaya malaya ko siyang matitigan.

Hindi ko nga lang alam kung bakit ko 'yon ginawa. Wala lang. Gusto ko lang siyang tingnan. Wala akong magawa, eh.

Napansin niya yata ang titig ko kaya tumingin siya sa akin. Nakakunot na ngayon ang noo niya bago sumulyap sa basong hawak ko.

"Hilo ka na kaya hindi mo iniinom 'yan?"

Namilog ang mata ko at nagtaas ng kilay. Tumawa siya bago nilingon ang malaking lamesa sa 'di kalayuan kung saan may isang grupo ng magkahalong kalalakihan at kababaihan na nagtatawanan.

"I'm with them so don't worry, I won't stay here. Hinihintay ko lang ang drinks ko."

Wala naman akong sinasabi na huwag siyang mag-stay, ah? Akala niya yata natatakot ako sa kanya. Tss.

Hindi ako nagsalita. Tumango lang ako bago ininom nang diretso ang aking alak. Narinig ko ang pagsinghap ng lalaki lalo na nang manghingi pa ako ng isa.

Ininom ko ulit nang isang lagukan ang bagong bigay na alak. Manghihingi pa sana ulit ako kung hindi lang naunahan ng lalaki.

"I think that's enough."

"Mind your own business," mataray kong sambit dahil kinagulat ko ang pangingialam niya.

"Annika," baritonong tawag ng isang lalaki sa likod ko. Agad kong nilingon 'yon hanggang sa makita si Damian na masama ang tingin sa akin. "What are you doing here again?"

Umirap ako at babalewalain na sana siya ngunit bigla niyang kinuha ang bag ko. Napatayo ako sa gulat ngunit dahil sa hilo, alam kong matutumba na ako.

Akala ko'y malalaglag ako sa sahig ngunit isang kamay ang agad sumalo sa akin. Nilingon ko 'yon, at nang makita ang lalaking estranghero, natawa na lang ako.

"Thank you again."

Hindi siya nagsalita. Inalalayan lang niya akong tumayo nang maayos bago tingnan si Damian.

"Do you know her?"

"I wish I don't," malamig na sagot ni Damian bago ako kunin sa lalaki. "Let's go."

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon