Secret

542 33 2
                                    

ANDRUS

HINDI KO alam na may mas isasaya pa pala ang isang tao lagpas sa karaniwang saya na nararamdaman tuwing may magandang nangyayari sa buhay niya. Hindi ko talaga alam na puwedeng maramdaman ang pagbagal ng oras dahil sa sobrang saya. Na para bang nagbabago ang mundo dahil napupuno ng galak ang iyong puso.

Hindi agad ako nakatulog pag-uwi. Kahit ilang araw akong pagod at puyat kaiisip at kahihintay kay Annika lumabas sa kanilang bahay, hindi pa rin iyon naka-apekto sa akin ngayong nakahiga na ako sa kama.

Sa ganda ng mga nangyari, parang bulang nawala ang pagod ko. Sa sobrang saya, kaya kong dalhin ang lahat ng nangyari sa aking panaginip.

Hindi lang talaga ako makapaniwala. Hindi ako makapaniwala na kami na. Hindi ganito ang inasahan kong mangyayari sa oras na makapag-usap ulit kami. Inisip ko, siguradong mahihirapan akong suyuin siya sa pangalawang pagkakataon. Siguradong hindi magiging madali sa akin ang lahat.

Kaya nang sabihin niyang sinasagot na niya ako, para akong nabingi dahil sa ingay ng nagwawala kong dibdib. Daig ko pa ang nanalo sa lotto! Pakiramdam ko, nasungkit ko na ang pinakagusto kong bagay sa mundong ito.

Nadala ko nga hanggang sa panaginip ang saya na naramdaman ko kaya maganda ang gising ko kinabukasan. Cellphone agad ang una kong hinanap upang i-text si Annika kahit alam kong hindi pa siya gising sa mga oras na ito.

Me:
Good morning. Hapon ako pupunta sa inyo mamaya para makausap si Tito Alvaro. Ikaw ang bahala kung gusto mong isama si Finian.

Matagal ko nang gusto makausap si Tito Alvaro tungkol sa intensyon ko kay Annika. Hindi ko lang magawa noon dahil magulo pa ang sitwasyon ng mga Faustino. Ngayong maayos na ang lahat, kailangan sabihin ko na ito sa kanya.

Huminga ako nang malalim bago nilapag ang cellphone sa kama. Bumangon na rin ako at pumunta sa bathroom.

Habang naliligo hanggang sa pagbibihis, hindi nawala sa isip ko ang naging kahinatnan ng gobernador ng Elena dahil sa maling paratang sa kanya.

Naiinis ako sa tuwing naiisip na kahit anong sabihin ko, ayaw maniwala sa akin nina Spencer at Captain Cervantes na si Lorenzo Savarino ang may pakana ng lahat.

"Andrus, buo na ang desisyon ng mayor. Bakit ba nakikialam ka pa?" pagod na boses ni Spencer isang araw na nagpunta ako sa police station upang kumbinsihin siya. "Umamin na nga si Governor Hilario na siya raw ang may pakana ng lahat. Bakit sinisisi mo pa si Lorenzo Savarino? Baka nalilimutan mo na kaalyado niya si Mayor Alvaro noong eleksyon."

"Ang sabi ni Dajani—"

"At naniwala ka naman? Nabugbog siya, nasabugan ng bomba, at na-comatose ng ilang araw. Siguradong wala sa kundisyon ang utak niya noong sinabi niya 'yon sa 'yo."

Gano'n din ang mga sinabi sa akin ni Captain Cervantes. Ayaw nilang maniwala ako kay Dajani na si Lorenzo Savarino ang tao sa likod ng lahat ng ito.

"Ang mahalaga'y naniniwala ka sa akin, Andrus," sabi ni Dajani nang sabihin ko sa kanya ang opinyon ng dalawa. "Hindi na baleng ayaw nila maniwala, basta ikaw, naniniwala ka sa akin."

Umigting ang panga ko nang mahimigan ang lungkot at... pamamaalam sa boses niya. Kung makapagsalita siya'y parang hinahabilin niya sa akin ang sikretong ito. Na kung sakaling mawala man siya sa mundong ito, may isang tao naman siyang napagsabihan ng kanyang sikreto.

Hindi ko iyon nagustuhan kaya pagalit ko siyang tinitigan na nginitian lang niya. Hindi na lang ako nagsalita.

Simula no'n, pakiramdam ng mga tao ay tahimik na ang Santa Fe. Ang kasalukuyang namumuno ngayon sa Elena ay ang bise gobernador. Bumalik na rin kami sa kanya-kanyang trabaho. Higit sa lahat, umuwi na rin ang pamilyang Ceja.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon