Explosion

479 25 2
                                    

ANDRUS

MAGUGULAT SIGURO si Annika kung sasabihin ko sa kanya kung gaano kalaki ang epekto niya sa akin. Hindi niya alam na sa isang sulyap niya lang, buo na ang araw ko. Isang ngiti niya lang, napapangiti na rin ako. Isang yakap niya lang, napapawi na ang pagod ko. Hindi niya alam iyon. At hindi ko rin alam sa tinagal-tagal ko ng nararamdaman ito, ganito pala ang ibig nitong sabihin.

Hindi ko alam noon na sa bawat ngiti at pagtama ng mga mata namin, ang kalabog at kaba na nararamdaman ko ay may ibig sabihin. Hindi ko alam na noon pa man, gusto ko na pala talaga siya. Hindi ko lang noon maintindihan. Hindi ko lang mapangalanan. Kung iisipin kasi, mahirap aminin sa sarili na humahanga ako sa taong mahirap abutin. Kaya siguro binalewala ko na lang ang lahat ng kakaibang pakiramdam sa tuwing natatanaw siya sa malayo.

Ngayong abot-kamay ko na siya, mas lalo naging malinaw sa akin ang lahat. Hindi ko namalayan na noon pa lang, wala akong ibang gusto maabot kundi siya. Wala akong ibang taong nakikita na puwedeng makasama habang buhay kundi siya lang.

"A-Ano ba kasi ang nangyari? Bakit hindi ka manlang nagparamdam ng ilang linggo?" ani Annika sa boses na pilit kinakalma.

Ngumiti ako nang makita kung paano siya nagsikap kalmahin ang sarili kahit halata sa kanya ang inis. Kahit itago niya, alam kong kulang na lang ay sigawan niya ako sa galit.

Nakakakaba pero nakatutuwa. Sa ilang araw naming pag-uusap, nakita ko kung paano niya pinilit ang sarili magbago. Hindi ko maiwasang mamangha kapag mataman siyang nakikinig sa mga sinasabi ko sa tuwing nagkakamali siya. Magmula sa pananalita hanggang sa pag-iisip, sinusubukan kong ipaintindi sa kanya kung ano ang tama at mali.

"Hindi mo sinasagot ang mga texts at tawag ko..." Nag-iwas siya ng tingin at sumimangot. "Tapos darating ka rito nang ganyan ang itsura mo. Nakapagpahinga ka na ba? Hindi ka pa nga yata natutulog."

Namilog ang mata ko nang marinig iyon. Hindi ko akalain na pati 'yon ay napansin niya. Gano'n na ba talaga kahalata ang pagod sa mukha ko para makita niya?

Hinawakan ko ang kamay niya at marahan itong pinisil. "Pasensya na talaga. Bawal kasi kami gumamit ng cellphone habang nasa misyon. Kapag naman nakakauwi ako sa bahay, gabing-gabi na. Alam ko kung anong oras ka natutulog at ayaw kong istoborhin ka."

Mas lalong bumusangot ang mukha niya. "Kahit text lang sana, Andrus, okay na! Puwede ko naman 'yon basahin sa umaga paggising ko. Hindi 'yong wala ka talagang paramdam!"

Tumango ako bilang pagtanggap sa pagkakamaling iyon. Tama siya, at hindi ko na iyon naisip dahil sa sobrang pagod. Ayaw ko nga lang sabihin dahil ayaw kong malaman niya kung ano ang nararamdaman ko.

"I'm sorry..." sabi ko na lang.

Bumuntong-hininga siya at pumikit nang mariin. "Ano ba kasi ang misyon mo? Tungkol pa rin ba ito kay Brando Ramos?"

Sumeryoso ang mukha ko nang maalala ang misyon.

Nakasama na ako sa mga ganitong uri ng misyon ngunit iba ang kasong ito dahil malapit ito sa akin.

Simula nang maputol ang pag-uusap namin ni Dajani sa telepono noong araw ng grand campaign, hindi ko na ulit siya nakausap... o nakita manlang. Sinabi ko 'yon kay Captain Cervantes na agad niyang ginawan ng aksyon. Bukod doon, sinabi ko rin sa kanya ang pinaghihinalaan kong kumuha kay Dajani.

"Sigurado ka ba rito, Andrus?" tanong ng aking kapitan nang dalhin ko sa kanya ang hiniram kong dokumento kay Spencer noong isang gabi.

"Yes, sir. Ang sabi ni Spencer, nakausap niya raw noon ang may-ari ng itim na sasakyan. Wala pa raw itong available na plate number kaya madaling araw sila bumabyahe. Case closed na 'yan pero ayaw magpapigil ni Dajani dahil iba ang kutob niya. At bago maputol ang pag-uusap namin, ang sabi niya'y alam na raw niya kung sino ang mga taong hinahabol niya. Hindi raw ito mga holdaper sa bus."

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon