Kabanata 30:

10 0 0
                                    

"MABUHAY ang bagong kasal!"

Masayang sigaw ng mga engkanto na dumalo sa napakahalagang kasalan ng Biringan.

Halos mangiyak ngiyak pa ako habang pinagmamasdan  si Tiffany na naglalakad sa gitna, napakaganda nito sa suot nitong kulay asul na damit pangkasal na hinabi pa nina Marcelina at Sofronia. Gawa sa dahon ng puno ng paglaum ang damit na pangkasal na suot nito ngayon. Nakadagdag pa sa kagandahan nito ang koronang bulaklak na ipinutong sa ulo nito.

Makisig naman sa suot nitong pinaghalong asul at luntian na panlalaking damit pangkasal si Napoleon, na siyang naging asawa ng kapatid kong si Tiffany. Halos hindi ito magkamayaw sa pagkaway sa mga dumalo sa kasal nila.

Tuwang-tuwa naman ang mga batang kapatid ko at kapatid ni Napoleon habang nagsasaboy ng mga talutot ng mga bagong pitas na bulaklak sa taniman.

Nakikita ko rin sa mga pagmumukha ng mga magulang at kapatid ko na punong-puno ng kagalakan. Tanging si Leomord lamang ang hindi nakadalo dahil hindi pa tapos ang parusang ipinataw rito.

Napabuntunghininga ako matapos kong pahirin ang mga luha na dumadaloy sa aking pisngi dahil sa sobrang kagalakan. Hindi ko lubos akalain na sa pagpunta namin dito sa Biringan, matatagpuan ng aking kapatid na si Tiffany ang lalaking itinadhana para sa kan'ya.

Aalis na sana ako sa aking pwesto upang magpunta sa pagdarausan ng pagdiriwang dahil kanina pa ako natatakam sa niluluto ni mama na kaldereta. Nang aksidenteng makabunggoan ko si Irma.

"Naunahan ka na ng ating kapatid na si Tiffany. " Wika nito sa isang matipid na ngiti.

Mas lalong lumitaw ang natural nitong kagandahan sa suot nitong bestidang gawa sa mga kabibe. Bagay na bagay rin sa kanya ang nakapulutong sa ulo na koronang gawa sa mga sigay.

"Hindi naman ako nagmamadali. Baka nga mauna ka pa sa aking makapag-asawa. " Nakangiting tudyo ko rito. Isang matipid na pagngiti pa rin ang naging tugon nito sa akin.

"Sa takdang panahon, aking kapatid. Sa ngayon, aabalahin ko muna ang aking sarili sa pamumuno sa mga Mandaragat. Gusto kong patunayan kay prinsepe Lino, na hindi siya nagkamali sa pagpili sa aking mamuno sa buong Mandaragat." Ani pa nito. Naiintindihan ko naman ito. Dahil si Napoleon ang lalaking iniibig nito.

Tumango-tango naman ako sa mga sinasabi nito. Nakikita ko rin ang determinasyon at pagmamahal nito sa kanyang ginagawa.

"Hangad ko ang katuparan sa iyong minimithi,  kapatid. At sana, balang araw makatagpo mo na rin ang lalaking magpapatibok sa puso mo." 

Nakangising akbay ko rito habang iginigiya ito sa direksyon papunta sa handaan. Isang nakakalokong mga ngiti ang biglang nakapaskil sa mga labi  nito ng makita ang direksyon na tinatahak namin ngayon.

Kahit na nakasuot ito ng bestidang gawa sa kabibe ay hindi ito nagpatalo sa pakipagkarerahan sa akin papunta sa handaan. Ito ang naging libangan namin noon habang nasa kasagsagan pa kami ng pag-eensayo.

"PAALAM, ginoong Edrei! Paalam, binibining Zoey!" Sabay-sabay na sigaw ng mga Waganian.

Ngayon ang araw na babalik na kami ni Zoey sa mundo ng mga mortal. Hindi ko p'wede pabayaan nalang ang aming sariling bahay roon. At mas lalong hindi ko kayang bitiwan ang posisyon ko bilang taga-sagip ng kapwa ko mortal kapag sa oras ng epidemya.

Dahil ang kapatid kong si Tiffany na ang bagong sinusunod ng puno ng paglaum, kaya mismong sa puno ng paglaum kami dadaan ni Zoey.

"Bibisita kami rito kapag bakasyon na nila, Zoey."
Malugod na kinawayan ko pabalik ang mga naghahatid sa amin.

Bago ako pumasok ay hinagilap ko pa ang bunso kong kapatid. Inilibot ko ang aking paningin. At sa dulong bahagi nahagip ko si Zoey na abala sa kakahila sa alaga nitong kambing.

"Zoey, tara na!" Sigaw ko rito na halos hindi pa rin maipinta ang pagmumukha sa kakahila sa alagang kambing nito. Parang ayaw pa nitong sumama dahil abala rin ang alaga nitong kambing kakakain ng mga damo sa paligid. "Iwanan mo nalang muna iyan dito. Bisitahin mo nalang kapag wala ka ng pasok." Pangungumbinsing alok ko rito.

"Ayoko nga! 'Tsaka 'diba may usapan na tayo kuya na dadalhin ko si Yosef sa atin! " Nakabusangot na turan nito.

"Eh anong magagawa mo, kung ayaw naman sumama ng alaga mong kambing..." Pang-aalaskang saad ko rito. Hindi ko rin kasi ito masisisi dahil magandang lahi kasi ang alaga nitong kambing.

"Basta, kuya! Isasama ko siya! Halika na kasi, yosef! " Pilit pa ring hinihila nito ang alagang kambing.

Napuno nang tawanan ang buong paligid dahil sa inasta ni Zoey. "Hindi pwedeng hindi ka sumama sa akin doon dahil matagal ako bago makabalik dito. Tiyak mamimis natin ang isa't-isa. Gusto mo bang mangyari 'yon sa'tin, Yosef?" Kausap pa rin ni Zoey sa alagang kambing nito.

Tapos may biglang lumitaw na isa pang kambing. Tumigil sa pagkain ang alagang kambing ni Zoey at sinalubong ang kambing na bagong dating.

Hawak-hawak ang tali nito ni Olivia. "Hindi aalis si, Yosef, kapag hindi niya kasama si Yolen. " Nakangiting saad nito kay Zoey. Ang kambing na tinutukoy nito ay ang alagang kambing ng pamilya nila.

"Papayag ka ba, ate Olivia, kung isama namin si Yolen sa mundo ng mga mortal?"

Pakiusap ni Zoey kay Olivia.

"Hindi sumasama si Yolen kapag hindi ako kasama," nakangiting wika ni Olivia. Dahil sa sinabi nito ay unti-unti akong nakaramdam ng kakaibang kaba sa aking dibdib.

"Eh di sumama ka rin sa amin, ate!" Nasasabik na tugon ni Zoey rito.

Napalabi itong sumulyap sa akin bago tumingin ulit kay Zoey. "Kung papayag ang kuya Edrei mo, bakit hindi?"

Biglang nagliwanag ang pagmumukha nito habang tumatakbong lumapit sa akin.

"Kuya! Pumayag ka na po!" Pakiusap na yakap nito sa akin. "Pangako, hindi kami magiging pasaway ni ate Olivia sa'yo pagkarating natin doon!" Taas kamay pa nitong panunumpa.

'Nadali na talaga.'

Nanghingi ng saklolong tumingin ako kay mama at papa pero tinalikuran lamang ako ng mga ito bilang pagtugon. Maski ang mga taong naghatid sa amin ay dahan-dahan nagsialisan sa kanilang mga pwesto. Naiwan nalang doon ang bagong kasal na sina Tiffany at Napoleon.

"H'wag ka ng magpabebe, kuya. " Tumatawang kantyaw sa akin ni Tiffany habang inaakay papalayo sa akin ang asawa nitong si Napoleon. Bago ito tuluyang umalis ay tinapik pa ng mga ito si Olivia. At nagtaas ng kamay.

Biglang umihip ang malakas na hangin. Unti-unti ko nalang nararamdaman ang isang kamay na humihila sa akin papasok sa puno ng paglaum. Hinayaan ko nalang na tangayin ako ng hangin at dahan-dahang pumikit. Rinig na rinig ko pa ang nakakarinding iyakan  ng dalawang kambing na halatang natatakot, at  ang sabay rin na sigawan ng kapatid kong si Zoey at Olivia.

WAKAS.



Petals Of Hope (Biringan Series1)Where stories live. Discover now