Truth

485 30 4
                                    

ANDRUS

"Hindi ka ulit umuwi sa inyo?"

PUMASOK SI Ravena na may dalang isang basket ng prutas. Nagkatinginan muna kami bago niya nilipat ang tingin kay Dajani na hanggang ngayo'y hindi pa rin nagigising.

"Ako naman dito. Umuwi ka na muna sa inyo," aniya pa sabay lapag ng basket sa maliit na lamesa. "Ang sabi ni Captain Cervantes, tumatawag na raw ang kamag-anak mo sa headquarters dahil nag-aalala sa 'yo."

Kamag-anak? Si Mama lang naman iyon panigurado. Bakit pa siya tumatawag sa headquarters kung puwede naman niya akong tawagan sa cellphone? Hindi ko na iniiwan sa bahay iyon... kaya puwede na niya akong tawagan.

"Hindi ako uuwi," mataman kong sinabi bago tingnan ang mukha ni Dajani. "Sasamahan na lang kita rito."

Naglakad si Ravena papunta sa kabilang side ng kama ni Dajani. Gaya ko, tiningnan niya rin ang mukha nito. "Masyado mo naman yatang dinidibdib ang pagbantay kay Dajani. Huwag kang mag-alala, marami pang bantay sa labas. At isa pa, nandito naman ako. Umuwi ka muna sa inyo para naman mapanatag 'yong naghahanap sa 'yo."

Hindi ako nagsalita. Wala akong pakialam kung tingin ni Ravena'y dinidibdib ko masyado ang trabaho namin. Wala akong pakialam kung ano ang iniisip niya, basta hindi ako uuwi. Ayaw kong umuwi.

"Tss. Bakit ba ayaw mong umuwi sa inyo?"

Ayaw kong sagutin iyon kaya tumayo na ako at sinikop ang aking mga gamit na nakalagay sa lamesa. "Pupunta lang ako sa police station."

Humalukipkip si Ravena at nagtatakang tumitig sa akin. Halata sa kanya ang maraming katanungan kaya bago pa niya maisatinig iyon, lumabas na ako ng kuwarto.

Naglalakad na ako sa hallway nang kunin ko ang aking cellphone sa bulsa upang tawagan si Spencer. Sinabi ko sa kanya na pupunta ako sa police station na agad naman niyang pinahintulutan dahil kailangan din daw niya akong makausap.

"May inutusan akong tao upang imbestigahan si Governor Hilario. Tama nga si Finian, may rason nga ang gobernador upang magalit ito sa mga Ceja. Pero... hindi ko nakikitang sapat ito para i-frame up niya si Hugo Ceja. At isa pa, ayaw talagang makipagtulungan ni Brando Ramos. Talagang si Hugo Ceja pa rin ang dinidiin niyang nag-utos sa kanya."

Nakatulala lang ako kay Spencer habang sinasabi niya iyon. Naintindihan ko ang mga sinabi niya ngunit hindi umaandar ang utak ko para magbigay ng insight tungkol doon. Wala akong maiambag na komento. Wala akong masabi dahil ang totoo... iba ang tumatakbo sa isipan ko ngayon.

Kumuyom ang kamao ko dahil hindi ko iyon nagustuhan. Nagagalit ako sa tuwing nahuhuli ang sarili na iniisip na naman siya. Hindi ko matanggap na isang buwan na ang lumipas ngunit ganito pa rin ako, hirap na hirap makausad sa bawat araw na dumaraan.

"Mas lalo ring tumibay ang pagkakaibigan nina Alvaro at Governor Hilario simula nang matapos ang eleksyon. Bukod doon, nagkasama rin sila sa isang proyektong tulungan ang mga residente ng Santa Lila na makabangon muli mula sa trahedya ng pagsabog noong nakaraang buwan. Kaya mukhang malabo talaga na ipahamak ni Governor Hilario si Alvaro para lang i-frame up si Hugo Ceja. Kung may galit siya sa mga Ceja, bakit kailangan pa niyang idamay si Alvaro? Puwede namang hindi na... kung talagang malalim ang galit niya."

Naintindihan ko ulit iyon pero wala pa rin akong masabi. Wala pa rin dahil isang tao lang ang iniisip ko sa mga oras na ito. Ah hindi, sa lahat pala ng oras.

Kairita. Ayaw kong umuwi dahil gusto kong lunurin ang sarili sa trabaho tapos ngayong nandito ako sa trabaho, siya pa rin ang iniisip ko?! Nakakainis talaga, lalo na kapag naaalala kong ganitong-ganito rin ako noon no'ng unang beses siyang umalis.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon