Choice

369 22 3
                                    

ANNIKA

ILANG ARAW kong inabala ang sarili sa paghahanap ng trabaho at sa mga job interview. Minsan ay nangyayari ang interview thru phone call, ngunit madalas ay kailangan kong pumunta sa Maynila para roon.

At sa mga pagkakataong din 'yon, hindi ko madalas sinasama si Andrus. Bukod sa conflict ang schedule, hindi ko rin siya maisama dahil kay Damian.

Nakauwi na si Damian dito sa Pilipinas nang walang nakakaalam. Hindi nga lang siya sa Elena nag-stay, kundi sa Maynila.

Kaya naman, siya ang dahilan kung bakit minsan ay hindi ko sinasama ang boyfriend ko kapag lumuluwas. Gusto ni Damian panatilihing sikreto ang pagkikita namin para maiwasan ang gulo.

Sobrang guilt talaga ang nararamdaman ko sa tuwing nagkikita kami tapos hindi alam ni Andrus. Wala naman kaming ginagawang masama pero hindi ko maiwasang makaramdam ng gano'n. Feeling ko nagtataksil pa rin ako.

"'Yon lang?" tamad na tugon ni Damian pagkatapos kong sabihin sa kanya ang mga nakalap kong impormasyon. "Wala ng iba pang sinabi ang driver n'yo?"

Sinabi ko sa kanya ang sinabi sa akin ni Mang Nestor kagabi nang tanungin ko ito tungkol sa nangyaring barilan sa bahay.

Ang sabi ni Mang Nestor, bigla na lang daw nagsitakbuhan palabas ng bahay ang mga pulis na bumaril kina Papa at Tito Marcel pagkatapos magpaputok ng baril. Hindi na sila nagawang habulin ng mga mababait na pulis dahil may tama na rin ang mga ito. At isa pa, kulang ang bilang nila kumpara sa mga pulis na binigay ni Governor Hilario.

Takot na takot din ang mga kasambahay at si Mang Nestor noong gabing 'yon. Ang tanging nagawa lang nila ay tumawag ng ambulansya upang madala sina Papa at Tito Marcel sa ospital.

"Oo, Damian. 'Yon lang ang sinabi niya. Gano'n din ang sinabi nina Lisa at Belen." Umirap ako at humalukipkip habang nakaupo sa kanyang sofa. "Now, puwede na ba akong umuwi?"

Mag-a-alas kuwatro na kasi ng hapon, at dapat nasa bahay lang ako sa araw na ito. Wala dapat ako ngayon dito sa Maynila; pero dahil gusto niya akong makausap nang personal, kinailangan ko siyang puntahan.

Simula kasi nang makauwi siya rito sa Pilipinas, hindi na kami nagko-communicate online. Natatakot kasi siya na baka imbestigahan siya at makita na nag-uusap kaming dalawa. Gusto ko nga siyang sabihan na ang OA niya pero alam kong totoo rin naman 'yon. Sa galing ng taong hinahanap namin, siguradong posibleng mangyari 'yon.

"Kumusta ang mga Ceja?" mahina niyang tanong habang nakataas ang kilay.

Unti-unting umangat ang gilid ng aking labi. "Akala ko ba galit ka sa kanila? Bakit mo kinukumusta?"

"Just answer my question, Annika."

"Hindi naman sila parte ng imbestigasyon natin, ah? 'Di ba inosente sila?"

"Kahit na. We need to know their whereabouts," aniya habang nakatitig nang malalim sa kawalan, tila nag-iisip. "Ang goal ng taong nasa likod ng lahat ng ito ay ipahamak kayo upang may sisihin kayo. Hindi ninyo kaaway ang pamilya namin kaya sino pa ba ang gusto niyang sisihin ninyo sa nangyayaring kamalasan sa pamilya n'yo?"

Sandali akong natahimik hanggang sa unti-unting namilog ang mata ko nang mapagtanto ang ibig niyang sabihin.

"Ang mga Ceja..." wala sa sarili kong sinabi habang nakatitig sa sahig, pilit binabalikan lahat ng mga inisip ko dati.

Tama ang sinabi ni Damian dahil noong muntik na kaming mapahamak ni Papa sa palengke, ang mga Ceja agad ang naisip kong may pakana no'n. Syempre kalaban namin sila, at alam kong gagawin nila ang lahat para manalo sa eleksyon.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon