Barangay Pangarap, Reynoso St. Victoria City

1 0 0
                                    

Barangay Pangarap, Reynoso St. Victoria City
Isinulat ni: Mark Cyril Tombado

Kabi-kabilaang sigawan ang naririnig ko,
Mga batang naglalaro ng takbuhan at tumbang-preso,
Ang iba ay boses ng mga nagtitinda sa may kanto,
May mga panindang inalalako,
Gulay, prutas, ulam, at kahit na sumbrero,
Mga gamit sa bahay gaya ng tabo, palanggana, at kutsilyo,
Sinasamahan pa ito ng mga nagtitinda ng tinapay,
Na laging pinatitigil para bumili ng mainit na monay,
Na isasawsaw sa kape,
Hay, ang sarap ng buhay,
Sana ay ganito na lang,
Magpapahinga sa tanghali sa sofa,
At pagpatak ng ala-singko y media,
Lalabas at magdadala ng bangko para pumuwesto sa harap ng bahay,
Makikipagchikahan sa mga kumare kung ano na bang latest sa barangay,
Ganiyan ang madalas na nakikita at naririnig ko.

Barangay Pangarap, Reynoso St, Victoria City,
Dito mo matatagpuan,
Ang isang tipikal na lugar,
Na mukhang ordinaryo,
Pero maraming itinatagong sikreto,
Marami nang binawian ng buhay,
Marami na rin ang umalis at hindi na muling natagpuan,
At kung anong dahilan,
Wala akong nalalaman,
Kaya pakiusap,
Huwag niyo sana akong pag-initan,
Huwag niyo akong aabangan,
Ayoko nang madawit sa karahasan,
Gusto ko lang mabuhay nang mapayapa,
Ayoko na,
Hindi ko na kayang magtagal pa,
Gusto ko na lang mabulag at tuluyang wala nang makita,
Nakakapagod nang magpanggap na isang bulag,
Habang pinagmamasdan ang kung sinong binabalibag,
Nagmamakaawa ngunit tila nagmimistulan silang bingi,
Mga bagong saltang napagtripan,
Kahit na mga turista ay hindi pinalalampas.

Barangay Pangarap, Reynoso St. Victoria City,
Barangay pangarap na aakalain mong masayang lugar,
Pero puno ng iba't ibang klase ng karahasan,
Nakakatakot pero walang ibang pamimilian,
Kailangan mong makipagsabayan,
Dahil kapag huminto at naging mahina ay siguradong maiiwan,
Kaya naman ako,
Napilitang makipagsapalaran sa magulong mundo,
Kumakapit sa patalim,
Pikit-matang isinubo ang pagkaing nagmula sa maruruming kamay,
Labag sa loob na pinipilt tanggapin ang buhay na kinalakihan,
Kailangan kong lumaban,
Nakuha na nila ang kapatid at nanay ko,
At kung magiging mahina ay isusunod ako.

Barangay Pangarap, Reynoso St. Victoria City,
Tandang-tanda ko ang lugar na ito,
Hindi ko kailan man malilimutan,
Dito nila ako tinuruan na maging isang demonyo,
Manakit ng mga inosente,
Dahil ako ang pagdidiskitahan,
Sakaling hindi ako sumunod sa kasunduan,
Pero ngayon,
Lahat ay pinagsisihan ko na,
Sampung taon na ang lumipas pero sariwa pa rin sa akin ang lahat,
Hindi ko kayang kalimutan,
Ang lahat ng mga nangyari sa nakaraan,
Masuwerte at nakalaya ako mula sa mistulang bilangguan,
Pero patuloy pa rin akong binabagabag,
Nakararamdaman pa rin ng kaba,
Pinagpapawisan at hindi makagalaw.

Barangay Pangarap, Reynoso St. Victoria City,
Gugustuhin mo bang tumira sa lugar na ito?
Na mukhang ordinaryo,
Pero siguradong papatayin at sisirain ang bait mo,
Ihuhulma ka sa kung paano nila gusto,
Hanggang sa tuluyan kang maging isa sa kanila.

Spoken words poetry-tagalogWhere stories live. Discover now