Chapter 27: Death

12 3 0
                                    

WARNING: This chapter is raw. It is not yet edited, formatted and polished. My apologies. But, you can read at your own risk.


Ika-15 ng Nobyembre, taong 1901

Biyernes nang umaga


HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Cassie na wala na si Don Carlos. Sa tagal na ng pananatili niya sa panahong iyon ay tinuring na niyang parang totoong ama si Don Carlos. Hindi naman kasi ito mahirap mahalin dahil mabait, mabuti at kagalang-galang itong tao, asawa at ama.

Pasiyam ngayon ni Don Carlos. Pero, sa halip na manatili siya sa bahay nila para sumali kina Doña Celestina, kasama ang mga nagmamalasakit sa pamilya lalo na kay Don Carlos, sa pagdarasal para sa kaluluwa nito ay mas pinili na lang niyang pumasok sa paaralan at isubsob ang sarili niya sa trabaho para kahit paano ay hindi niya maramdaman ang pagkawala ni Don Carlos at ang masamang pangyayaring nasaksihan niya mismo sa pamamagitan ng dalawang mata niya – ang pagbitay kay Don Carlos sa pamamagitan ng garrote sa Bilibid.

Kinabukasan mismo, pagkatapos ng paglilitis ni Don Carlos ay binitay agad ito. Ayon kay Ginoong David ay malaking kasalanan kasi ang paglabag nito sa Sedition Law na pinasa ng Philippine Commission isang araw lang bago ang trial ni Don Carlos. Kung tutuusin, maaaring sabihing ito ang buena mano sa batas na iyon na tinuturing na isang malaking kasalanan ang pagiging kasapi ng Insurrection, Pulajanes o anumang uri ng rebelyon at maaaring maparusahan sa pamamagitan ng pagmumulta, pagkakakulong at, ang pinakamalala sa lahat, kamatayan.

Bukod pa kay Doña Celestina ay mas naaawa siya nang sobra sa totoong Casiana dahil sa oras na matapos na niya ang misyon niya sa panahong iyon, makabalik na siya sa hinaharap at makabalik na rin ang totoong Casiana sa nakaraan ay madadatnan nitong wala na itong ama. Dahil doon ay nagpasya siyang isulat sa kuwadernong niregalo sa kaniya ni Isidro noon ang lahat ng mga pangyayaring nagtulak sa kamatayan ni Don Carlos. Nang sa gayon, kapag bumalik na ang totoong Casiana sa panahong kinaroroonan niya ngayon, ay malalaman nito ang totoong mga pangyayari.

"Magandang araw po, Señorita Casiana," bati sa kaniya ng lolo ng natitirang isang estudyante niya sa loob ng silid-aralan. Nakauwi na kasi ang lahat ng mga kaklase nito maliban dito. "Susunduin ko na po si Kiko."

"Magandang araw rin po, Mang Berto," ganting-bati niya rin dito. "Sige po. Maaari n'yo na pong sunduin ang apo n'yo."

Mabilis namang tumayo si Kiko mula sa kinauupuan nito at patakbong lumapit sa lolo nito. Pagkatapos ay nagyakapan ang dalawa na para bang matagal na hindi nagkita. Bigla tuloy niyang na-miss si Don Carlos dahilan para automatic na mamuo ang luha sa kaniyang mga mata.

"Pasensya na po kayo kung 'di po 'ko makadalo sa pasiyam ni Don Carlos," paumanhin sa kaniya ni Mang Berto. "Ang totoo po n'ya'y hanggang ngayon ay 'di ko pa rin po tanggap ang pagkamatay n'ya. Napakabait po n'yang tao. Sabagay, kayo naman pong lahat ng mga Madriegos. Pero, espesyal sa 'kin si Don Carlos dahil s'ya ang nagbigay ng trabaho't nagpatira sa 'kin dito sa isla. Isa pa'y tinuring ko na rin s'yang parang anak simula nang sumama sa mga Pulahan ang nag-iisa kong anak. Ang tatay ni Kiko. Kaya nga po, ang mas gusto kong maiwan na mga alaala sa 'kin ni Don Carlos ay yaong nabubuhay pa sya't 'di ngayong wala na s'ya."

"Naiintindihan ko po 'yon, Mang Berto," nakakaunawang wika niya rito. "Maraming salamat po sa papuri n'yo sa Papa ko."

"Wala po 'yon, Señorita," nakangiti namang sabi nito. "Totoo naman po ang aking sinasabi. Basta po, kung may maitutulong po 'ko sa 'nyo'y ipagkakaloob ko po sa abot ng aking makakaya bilang pagtanaw ng aking utang-na-loob sa kabutihan ng Papa n'yo sa 'kin." Pagkatapos ay ginulo nito ang buhok ni Kiko. "Sige po. Mauuna na po kami, Señorita Casiana."

Memoirs of LoveWhere stories live. Discover now