Priority

478 32 1
                                    

ANDRUS

MAHIGPIT ANG hawak ko sa manibela habang nagmamaneho patungong airport. Ngayon ang dating ni Finian sa Pilipinas, ayon kay Lorenzo Savarino. Siya ang lumapit sa akin para sunduin si Finian upang masiguro raw ang kaligtasan nito habang hindi pa nahuhuli ang mastermind sa pagbaril kina Tito Marcel at Tito Alvaro.

Tiim-bagang kong pinigilan ang sariling patulan siya habang sinasabi niya iyon. Kung magpapadala ako sa bugso ng damdamin, baka magkamali ako.

Kailangan kong maghunos-dili. Hindi ko basta-basta maaaring isiwalat ang mga nalalaman ko habang ganito ang sitwasyon. Hangga't hindi nagigising si Tito Alvaro, kailangan kong manahimik.

Ilang beses din akong nag-attempt sabihin kina Captain Cervantes at Spencer 'yon ngunit sa huli'y pinipili kong huwag magsalita. Galit si Captain Cervantes ngayon dahil hindi lang si Tito Alvaro ang nabaril, pati na rin ang kapatid niya. Alam kong kahit hindi sila magkasundo, may puwang pa rin sa kanya si Tito Marcel.

Mahirap din kausapin si Spencer ngayon dahil madalas ay hindi ko siya nadadatnan sa kanyang opisina. Ang sabi sa police station, dumadaan lang daw si Spencer doon sa umaga para kumuha ng dokumento at pagkatapos ay aalis na. Abala siya, at naiintindihan ko dahil hindi lang naman isa ang tinatrabaho niya.

"You're late. Traffic ba?" salubong ni Finian nang bumaba ako para tulungan siyang isakay sa sasakyan ang maleta niya. "Or galing ka pa sa work? Sana si Mang Nestor na lang ang pinadala ni Tito Lorenzo rito."

Umigting ang panga ko nang marinig muli ang pangalan ng lalaking iyon. Gusto kong magsalita nang masama ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Tinuon ko na lang ang atensyon sa pagsara ng compartment bago siya hinarap.

Pinagsisihan ko agad 'yon dahil bigla kong nakita si Annika sa katauhan niya. Ang mga mata nilang magkapatid ay parehas seryoso at nagsusumigaw sa karangyaan. Parang sa mata pa lang, alam mo na na anak sila ng isang makapangyarihang tao. Na nagmula sila sa pamilyang mataas ang pinag-aralan. Na hindi mo sila maaaring lokohin dahil alam nila ang kalakaran sa mundong ito. Ipararamdam nila sa 'yo na sa tingin pa lang, mas mataas ang nakamit nila kaysa sa 'yo.

Umiwas ako ng tingin kay Finian na para bang nakapapaso ang makita siya. "Pumasok ka na sa loob."

Pagbubuksan ko pa lang sana siya ng pinto ngunit nauna na siyang humawak sa handle ng sasakyan at diretsong pumasok. Umikot na lang ako at pumasok na rin sa loob.

Sa gitna ng byahe, hindi matigil si Finian sa pagtatanong.

"Bakit hindi pa lumalabas si Papa sa ospital? Akala ko ba hindi malubha ang tama ng baril sa kanya? Si Tito Marcel, kumusta? Nahuli na ba ni Inspector Dorantes ang may gawa nito?"

"Hindi pa nagigising sina Tito Alvaro at Tito Marcel pero ligtas na sila. At kung magising man sila, hindi muna uuwi si Tito Alvaro sa inyo dahil kasalukuyang iniimbestigahan ng mga pulis ang bahay n'yo."

Tumango si Finian. "Nabanggit nga 'yan ni Tito Lorenzo. Nag-book ako ng hotel sa San Rafael para may matirhan pansamantala habang under investigation ang bahay namin. At isa pa, hindi rin ako kumportableng manatili roon hangga't hindi pa nahuhuli ang may kagagawan nito."

Humigpit ang kapit ko sa manibela. Kung alam mo lang na nasa tabi mo lang ang nasa likod ng lahat ng ito, Finian.

"How's... Governor Hilario? Alam kong siya ang pinaghihinalaan sa nangyari kina Papa at Tito Marcel dahil siya ang nagpadala ng mga pulis sa bahay for protection," kalmado niyang sambit.

Napapikit ako nang mariin. "Isa rin siya sa iniimbestigahan ngayon."

Kumpirmadong mga pulis mula sa pinadala ni Governor Hilario ang bumaril kina Tito Alvaro at Tito Marcel dahil sa mga ebidensyang nilahad ng PNP. Ang sabi, napag-utusan lang daw sila ng gobernador kaya nila nagawa 'yon. Nag-presinta pa sila ng sulat na naglalaman ng utos at pirma mismo ni Governor Hilario.

The Sound of GunfireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon