Ang Wakas

182 4 0
                                    

Ang Wakas (Haesoo)
Nakaupo si Haein sa harap ng mesang bilog kung saan nagkakagulo sa kuwentuhan ang mga college classmates niya. Nakangiti siya. Nakikinig lang. Pero ang isip ay nasa malayo.
Ang kaunting pag-asa na baon niya kaninang umaga ay unti-unting pinapatay ng katotohanang hindi siya darating.
Ang panghihinayang na bigat sa balikat sa nakalipas na sampung taon ay lalong nadagdagan at parang dumudurog sa puso niyang ilang taon nang walang nararamdaman.
"Haein, ayos ka lang?" tanong sa kanya ni Heejin.
Ngumiti siya pero kahit iyon ay alam niyang peke. Sinuklian siya ni Heejin ng nakakaunawang ngiti.
"Inimbitahan ko naman, eh. Kaso marami raw siyang gagawin."
"Pero nagkikita pa rin kayo?"
"Pa-minsan..." Tinapik siya nito sa balikat. "Kumusta ka nga pala? Ilang taon din noong huling umuwi ka."
"Hindi na ako babalik do'n. Dito na ako titira ulit."
"Ahhh..." Tumawa ito. "Bakit ngayon lang? Nahuli ka tuloy."
Hindi niya nagawang tumawa rin. Pero alam ni Haein na ang pagkunot ng noo niya at pagtutubig ng mga mata ay senyales ng malaking pagkakamali na nagawa niya. Tumagilid siya ng kaunti para wala sa mga kaibigan nila ang makapansin.
Nanlaki ang mga mata ni Heejin. "Haein..."
Mabilis na pinisil niya ang taas ng ilong, sa pagitan ng kanyang mga mata.
"M-Masaya naman siya, ano?" Tumikhim siya dahil sa pagkabasag ng kanyang boses.
"Masaya. Kontento. Pero alam nating lahat dito na mas--"
"Ang mahalaga ay masaya siya, Heejin."
"Puwede pa naman, Haein."
Tumungo siya. "Ayokong masaktan ulit siya."
"Sasaktan mo ba ulit?"
"Masasaktan siya kapag bumalik ako sa buhay niya."
"Paano mo nasabi?"
Malungkot ang naging ngiti niya habang pinagmamasdan ang magkasalikop na mga kamay. Bahagyang inaalala noong mga panahong ang isang kamay nito ang hawak niya at kahit anong pisil niya ngayon ay hindi na muling babalik ang pakiramdam ng malambot na palad nito.
"Sa limang taon naming relasyon noon, alam ko na isang tingin pa lang kung ano ang nararamdaman niya. Kung ano gusto niya, kung saan siya masaya. Si Jisoo ang nag-iisang babaeng minahal ko, minamahal, at mamahalin pa. Pero tapos na ang papel ko sa buhay niya kung may iba nang nakahawak sa kamay niya ngayon."
"Pero hindi naman kayo naghiwalay dahil gusto n'yong maghiwalay. Nagkataon lang na may pag-asa kang umunlad sa ibang bansa."
"Ang punto, iniwanan ko siya kahit ayaw niyang umalis ako."
Awa ang lumarawan sa mukha ni Heejin bago siya muling tinapik sa balikat.
"Basta nandito lang kaming mga kaibigan mo. Sabihin mo lang, dadamayan ka namin."
"Salamat, Heejin."
"Pero, Haein..."
Bago pa matapos nito ang sasabihin ay biglang sumigaw si Namjun. Nakaharap sa direksyon nila ang cell phone nito.
"Inalok na ni Jinyoung ng kasal si Jisoo!"
Nagkagulo ang mga nasa mesa para tingnan ang larawan. Naiwan sila ni Heejin na parang nababato-balani.
Sa nanginginig na tuhod, tumayo siya.
"Pasabi na lang na umalis na ako. Salamat, Heejin."
Pakiramdam ni Haein ay naiwan niya ang puso niyang durog na durog sa upuan, sa harap ng mga nagkakagulong kaibigan, sa harap ng larawan ng kamay ni Jisoo na may suot ng singsing.
Ni hindi na niya narinig ang huling sinabi ni Heejin.
***
"Ano 'yan?"
"Singsing."
"Singsing? Eh, dental floss lang 'yan, eh!"
Ang tawa niya ay parang kanta kahit sa pandinig niya. Ang mga mata nitong nakatawa ay parang bintana ng kanyang hinaharap, kasama ito. At ang mga labi nitong naka-arko ng isang magandang ngiti ay parang pangako ng isang masayang pag-ibig.
"Balang-araw, papakasalan kita, Jisoo Kim."
Kinagat nito ang ibabang labi kaya naman agad niyang hinalikan iyon. Nanlaki ang mga mata nito saka hinampas siya sa balikat.
"Inay! 'Yon po, may nanghahalik dito--" Humalakhak ito nang takpan niya ang mga bibig.
Tumingin siya sa loob ng bahay ng mga ito. Hindi naman siguro sila narinig ng nanay niya.
"Bakit? Sabi mo pakakasalan mo ako? Bakit, takot ka?" hamon nito.
Pinitik niya ito sa noo. "Hindi pa ngayon. Baka ikasal tayo bukas kapag nalaman nilang hinalikan kita."
"O, eh 'di mas okay! Handa naman akong maging misis mo, eh!"
"Hindi pa ako handa, Jisoo. Mga ten years."
"Gago! Ang tagal no'n!" reklamo nito.
"Para mapaghandaan ko!" sagot niya.
"Kahit nga si Mayor lang magkasal sa atin, ayos na sa akin, eh." Ngumuso ito. "Basta ikaw ang katabi ko sa harap niya, kahit saan pa yan, Haein."
Ngumiti siya. "Aalukin kita ng kasal, darating tayo doon. Pero sa ngayon, mangarap na lang muna tayo, mahal."
Humalikhik si Jisoo saka sumandal sa balikat niya. Itinaas sa harap nila ang kamay nito na may nakataling dental floss sa palasingsingan.
Marami silang plano, magkaiba man, ang mahalaga ay magkasama sila.
***
Mariing inapakan ni Haein ang preno ng sasakyan niya nang nag-pula ang ilaw trapiko.
Napasandal siya sa upuan habang nakapisil sa manibela. Napatungo siya roon sa sunod-sunod na alaalang dumarating sa kanya. Parang kinukutya siya ng mga alaala kasama ito. Ang mga plano na naglaho, ang pagkakataon na makasama ito, at ang pagmamahal ni Jisoo na inaksaya niya dahil sa pangarap.
Kung sana ay mas hinalikan niya pa ito at hinayaan ang nanay niyang mahuli siya para naikasal sila noong sumunod na araw sa mayor.
Kung sana ay mas pinili niya ito noong pinapili siya nito kung ibang bansa o ito.
Kung sana ay hindi siya umalis.
Kung sana...
Sana siya ang ka-hawak-kamay nito ngayon na tumatawid sa kalsada.
Akala ni Haein ay namalik-mata lang siya pero nang magtama ang mga mata nila ni Jisoo, tumigil ang mundo niya. Ang mga labi nitong nakangiti sa kasama ay unti-unting nawala at ang mga mata nito ay nawala ang ningning nang makita kung sino ang taong nakaupo sa likod ng manibela ng sasakyan.
Mahigpit ang hawak niya sa manibela hanggang sa mawala ito sa paningin niya. Hindi siya kumilos kahit sa malakas na busina mula sa likod niya. Hindi siya makagalaw dahil sa sakit mula sa ulo, puso, hanggang buong katawan niya dahil sa pagdadalamhati niya sa pag-ibig na tuluyan nang nawala sa kanya.
Ang mga salita ni Heejin bago siya lumabas ay parang tuksong naririnig na niya.
"Sayang. Akala ko may pag-asa ka pa. Pero baka dumaan lang talaga siya sa buhay mo para makilala niya si Jinyoung. Kinailangan niyang masaktan sa 'yo para maging masaya at kontento ngayon."
Napapikit siya. Saka malakas na bumuntong-hininga. Binuhay ang makina ulit at saka pinaharurot paalis ang sasakyan.
-The End-

HaeSoo PlaybookWhere stories live. Discover now