Remember

459 24 1
                                    

ANNIKA

SA LABAS pa rin natulog si Andrus kahit anong pilit kong dito na lang siya. Buo na talaga ang desisyon niya kahit magmakaawa ako, o mapanggap na hindi ko kayang mag-isa sa kuwarto.

Natawa na lang ako. Hindi ko akalaing sa simpleng bagay na 'yon, nadagdagan pa ang rason kung bakit ko siya minahal. Kung minahal ko siya noon, mas lalo na ngayon. Mas lalo pa sa tuwing nasasaksihan ko kung gaano niya ako kamahal sa mga mata pa lang.

Bakit ba nagduda pa ako noon? Hindi ko akalaing iniwan ko siya dahil sa maliit kong pagtingin sa nararamdaman niya para sa akin.

Kung tutuusin, ang pagmamahal ko ang dapat kinukuwestiyon dito. Pakiramdam ko kasi, kumpara sa akin, mas malalim at mas matatag ang pagmamahal niya. 'Yong kahit ano'ng gawin, hindi matitibag.

Samantalang ako...

Isang mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan ko habang pinagmamasdan ang pagsikat ng araw sa labas ng bintana.

Wala na akong lagnat ngunit alam kong kailangan ko pa ng pahinga. Pakiramdam ko hindi pa rin humuhupa ang pagod ko dulot ng matinding trabaho nitong mga nakaraang araw.

Ngumiti ako sa pagdampi ng ihip ng hangin sa aking mukha. Isang buwan na ako rito sa Maynila ngunit ngayon ko lang naramdaman ang kapayapaan. Siguro dahil iba ang araw na 'to.

"Gising ka na pala.." Tinalikuran ko ang tanawin sa labas upang harapin si Andrus na nasa bukana lang ng pintuan. "Nagugutom ka na ba?"

Umiling ako at ngumiti bago sumenyas na lumapit sa akin. Kunot-noo niya akong tinitigan bago siya tuluyang pumasok.

"Bakit? May problema ba? May masakit ba?" sunod-sunod niyang tanong habang sinusuri ng tingin ang katawan ko.

"Bakit nandito ka pa?" pag-iba ko sa usapan. "Hindi ba may pasok ka pa?"

"Hindi muna ako papasok. Dito lang ako..." sagot niya habang tinitingnan ang katawan ko. "Sigurado ka bang maayos na ang pakiramdam mo? Hindi ka na nahihilo?"

Ngumiti ako at umiling. "Hindi na po..."

Nag-angat siya ng tingin sa akin. Kung kanina'y puno ng pangamba ang mata niya, ngayon ay naniningkit na ito sa pagdududa.

"Are you sure?"

"Yes."

"Kung gano'n, ano ang gusto mong kainin?"

Ngumuso ako. "Hmm, hindi ka ba muna matutulog nang mas mahaba? Masyado pang maaga, Andrus. Magpahinga ka kaya muna?"

"Nakapagpahinga na ako."

Tss. Nakapagpahinga nga pero two hours lang! Paano siya makapagpapahinga nang maayos kung panay ang pasok niya sa kuwarto ko para i-check ang temperature ko. Magdamag yata siyang gising para asikasuhin ako! Nakatulog lang siya nang bumaba ang lagnat ko.

"May bibilihin lang ako sa labas. Babalik din ako agad."

"Saan ka pupunta?"

"Sa palengke. Hindi pa bukas ang grocery sa ganitong oras. Sa palengke na lang ako bibili ng mga puwedeng lutuin."

Palengke? Mayroon bang gano'n malapit dito? Puro building lang ang nakikita ko sa paligid, ah?

"May gusto ka bang ipabili?" tanong pa niya.

Umiling ako. "Wala naman. Bumalik ka lang agad."

Tumango lang siya bago ako tinalikuran. Hinatid ko naman siya ng tingin hanggang sa marinig ang pagbukas-sara ng pinto.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon