Busy

618 37 9
                                    

ANDRUS

HINDI KO alam kung anong oras susunduin ang kapatid ni Annika kaya nagdesisyon akong pumunta sa bahay nila nang mas maaga. Kahit alas singko pa lang ng madaling araw, gising na gising na ang mga tao sa bahay ng mga Faustino. Naabutan ko lang naman kasi si Tito Alvaro kasama ang mga kaalyado niya na naghahanda para sa paglibot nila ngayong araw.

Hindi gaya ng dati, kaunti lang sila ngayon. Kaunti lang din ang bilang ng mga sasakyang naka-park sa labas. Mukhang sinunod nila ang payo ko na huwag masyadong marami ang maglilibot para mabantayan sila nang maigi ng mga pulis.

Abala si Tito Alvaro sa pagkikipag-usap sa mga konsehal nang lapitan ko siya. Napatingin sa akin ang mga kausap niya kaya nilingon niya ako.

"Andrus!" nakangiting bati ni Tito Alvaro. Umakbay pa siya sa akin bago marahang pinisil ang aking balikat. "Nabanggit sa akin ni Aurelia na sasama ka raw kay Annika sa pagsundo kay Finian sa airport?"

Nabaling ang tingin ko kay Maverick dahil sa unti-unting pagpawi ng ngiti sa kanyang labi. Titig na titig siya kay Tito Alvaro noong una bago niya ito nilipat sa akin.

"Really? Uuwi na si Finian dito?" manghang wika ni Nadia Samaniego, isa sa mga tatakbong konsehal na kaalyado ni Tito Alvaro.

Humiwalay sa akin si Tito Alvaro upang harapin si Nadia. "Oo. Susunduin siya ni Annika ngayon sa airport. Isasama ko rin siya sa pangangampanya para mas marami tayo."

Nagliwanag ang mukha ni Nadia. Ngumiti naman si Maverick ngunit hindi ito kasing saya ni Nadia dahil marahil sa isang bagay na bumabagabag sa isipan niya.

"Nasaan po si Annika?" tanong ko kay Tito Alvaro dahilan upang tuluyang mabura ang ngiti sa labi ni Maverick.

Natawa si Tito Alvaro. "Tulog pa, Andrus. Mamayang alas nuebe pa kasi makabababa ng eroplano si Finian. Hindi ba sinabi sa 'yo ni Annika kagabi?"

Hindi niya iyon sasabihin dahil ayaw niya akong isama. Alam ko dahil kitang-kita ko sa mga mata niya kagabi ang pagtutol sa gusto kong mangyari.

Alam kong ayaw ni Finian magmaneho si Annika sa labas ng Elena. Alam ko 'yon dahil palagi ko silang naaabutan noon na nag-aaway para lang doon. Siguro'y kinukutuban si Finian na gagala at magwawalwal lang si Annika kapag nakarating ito sa kung saan-saan.

Napangisi ako. Mabuti na lang gano'n ang kapatid niya.

"Tara na! Malayo-layo pa ang susunod nating pupuntahan!" boses ni Tito Marcel mula sa labas ng gate.

Nagsikilos agad ang lahat maliban kay Tito Alvaro na nanatili sa tabi ko.

"Kung gusto mo'y bumalik ka na lang dito mamaya, Andrus. Hindi ka naman puwede maghintay rito dahil siguradong mamaya pa magigising ang batang iyon."

Pinasok ko ang dalawang kamay sa bulsa ng aking pantalon bago nagsalita, "Maghihintay na lang po ako rito, tito. Wala rin naman akong gagawin sa bahay."

Tumagilid ang ulo niya at gusto pa sana tumutol ngunit nang makita sa mukha ko ang matibay kong desisyon, nagkibit-balikat siya at ngumiti. "Ikaw ang bahala. Kung may kailangan ka, sabihan mo lang ang mga kasambahay."

Pag-alis nila, pumasok na ako sa loob ng bahay. Naabutan ko roon ang mga kasambahay na nililigpit ang kalat dahil sa mga bisita. Mukhang nag-breakfast muna sila bago umalis.

Tumulong ako sa pagliligpit. Ayaw pa nga sana ng mga kasambahay na tumulong ako ngunit nagpumilit ako dahil wala naman akong gagawin.

"Maraming salamat, Andrus. Hindi ka pa rin nagbabago. Mula noon hanggang ngayon, mabait at matulungin ka pa rin," nakangiting wika ni Ate Lisa.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon