Fall

541 38 4
                                    

ANDRUS

PINAGMASDAN KO ang pag-alis ni Annika. Nasa taas na siya at tuluyang nakapasok sa kuwarto ngunit hindi pa rin matanggal ang tingin ko sa pinto.

"Ehem!" Paglingon ko, nakita ko ang nakahalukipkip na si Finian habang nakasandal sa pintuan. "Mag-usap tayo, Andrus."

Lumabas siya ulit at nagtungo sa garden. Huling sulyap ang ginawa ko sa itaas bago sumunod kay Finian.

"Upo ka." Minuwestra niya ang upuan sa tapat niya. Gaya ng gusto niya, umupo ako roon. "Alam kong nagmamadali ka dahil may sakit si Tita Aurelia. Huwag kang mag-alala, sandali lang 'to."

"May problema ba, Finian?" tanong ko dahil mukhang may bumabagabag sa isipan niya. Parang kanina lang ay nagtatawanan sila ni Annika, ah?

Hindi niya pinansin ang sinabi ko. Makahulugan lang siyang tumitig sa akin.

"Alam kong iniimbestigahan mo ang nangyari sa palengke. Alam ko rin na sinabi sa 'yo ni Damian Hilario ang opinyon niya." Pumikit siya nang mariin at hinilot ang kanyang sintido. "Andrus, hindi ako naniniwalang kaya gawin 'yon ni Hugo Ceja. Please, don't focus on him."

Panandalian kong naramdaman ang gulat sa sinabi niya nang maisip na maaaring si Damian Hilario ang nagsabi sa kanya nito. Sa pagkakatanda ko, malapit sina Damian at Finian sa isa't isa dahil sa mga salo-salo na nadaluhan nila. Nalaman ko lang iyon nang minsang kunin ni Tito Alvaro si Papa bilang driver sa isang event noon.

"Huwag kang mag-alala, hindi ako naka-focus sa kanya. Target namin ngayon mahuli si Brando Ramos, ang taong nanggulo sa palengke," paninigurado ko.

Matagal siyang tumitig sa akin. Hindi ko mabasa kung galit ba siya o ano. Blangko lang ang ekspresyon niya na madalas kong nakikita sa tuwing may naglalaro sa kanyang isipan.

"Puwede ba akong sumali sa imbestigasyon mo?"

Nanlaki ang mata ko at agad na umiling. "Finian, hindi puwede. Bukod sa magagalit si Tito Alvaro, delikado rin para sa 'yo."

Nababaliw na ba siya?

Tumuwid siya ng upo at lumapit sa akin, nais pang ipilit ang gustong mangyari. "I can help! At isa pa, hindi naman natin sasabihin kay Papa."

Tumalim ang tingin ko sa kanya. "Mas lalong hindi puwede. Ano na lang ang mangyayari kapag nalaman niya?"

At isa pa, delikado talaga para sa kanya. Hindi sa minamaliit ko siya ngunit wala siyang kakayahan upang protektahan ang sarili kung sakaling magkaroon ng aberya.

"Paano kung sabihin ko sa 'yo na makatutulong ako sa imbestigasyon?" hamon niya dahilan upang magsalubong ang dalawang kilay ko. "Kayo ang gagalaw sa labas habang ako naman sa loob."

"Ano ang ibig mong sabihin?"

Tumingin muna siya sa paligid at mas lumapit pa sa akin. Sa liit ng distansya namin, siguradong wala ngang makaririnig sa sasabihin niya.

"Malakas kasi ang kutob ko na may nalalaman si Damian Hilario kaya niya pinagdidiinan si Hugo Ceja." Naningkit ang mata niya bago tumingin sa kawalan. "Hindi ba kayo nagtataka kung bakit gano'n na lang ka-pursigido si Damian kumbinsihin si Papa upang sampahan ng kaso si Hugo Ceja? Ayaw ko sanang pag-isipan ng masama si Damian pero nagdududa talaga ako sa kilos niya."

Natulala ako sa kanya. Hindi ko kailanman pinag-isipan nang masama si Damian dahil anak siya ng kagalang-galang na gobernador ng Elena. Sa tinagal-tagal ko nang naninirahan sa lalawigang ito, hindi pa ako kailanman nakasagap ng negatibong balita tungkol sa kanilang pamilya.

"Gusto kong gumawa ng lihim na imbestigasyon sa loob, Andrus. Ang kailangan ko lang ay plano, at alam kong may maiisip kayo ni Inspector Dorantes."

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon