First Day of Campaign

757 39 14
                                    

ANDRUS

MADALING ARAW kami umalis ni Mama sa bahay para magtungo sa bahay ng mga Faustino. Ngayon ang unang araw ng pangangampanya ni Tito Alvaro at maaga niya pinatawag ang lahat para sa paghahanda.

Nasa labas pa lang kami ng kanilang bahay nang matanaw ang mga tao sa garden. Kanya-kanya sila ng paghahanda para mamaya.

"Andrus!" Nakangiting lumapit sa amin si Tito Marcel. May hawak siyang flyers at may suot pang baller bracelet na may pangalan ni Tito Alvaro. Suot din niya ang terno nitong polo shirt. "Ano'ng ginagawa mo rito? Sasama ka ba sa amin sa unang araw ng pangangampanya?"

Tumango lang ako.

"Talaga? Buti pinayagan ka?"

Alam ni Tito Marcel ang trabaho ko. Bukod doon, kilala rin niya si Captain Cervantes kaya alam niyang mahihirapan akong lumiban sa trabaho para lang dito.

"Nakiusap lang po ako."

Namilog ang mata niya. "Talaga ba? Ilang araw naman ang binigay sa 'yo?"

"Tatlong araw po."

Oo, tatlong araw lang ang nagawa kong ipaalam kay Captain Cervantes upang samahan si Tito Alvaro sa pangangampanya. Kaya nga minamadali ko na si Spencer sa ginagawa niya para hindi ako mapilitang mag-extend.

"Hindi pa rin talaga nagbabago 'yang si Mikell! Masyadong seryoso sa buhay!" natatawang wika ni Tito Marcel, tinutukoy ang aking kapitan. "Hulaan ko. Ikaw lang ang pinadala niya rito, ano?"

Tutol si Captain Cervantes sa gusto kong mangyari kaya ayaw niya akong suportahan. Naiintindihan ko iyon dahil gaya nga ng palaging sinasabi ni Spencer, hindi ito trabaho ng mga sundalo.

Humalakhak si Tito Marcel nang walang makuhang sagot sa akin. "Sabi ko na nga ba! Kailangan munang magkaroon ng gyera bago siya magpadala ng sundalo rito. Well, naiintindihan ko naman dahil may mas mahalaga pang dapat gawin ang mga sundalong hawak niya. Kaya nga nagulat ako dahil nandito ka."

"Gusto kasi talagang sumama nitong anak ko, Marcel," singit ni Mama sabay hawak sa balikat ko. "Alam mo na, iniisip niya ang safety ng mga Faustino."

Tumango si Tito Marcel. "Kung gano'n ay pumasok na tayo sa loob. Kailangang malaman ni Alvaro na nandito ka!"

Pagpasok namin sa loob, nadatnan namin si Tito Alvaro na kausap ang kanyang vice mayor na si Lorenzo Savarino at ang sampung miyembro ng konseho. Natigil lang sila sa pag-uusap nang makita kami.

"Andrus?" nagtatakang sambit ni Tito Alvaro bago tumayo at lumapit sa akin. Pinagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa. "Naka-uniporme ka. Ibig sabihin may pasok ka? Ano'ng ginagawa mo rito?"

"Sasama siya sa atin," wika ni Tito Marcel. "Huwag kang mag-alala, alam naman ito ni Cervantes."

Nagsalubong ang dalawang kilay ni Tito Alvaro. "Bakit, Andrus? May problema ba?"

Akala ko'y matutuwa siya na nandito ako ngunit mas nakitaan ko pa ng pangamba ang mukha niya. Hindi na bago sa akin ang ganitong eksena dahil isa lang naman ang ibig sabihin kapag may sundalong pumapalibot sa isang lugar: banta ng panganib.

Hindi ako mapupunta rito kung hindi nanganganib ang mga Faustino. Hindi ako sasama rito kung natagpuan na ang mga lalaking hinahanap namin.

"Hindi pa rin ba nahuhuli ang mga holdaper?" tanong pa ni Tito Alvaro.

"Opo. Kaya sana payagan n'yo akong sumama sa inyo upang ma-protektahan kayo."

Sumulyap si Tito Alvaro sa likod ko, tila may hinahanap. "May mga kasama ka?"

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon