Chapter One

3.4K 91 2
                                    


Present... 


ALA-UNA pasado ng madaling-araw. Wala namang signal ng bagyo pero malakas ang ulan at tila idinuduyan ang pribadong yate ng malalaking alon. Sa loob ng cabin ay nagmamadaling nagbihis si Cheyenne.

Hinugot niya mula sa ilalim ng maleta ang isang black tights at long-sleeved black spandex blouse na pasalisi niyang ipinasok sa luggage niya kaninang umaga.

Wala kahit na sino sa mga kasamahan niya ang nakakaalam na dala niya ang mga gamit niyang iyon. Not even her best friend Velvet who was with her on this trip. Nasa kabilang cabin lang ito at marahil ay nahihimbing na. Ang alam ng lahat ay mga damit at novelties niya ang laman ng maliit na luggage niya.

Puno ng takot at kaba ang nasa dibdib niya. Hindi siya nakatitiyak sa gagawin niya at kung magagawa nga ba niyang languyin ang pulong natatanaw niya sa porthole sa kalagayan niya.

Kinapa niya ang tiyan, sa bahaging may sugat na sa pakiramdam niya ay hindi pa tuluyang naghihilom.

Kung distansiya ang pag-uusapan, hindi iyon gaanong kalayuan mula sa yate. Malalangoy niya. At kung hindi siya magmamadali ay baka malampasan na nila at ang tsansang malalangoy niya ang isla ay baka hindi mangyari.

And then she would really be dead.

Tulad ng gusto niyang palabasin.

Dead. As in... dead.

Minsan na siyang nakarating sa Mindoro may dalawang taon na ang nakararaan. Sa mismongbahay-bakasyunan ng publisher niya. Kasama siya ng production staff kung saan doon kinunan ang ilan sa mga eksena ng teleserye na ang kuwento ay hango mula sa isa sa mga nobela niya.

Naroon siya bilang story consultant. At natatandaan niyang may mga isla silang dinadaanan. Ayon kay Mrs. Filomena Cheng ay Isla Verde daw ang isa roon.

Hindi niya alam kung alin sa dalawang isla ang Isla Verde. Kunsabagay ay hindi naman mahalaga iyon. Kapag nakarating siya sa alinman sa dalawang isla ay bibiyahe rin naman siya palayo roon sa lalong madaling panahon.

At ang gabing ito lang ang tanging pagkakataon niyang magawa ang pinaplano. She would risk it. Mamamatay rin naman siya kung hindi niya gagawin ang binabalak niya. Tulad noon, may anim na taon na ang nakararaan, mas nanaisin na niyang lamunin siya ng karagatan kaysa sa kamay ng mga taong halang ang kaluluwa.

She closed her eyes for a moment and then she took a deep calming breath. Nanginginig ang mga kamay niya habang inaayos niya ang sarili. Mabilis niyang isinuot ang mga baong damit para mismo sa sandaling iyon.

Sa silid niya sa apartment ay nag-iwan siya ng tsekeng sa palagay niya ay sapat na halaga, kung hindi man labis, para sa gastos sa pagpapalibing kay Erwin. Bagaman nakatitiyak siyang sasagutin ni Mrs. Filomena Cheng ang lahat ng gastos sa pagkamatay ng matalik na kaibigan.

Oh, poor, Erwin! I am so sorry.

Sinikap niyang pigilin ang pag-alpas ng hikbi at alisin ang isip mula sa kagimbal-gimbal na pangyayaring naganap sa kaibigan niya tatlong araw pa lang ang nakalipas. Nag-concentrate siya sa ginagawa. Kinuha niya ang flipper mula sa maliit na maleta. Nakabalot iyon sa isa sa mga pantulog niya dahil nag-aalala siya kanina na baka magkamaling silipin ni Velvet ang bagahe niya.

Kahit ang itim niyang mga kasuutan ay ipinailalim niya sa mga damit niya. Pati na ang mini life vest na gumawa ng puwesto sa bagahe niya. Kung posible lang na maipasok niya sa bag niya ang diver's gear ay ginawa na niya pero hindi niya gustong ipakipagsapalaran iyon.

Most of the time, lalo na nitong huling mga araw, at kahit labag sa loob niya, ay nagagawa ni Velvet na tingnan ang mga kagamitan niya sa kung anu-ano na lang kadahilanan. At dahil kaibigan niya ito ay hinahayaan na lang niya.

Kristine Series 56: The Bodyguards 2: Jose Luis Morrison Monte FalcoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon