Kabanata 23:

2 1 0
                                    

"ANO ang binabalak mong gawin? Bakit nasa harapan ka ng kulungang kristal?

Dumadagundong ang boses ng taga-bantay na biglang sumulpot sa tabi ko. Napatingin tuloy ako sa aking harapan. At ngayon ko lang napansin na isang batong rehas pala ang nasa mismong harapan ko.

"Ano ang nangyayari? Nasaan na ang bagay na pinapahanap ni ginoong Felipe?"

Naguguluhang nilingon ko sina Mauricia at Irma. Nanatili sa hitsura ni Mauricia ang nakapaskil na nakakasuyang mga ngiti sa labi.

"Sinasabi ko na nga ba't hindi makapagkatiwalaan ang mortal na ito! Hulihin mo na iyan!"

Biglaang utos nito sa taga-bantay sa aking harapan. Ngunit hindi natinag ang taga-bantay na inutusan. Nanatili lamang na nakatayo ito. Nakatulala at nakatitig sa kawalan.

" Irma, aking kapatid, ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" Malumanay na humarap ito kay Irma at nangungusap ang mga matang nakatitig dito.

Itinaas ni Irma ang mga kamay. Nakita ko ang paggalaw ng mga butil ng tubig na tumilamsik sa pagmumukha ni Mauricia. Pagkatapos ay umiiling-iling pa ito habang nilagpasan si Mauricia.

Lumapit ito sa'kin at hinawakan ang aking braso.

"Tara na! Kailangan na nating makabalik sa labas,  at huwag na nating hintayin pa na si ginoong Felipe mismo ang susundo sa atin dito. " Ani nito.

"Papaano ang kapatid mo? Iiwanan nalang ba siya natin dito? Baka hanapin siya sa itaas--"

Hindi ko na natapos ang sasabihin ko ng makita ko na unti-unting naglaho ang katawan ni Mauricia. Natulala ako sa aking nakita. 'Saan na siya nagpunta?'

"Hindi si Mauricia ang nakita mo ngayon. Kaya halika na sa itaas." Ani nito.

Kahit naguguluhan pa rin sa mga pangyayari ay mas pinili ko nalang na magpatianod na lamang ako dito.  Pero bago kami lumutang sa taas ay hinila ni Irma ang aking kanang paa. Dahilan upang mapakapit ako sa balikat niya. Saka pa kami lumutang sa taas.

Namilipit ako sa sobrang sakit ng ginawa nitong paghila kanina. At nahihirapan akong gumalaw.

Mga nag-aalalang mukha ang sumalubong sa amin.

"Anong nangyari sa kanya?" Salubong agad ni Marcus. Hinihila ako nito paangat dahil hindi ko maigalaw ang aking kanang paa. Hindi nakaligtas sa akin ang makahulugang tinginan nilang dalawa ni Irma.

Kaagad naman na sumaklolo ang ibang kasamahan namin ng mapagtanto nila na hirap akong igalaw ang kanang paa ko. Pinagtulungan nila akong buhatin para makasandal sa malapit na puno.

"Tapos na ang pangalawang pagsasanay ninyo ngayon." Seryosong wika nito sa amin matapos akong makita nitong nakaahon na sa tubig.

Nakita ko na nagtaas ng kamay si Napoleon.

"Ngunit, ama, hindi namin napagtagumpayan ang nais ninyong ipahanap sa amin ngayon." May panghihinayang sa himig ng boses nito.

Tinapik lamang ito ni ginoong Felipe at nagwika, " magpahinga na muna kayo ngayon dahil bukas,  sa sagradong kagubatan naman tayo mag-eensayo. " At tumalikod na ito sa amin.

Naiwan kaming lahat sa gilid ng talon Darawaga. Nang makaalis na si ginoong Felipe kasama ang dalawang bantay niya. Nagkanya-kanyang gayakan na rin ang ibang mga kasamahan namin. Naiwan kaming lima. Tahimik lamang ang mga natirang kasama ko.  Nilapitan agad ako ni Napoleon upang mag-alok ng tulong. Hindi na ako nangingiming paunlakan ang alok nito sa akin. Kaagad na sumampa ako sa likuran nito.

Nang makasampa ay nagsimula na kaming maglakad. Sumunod sa amin sina Marcus at Irma na nakap'westo lang sa may likuran. Sumabay sa paglalakad namin si Leomord.

" Tubig pala ang kahinaan ng isang mortal na kagaya mo. " Sarkastikong wika ni Leomord. 'Akala mo naman hindi rin siya nahirapan lumangoy kanina, para sabihan ako nitong mahina akong sumisid.'

"Sumabit ang damit ko sa mga bato sa gilid ng talon, at kaya napulikat ako dahil sa  pwersang ginawa ko upang makaalis sa pagkasabit ng aking damit. " Pagsisinungaling na paliwanag ko dito. Naintindihan ko na ang ginawa ni Irma sa akin kanina ay ang pagtakpan ang nangyari.

'Nasaan na kaya si Mauricia? Bakit hindi sila hinanap ng mga kasamahan namin?' Hindi ko maiwasang isipin ang nangyari sa kan'ya at ng isang taga-bantay.

"Iyan ba talaga ang totoong rason kaya natagalan kayo sa ilalim kanina o baka naman may kababalaghan kayong binabalak. " Mapanudyong bulong nito sa akin. Mabilis na sinaway naman kaagad ni Napoleon ang kakambal. "Tigilan mo na nga ang ating panauhin, aking kapatid. Hindi ka nakakatulong."

"Malay natin, mahal kong kapatid. Baka nakipag-alyansahan na siya sa mga anak ng taksil." Nakakalokong nginisihan ako ni Leomord. Napakuyom ako ng mga palad. Iba ang hangarin ko kaya nanatili ako rito sa Biringan tapos aakusahan ako sa mga bagay na  hindi ko kailanman kayang gawin.

"Pinag-iisipan mo ba kami ng masama,  Leo?" Singit na salita ni Mauricia na biglang sumulpot sa tabi ni Leomord. Pero hindi siya sinagot ng huli. Nagtaas lang ito ng kamay at nauna na itong maglakad sa amin.

Nilingon ako ni Mauricia at nangingislap ang mga mata nitong nakatitig sa akin. Kaagad na nag-iwas ako ng tingin. Hindi ko kasi maintindihan ang pakiramdam kapag nakatitig ako sa kumikislap na mga mata ni Mauricia.

"Nandito na tayo!" Basag na wika ni Napoleon. Dahan-dahan niya akong inilapag sa kawayang sahig na kasalukuyan naming tinutuluyan. May nakalatag na doon na isang pares ng panlalaking kasuotan.

"Magpalit ka muna ng iyong kasuotan at aalis muna ako para kumuha ng maligamgam na tubig. " Aniya nito at hindi na ako hinintay na makasagot. Iniwanan na ako nito.

NAGISING ako na mataas na ang sikat ng araw. Kaagad na napabalikwas ako ng bangon. Inilibot ko kaagad ang aking paningin at wala na akong makitang kasama sa loob ng silid na tinutuluyan namin.

Ang huling natandaan ko kagabi ay hinihilot ni Napoleon ang aking paa. At wala na akong maalala pang iba.

Mabilis akong lumabas ng silid na tinutuluyan namin. Nagpalinga-linga sa paligid. Nagbakasakali na may makita pa akong mga kasamahan namin. Ngunit bagsak ang mga balikat ko nang mapagtanto kung iniwanan na nila ako. Pero bigla akong nabuhayan ng loob ng may makita akong taga-bantay na paparating.

"Mabuti at gising ka na, ginoong Edrei. Inutusan akong balikan ka ni ginoong Felipe. Dahil ngayon ang pinakamahalagang parte ng pagsasanay ninyo." Magalang na wika nito.

"Akala ko ay hindi niyo na ako babalikan dito." Nakaramdam ako ng kaginhawaan ng binalikan ako.

Matipid akong nginitian nito, "malabong mangyari iyon, ginoo. Kumusta na ang iyong pakiramdam?"

"Mabuti naman. Mabisa ang gamot na inilapat ni Napoleon sa akin. " Masiglang wika ko rito.

"Mabuti naman kung gan'on. "

Nagtaka ako ng bigla kaming tumigil sa tapat ng isang malaking puno na napapalibutan ng maraming baging. Mahigpit na hinawakan ako nito sa pulsuhan at walang pasabing lumutang kami sa ere. At nahintakutan akong napakapit sa braso niya.

"Huwag ka pong matakot, ginoo. Katulad mo ay nanggaling din ako sa angkan na iyong pinagmulan. " Mahinahon na wika nito sa akin.

"Tao ka rin?" Nahimasmasang tanong ko sa kan'ya. Dahan-dahan naman itong tumango.

"Isang mandirigmang  Waganian ang aking ama, sa angkan ni prinsesa Olin. At isang tao ang aking butihing ina. Katulad mo kalahating tao at engkanto ako."

Tumango-tango naman ako. Napansin ko na bigla kaming tumigil sa isa sa mga sanga ng malaking puno.

"Kumapit ka, ginoong Edrei, dahil pupunta na tayo sa kinaroroonan nila."

Hindi na ako nito binigyan pa ng oras kung pumapayag ba ako aa gagawin niya o hindi. Basta nagsimula na siyang magpalipat-lipat ng mga puno gamit ang mga baging na ginawa niyang daan para makatawid kami sa kabilang puno.

Nang makarating kami ay magsisimula pa lang. Mataman lang akong nakikinig. Habang itinuro sa amin kung papaano ang tamang paggamit ng mga armas na ginagamit ang mga kagamitang pakikipaglaban. Kung papaano ang tamang paggalaw. At kung ano ang layunin namin sa digmaan na magaganap kung sakali.

Basta ako, isa lang ang layunin ko. Ang mailigtas si mama at makabalik na kami sa mundo ng mga tao.

Petals Of Hope (Biringan Series1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon