Ako Naman

21 0 0
                                    

Ako Naman
Written by: Gril18

Sino ba ako?
Ano bang papel ko sa mundo?
Bakit ako nabubuhay?
Para saan?
Para kanino?
Hindi ko alam kung saan magsisimula,
Hindi ko nga rin alam kung paano,
Pagnilayan ang mga nagawang kasalanan?
Pagnilayan kung maayos ba ang pakikitungo ko sa iba?
Paano ba ang dapat gawin?
Sa totoo lang, marami akong iniisip ngayon,
Siguro ito na ang tamang panahon,
Nasa harapan ko na ang pagkakataon,
Para magpakatotoo sa sarili ko,
Sa puntong ito, huhubarin ko na ang suot kong maskara,
Malaya niyo nang makikita ang rumaragasang luha sa aking mga mata,
Yung lungkot na matagal ko nang itinatago,
Yung pait at hinanakit na matagal ko nang dinaramdam,
Pagod na ako,
Aaminin ko, pagod na pagod na ako,
Pagod na ako sa ganitong klase ng buhay,
Pagod na akong ngumiti,
Pagod na akong magpanggap na masaya,
Gusto ko na lang umupo at manahimik sa isang sulok,
At umiyak,
At maging mahina,
At hayaang bumagsak ang katawan ko,
Gusto ko na lang pumikit at tahimik na umiyak,
Pagod na akong tulungan at pasiyahin ang ibang tao,
P'wede kayang ako naman?
Ako naman yung pasiyahin nila,
Ako naman yung tanungin nila kung anong problema,
Gusto ko ring maramdaman yung pakiramdam na may nag-aalala,
Yung yayakapin ka nang mahigpit,
Yung sasabihin sa iyo na magiging maayos din ang lahat,
Gusto kong maging mahina kahit sandali lang,
Pagod na akong magpanggap na matapang,
Nakakapagod na,
Gusto kong sarili ko muna,
Tama na muna yung iba,
Kahit isang araw lang,
Maramdaman kong ako ang importante,
Na sa akin kayo nag-aalala,
Pero minsan naiiisip ko,
Paano kung ako pala yung problema?
Paano kung naaabala ko na pala yung mga nasa paligid ko?
Paano kung nakakaistorbo ako?
Paano kung nagsasawa na sila sa ugali ko?
Dapat na ba akong magbago?
Dapat ko na bang ayusin yung sarili ko?
Naguguluhan na ako,
Sobrang daming ideya ang tumatakbo sa isip ko,
Nalilito na ako,
Kung babaguhin o mananatiling ganito,
Ang sigurado ko lang,
Ayokong makaabala,
Ayoko na yung mga nasa paligid ko ay namomroblema,
Mahal ko sila,
Mga kaibigan at pamilya ko,
Kahit na madalas akong nagtatampo,
Lalo na sa maliliit na bagay,
Gusto ko lang ng atensyon niyo,
Gusto kong makita niyo ako,
Gusto kong maramdaman niyo ako,
Na hindi ako palaging malakas,
Na dumarating ang oras na nanghihina ako,
Na sobra na kung subukin ako ng mundo,
Na gusto ko na lang umiyak at sumuko,
Kaya muli, ako ito,
Nandito lang ako,
Umiiyak at nanghihina,
Tapikin niyo sana ako,
At yakapin nang mahigpit,
At iparamdam na hindi ako nag-iisa,
Napakarami ko nang problema,
Sobrang bigat na,
Hindi ko ito kakayaning mag-isa,
Kailangan ko ng kasama,
Kaya sana, samahan niyo akong harapin pa ang mga hamon ng buhay,
Dahil para sa inyo, kaya ako nabubuhay.

Spoken words poetry-tagalogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon