Trust

453 21 2
                                    

ANNIKA

HINDI KO inakala na madali ang magiging proseso ng pag-resign ko sa kumpanya. T-in-urn over ko lang sandali ang mga tasks ko sa taong papalit sa akin at pagkatapos no'n ay hinayaan na nila akong umalis. Ang nagpabagal lang talaga ay ang pag-aayos ko ng condo.

Masyadong maraming gamit ang kailangan kong i-donate at ibenta dahil hindi ko naman ito maiuuwi lahat sa Pilipinas.

"Sabi ko naman kasi sa 'yo, apo, dito na lang dapat kayo tumira una pa lang. Alam mong uuwi rin kayo agad sa Pilipinas kaya dapat hindi na kayo kumuha ng kapatid mo ng condo," ani lola, ang nanay ni Mama.

Sa kanila ko binigay ang ibang gamit namin ni Finian sa condo dahil may kilala raw silang mga Pilipino na puwede nilang pagbigyan no'n.

"Kumusta na pala ang papa mo, apo?" si lolo naman habang nagdidilig ng halaman. "Balita ko'y nanalo raw siya?"

"Maayos naman po, lo. Opo, nanalo siya bilang bagong mayor ng Santa Fe."

Umiling si lolo. "Tss. Hindi na ako magugulat kung isang beses ay tumakbo siya bilang presidente ng Pilipinas."

"Mahal..." wika ni lola nang mahimigan ang sarkasmo sa boses ni lolo. "Ang sabi niya'y aalagaan naman niyang maigi ang mga apo natin kaya huwag ka nang mag-alala."

Gaya ko, tutol din si lolo sa mundong ginagalawan ni Papa. Ang alam ko rin, ayaw niya noon kay Papa para kay Mama. Sadyang mahal lang talaga ni Mama si Papa kaya wala siyang choice kundi tanggapin si Papa.

"Kakausapin ko pa rin sina Aurelia at Philip para makampante ako na palaging ligtas ang mga apo natin."

Tinabihan ni lola si lolo kaya natigilan ito sa pagdidilig. Nanatili naman akong nakatayo sa gilid at marahang nakatitig sa kanila.

"May sariling pamilya sina Aurelia at Philip kaya huwag mo na silang gambalain. Hindi nila responsibilidad ang mga apo natin. At isa pa, gumagawa si Alvaro ng paraan para masigurong palaging ligtas ang mga anak niya."

"Palaging ligtas? Siya nga nabaril, eh!"

Bumuntong-hininga ako bago pumagitna sa kanilang dalawa dahilan upang hindi maituloy ni lola ang sinasabi.

"Don't worry about us, okay? Nakulong na po ang salarin kaya wala na kayong dapat ipangamba."

Nakakulong na sina Brando Ramos at Governor Hilario kaya ligtas na kami. Hindi na kami mapapahamak. Tahimik na rin ang bayan ng Santa Fe.

Ilang oras pa muna ako nakipagkuwentuhan kina lolo at lola bago ako nagpasyang umuwi sa condo. Naramdaman ko agad ang katahimikan at lungkot dahil wala ng gamit sa paligid. Tanging kama at mga kahon na naglalaman ng mga iuuwi ko sa Pilipinas ang natira rito sa loob.

Sa kalagitnaan ng pahinga, kinuha ko ang aking cellphone sa bag upang i-check ang messages ni Andrus sa Facebook. Medyo nagulat ako sa dami ng messages na hindi ko nabuksan simula pa kaninang hapon dahil sa pagiging abala ko sa paglipat ng mga gamit.

Nang makita ang oras, alam kong madaling araw na sa Pilipinas. Tulog na siya kaya hindi ko na siya makakausap. Mag-iiwan na lang ako ng text para makita niya paggising niya mamaya.

Me:
Sorry, hindi ko nasagot ang mga messages mo. Sobrang busy kasi sa pag-ayos ng mga gamit. How are you?

Itatago ko na sana ang cellphone nang bigla itong tumunog. Nanlaki ang mata ko nang makita ang pangalan ni Andrus para sa video call.

Nakangiti ako nang sagutin ang tawag niya. Unti-unti nga lang itong napawi nang makitang namumungay ang mga mata niya. Medyo madilim ang kuwarto niya kaya binuksan niya ang ilaw sa tabi ng kama.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon