Chapter Eleven

2.2K 71 5
                                    


Six years ago 


HUMINTO sa pagtakbo si Cheyenne at nilingon ang pinanggalingang bahay mula sa likod ng malalagong halaman. Tinanaw niya ang veranda. Wala pa marahil nakakapuna sa pagtakas niya. May hindi maipaliwanag napanghihinayang siyang nadama sa dibdib niya.

Pinagpala siya ng lalaking nakatagpo sa kanya sa baybayin. Pero tauhan din pala ito ni Mayora Santillanes at ipinagkanulo siya. Tulad ng mga tauhan ni Mayora ay matigas ang budhi ng lalaki at bale-wala ritong ipahamak siya.

Mabigat ang dibdib na tumalikod siya at nagpatuloy siya sa pagtakbo, hinahawi ang mga naglalakihang halamang-dahon. Natitiyak niyang kung may maghahanap man sa kanya at tatanaw sa mga halamanan ay hindi siya mapapansin.

Binaybay niya ang sa tantiya niya ay palayo sa bahay. She kept on running. Hanggang sa makalabas siya patungo sa hile-hilerang puno ng mangga. Sa ginagawang pagtakbo ay hindi siya lumilihis sa ilalim ng mga punong mangga.

Hanggang sa makita niya ang isang truck na nakahimpil at puno ng tiklis-tiklis na mga mangga. Nagtago siya sa likod ng isang malaking puno. Nagpalinga-linga siya sa paligid.

Natanaw niya ang isang lalaking pabalik na sa truck habang nagsasara ng zipper ng pantalon nito. Marahil ay nanabi lang ang driver. Binilisan niya ang takbo at sumampa sa likuran ng truck at sinikap na makaupo sa bahaging maitatago siya sa pagitan ng mga tiklis, umaasang hindi na iinspeksiyunin ng driver ang mga karga.

Nang umandar ang truck ay saka pa lang siya bahagyang napanatag. Napayupyop siya sa tiklis habang naghahabol ng hininga. Gusto niyang umiyak subalit hindi makuhang pumatak ng mga luha niya.

Ano ang gagawin niya ngayon? Natitiyak niyang patungong kabayanan ang truck o kung hindi man ay sa port.

Nanatili siyang ganoon sa mahabang sandali. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Gulung-gulo ang isip niya. Kailangan niyang umuwi sa kanila nang palihim. Natitiyak niyang ang bahay nila ang unang paghahanapan sa kanya ni Jericho at ang mga tauhan nito.

Bigla siyang kinabahan para sa lola niya. Marahil naman kung makita nilang wala siya roon ay aalis na ang mga iyon. Marahil ay may palihim na mag-aabang sa kanya. O di kaya ay sa Guimaras port. Napaangat siya ng paningin nang biglang umalog ang sasakyan at napakapit siya sa isang tiklis ng mangga.

Nilinga-linga niya ang paligid. Nasa highway na sila. Kailangan niyang makababa dahil kumanan patungong bayan ang truck. Hindi siya maaaring makarating doon. Kinabog niya ang gilid ng truck ng ilang beses at saka sumigaw ng 'para.'

Nagulat pa ang driver nang masilip siya sa side mirror na nakadukwang. Agad itong pumara at tumalon siya pababa. Kumaway siya at sumigawng pasasalamat at tumakbo sa may gilid ng daan kung saan hindi siya mahahantad sa kung sino mang maghahanap sa kanya.

Nagpatuloy na ang truck sa kabilang direksiyon. Siya naman ay hindi malaman kung paano uuwi sa Guisi. Mula sa kinatatayuan niya ay halos isang oras ang patungo sa kanila. Kung maglalakad siya ay baka gabi na siya makarating. Nanatili siya sa likod ng malaking puno at naghihintay na may magdaang tricycle.

Alam niyang bibihira lang iyon malibang may umarkilang turista mula sa port. Hindi niya kayang pumara ng pribadong sasakyan. Sino ang nakakaalam kung sino ang mga sakay niyon. Maaaring ang mga tauhan ni Mayora Santillanes.

Kalahating oras marahil ang ipinaghintay niya bago niya natanaw ang paparating na tricycle. Malapit-lapit na tricycle ay pinagsisino pa niya ang mga sakay. At nang makatiyak na ordinaryong mga pasahero ay nagmamadali siyang lumabas sa may kalsada at pinara iyon.

Kristine Series 56: The Bodyguards 2: Jose Luis Morrison Monte FalcoOnde histórias criam vida. Descubra agora