Fear

698 38 6
                                    

ANDRUS

ISANG MABIGAT na buntong-hininga ang pinakawalan ni Captain Mikell Cervantes habang nakaupo sa kanyang swivel chair. Nasa harap niya ako, hinihintay ang sagot niya sa request ko.

"Pinayagan na kita sa lahat ng gusto mong mangyari, Dela Cerna. Hinayaan kitang imbestigahan ang nangyari sa bus. Hinayaan din kitang um-absent ng tatlong araw para sumama sa pangangampanya ni Faustino. Tapos ito naman ngayon?"

Tinapon niya sa lamesa ang folder na naglalaman ng request kong tulong sa paghahanap sa mga taong nanggulo sa palengke. Napapaloob doon ang paghingi ko ng assistance para mas mapabilis ang paghahanap ko.

"Ilang beses ko na bang sinabi sa 'yo na linya ito ng PNP? Gusto mo bang pangunahan sila? Ang trabaho natin ay ang mga rebelde, Technical Sergeant Dela Cerna. Hindi dapat tayo nanghihimasok sa trabaho nila!"

Umigting ang panga ko sa galit. Ilang sandali akong hindi nagsalita upang pakalmahin ang sarili. Nang kumalma'y pumikit muna ako nang mariin bago siya sinagot, "Captain, ang nangyari sa palengke ay kailangan din natin imbestigahan. Siguro nga'y wala itong kinalaman sa mga rebelde ngunit paano kung mas malala ang mga ito sa kanila?"

Nagtaas ng kilay si Captain Cervantes. "Mas malala dahil siguradong politika ang rason sa likod ng lahat ng ito. Malapit na ang eleksyon kaya nagsisimula na silang umaksyon nang ganito. Hindi natin 'yon dapat panghimasukan dahil may mas mahalaga pa tayong dapat pagtuonan ng pansin."

Kumuyom ang kamao ko. "Kung gano'n ay hayaan n'yo na lang po akong imbestigahan ito mag-isa."

Kung ayaw niya talaga akong tulungan ay ako na lang ang gagawa nito mag-isa. Alam kong matatagalan ako dahil hindi ako makakukuha ng suporta mula sa kanya, ngunit mas mabuting ganito kaysa sa wala.

Hindi ako puwedeng tumunganga na lang dito. Hindi ko puwedeng hayaan na habang gumagawa ng plano ang mga kalaban ay nanonood lang ako at walang ginagawa.

Tumagilid ang ulo ni Captain Cervantes habang nakakunot ang noo, hindi yata inasahan ang sinabi ko. "Naririnig mo ba 'yang sinasabi mo? Tatalikuran mo ang trabaho mo para lang diyan?"

"Hindi ko po tatalikuran ang trabaho ko."

Mapakla siyang tumawa. "Sinasabi mo bang mag-iimbestiga ka habang ginagawa mo ang tungkulin mo rito? Ano ka, superhero? Ayusin mo nga ang mga desisyon mo!"

Gusto kong sumagot ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Kung galit siya, mas galit ako. Baka kung ano pa ang masabi ko sa kanya kapag hindi ako nakapagtimpi.

Isang katok mula sa labas ang pansamantalang nagpahupa ng tensyon dito sa loob ng kanyang opisina. Huminga ako nang malalim habang si Captain Cervantes naman ay agad na tumayo upang pagbuksan ng pinto ang nasa labas.

Nagulat ako nang makita si Tito Marcel. May kasama siyang mga bodyguards na tuwid nakatayo sa likod niya. Nang magtama ang mata namin ay agad na sumilay ang ngisi sa labi niya. Hindi na ako nakatugon dahil mabilis niyang nilipat ang tingin sa aking kapitan na ngayo'y bakas na ang matinding iritasyon sa mukha.

"Ano'ng ginagawa mo rito, Marcellus?" malamig na tanong ni Captain Cervantes.

Pabirong umiling si Tito Marcel bago tinulak ang pinto para makapasok sa loob. Naiwan ang mga bodyguards niya sa labas dahil agad niyang sinara ang pinto.

"Tsk tsk. Hindi ka pa rin talaga nagbabago, Mikell. Palagi pa rin mainit ang ulo mo," nakangiting wika ni Tito Marcel habang tinatapik ang balikat ng aking kapitan. "Puwede bang mag-relax—"

Tinabig ni Captain Cervantes ang kamay ni Tito Marcel. Mas lumapit pa siya sa bisita upang sindakin ito ngunit wala manlang reaksyon si Tito Marcel. Hindi ito umatras o natakot manlang sa madilim at galit na mga mata ng aking kapitan.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon