Kabanata 15:

5 1 0
                                    

MAGKAHAWAK ang kamay ng magkasintahang sina Marcus at Freya. Nakatayo sila mismo sa tapat ng dumadaloy na tubig talon ng Darawaga na kung saan matatagpuan ang isa sa tatlong sekretong lagusan ng mga Waga. Ang sekretong lagusang ito ay tanging mga matataas ang katungkulan lamang sa Waga ang pinahihintulutang tumawid at nakakaalam. Isa si Felipe sa may mataas ang katungkulan sa Waga, ngunit walang basbas ng kambal na pinuno ito. Alam ni Felipe ang magiging kaparusahan sa kung sino man ang mahuling tumawid  ng hindi binasbasan.

Ipinasawalang bahala na muna ito ni Felipe. Ang mahalaga para sa kan'ya ngayon ay ang parehong mapagtagumpayan ng mga anak nila Israel ang misyong ibinigay nila sa mga ito. Kapakanan pa rin naman ng mga kapwa niyang mabubuting engkanto ang iniisip niya.

Sa kabilang banda...

Nagsimula ng umusal ng orasyon si Felipe. Tumigil pansamantala ang pagdaloy ng tubig talon. Naging butil tubig na ang mga ito na malayang nagpalutang-lutang sa hangin.

Pigil hininga naman ang nararamdaman nina Marcus at Freya.

Pagkatapos ng mahabang orasyon. Tinuro ni Felipe ang kinaroroonan ng dalawang magkasintahan gamit ang kahoy na hawak.  Biglang sumiklab ang nakasisilaw na liwanag, unti-unti namang sumabog ang mga nakalutang na butil ng tubig at tila kumikinang na mga pulbo ang mga ito. Kasabay ng pagkupas ng liwanag nito ay ang dahan-dahang pagkawala nina Marcus at Freya. Saka naman malayang bumagsak ulit ang daloy ng tubig talon.

Makalipas ang ilang minuto, biglang yumanig ang lupa. Umaalingawngaw rin sa buong kapaligiran ang  hiyawan ng mga nagkagulong mga ibon. Nagpapahiwatig ito na may tumawid sa sekretong lagusan ng walang basbas.

Hindi na nag-aksaya ng panahon si Felipe. Kaagad na inilahad nito ang mga kamay sa kanina pa natulalang si Israel. Nang mahimasmasan ay mabilis na tumalon paakyat ang mga ito sa  punong nasa kanilang harapan. Mabilis na nagpalipat-lipat ang mga ito papalayo sa talon Darawaga bago pa man magsidatingan ang mga mandirigmang mangangaso.

*****

San Sebastian Palm Beach

Mayabang na nagpapasikat ang haring araw na nagpadagdag sa kaalinsangan na nararamdaman ng mga taong nagtatampisaw sa tubig dagat. Sinabayan din ito ng mapanudyong yakap ng simoy ng hangin na nagbibigay kaginhawaan sa mga madadampian nito.  Malumanay naman ang paghampas ng mga alon sa dalampasigan. Animo'y mga batang paslit ito na nag-uunahang makarating sa buhanginan.

Masayang pinagmamasdan ko ang aking mga nakababatang kapatid habang nakipagtawanan ito kasama ni Olivia. Gumagawa ang mga ito ng palasyong buhangin. Malaki na ang pinagbago ni Zoey simula ng dumating si Olivia sa amin. Ang bugnutin namang si Tiffany ay naging masayahin na ulit matapos ito na mahimalang mapagaling ni Olivia.

Tatlong taon na ang nakalipas at masasabi ko rin na nilubayan na kami ng mga kalamidad. Naawa siguro ang kalikasan sa pagparanas sa amin ng sunod-sunod at iba't-ibang klase ng kalamidad. Mukhang maganda rin ang pasok ng taon simula ng dumating si Olivia sa buhay namin.

"Pareng Edrei!"

Isang pamilyar na boses ang  nagpabalik ng diwa ko. Nilingon ko agad ang pinagmulan nito at nakita ko ang  nakangiting pagmumukha ni pareng Romdy. Masayang naglalakad ito papunta sa direksyon ko habang akay-akay ang dalawang taong gulang na  anak nito. Akalain mo ba naman at dito-dito rin pala kami magkikitang muli. Tatlong taon  ko na rin kasi itong hindi nakita simula ng tumigil ito sa serbisyo upang matutukan ang pag-aalaga sa nag-iisang anak nitong lalaki. Hindi ko rin ito masisisi. Sa limang anak ba naman  nito, isa lang ang lalaki.

Nang makalapit na ito ay malugod na sinalubong ko ng karga ang anak nito.

"Huwarang tatay ang datingan natin ngayon ah!"

Petals Of Hope (Biringan Series1)Where stories live. Discover now