Palimos po

3 0 0
                                    

Palimos po
Isinulat ni: Mark Cyril Tombado

Minsan na rin bang sumagi sa isip mo,
Kung bakit madalas kang niloloko?
Kung bakit ka pinaglalaruan?
Kung ano bang dahilan,
Kung ano ba ang naging basehan,
Para iwanan kang nag-iisa sa kawalan,
Ganyan ako,
Ilang ulit ko nang tinanong ang sarili ko,
Kung may mali ba sa akin,
Kaya hindi nila ako magawang mahalin,
Kaya palagi akong nasa dulo,
Nakikita lang kapag wala yung kailangan niyo,
Hindi kailan man nauna,
Madalas sa atensyon ay nanlilimos pa,
Nakakaawa,
Oo sobrang nakakaawa,
Pero wala namang ibang magagawa,
Kung gusto mo silang makasama,
Tatanggapin mo ang ugali nila,
Makikisama ka,
Parang sa pagmamahal lang 'yan,
Tinitiis mo kahit na nasasaktan ka na,
Pinipilit mong isalba,
Kahit na hindi na talaga kaya,
Handa kang magpakabulag,
Handa kang magtiis,
Handa kang magsakripisyo,
At sa dulo,
Malalaman mong ikaw lang ay niloloko,
Pinaiikot sa mga palad nila,
At natutuwa na makita kang umaasa,
Na tanggap ka,
Nakakapagod,
Nakakasira ng ulo,
Palimos po,
Nakakatanga,
Nakakatangang manlimos ng atensyon sa iba,
Tipong nagmamakaawa ka na pansinin nila,
Dahil takot kang maiwan na nag-iisa,
Na walang ibang kasama,
Isa itong kahinaan,
Na hindi mo dapat ipakita sa laban,
Dahil siguradong gagamitin nila ito,
Laban sa iyo,
Pero ano pa bang magagawa ko?
Dito ako nasanay,
Dito ako namulat,
Lumaki akong kulang sa pagmamahal,
At hanggang ngayon ay umaasang matatagpuan,
Palimos po,
Hindi ng kaunting barya,
Hindi pagkain,
At hindi rin inumin,
Palimos ng atensyon,
Palimos ng pagmamahal,
Palimos po,
Huwag niyo sana akong ipagtabuyan,
Kaunting pagmamahal lang ang kailangan,
Huwag niyo na sanang ipagkait,
Huwag niyo na ring gamitin ito laban sa akin,
Dahil hindi ako mapapagod na manlimos,
Para sa pagmamahal na hinahangad ko nang lubos,
Hindi ako hihinto,
Hindi ako susuko,
At paulit-ulit na sasabihing,
"Palimos po."

Spoken words poetry-tagalogKde žijí příběhy. Začni objevovat