Sarili Ko Muna

11 0 0
                                    

Sarili Ko Muna
Isinulat ni: Mark Cyril Tombado

Huwag mo akong iiwanan,
Nakikiusap ako, huwag kang tatalikod,
Huwag kang lalayo,
Huwag mo akong iwanan na nag-iisa,
Huwag mong itapon ang ating naging pagsasama,
Lumalaban ako,
Patuloy kong ipinaglalaban ang relasyon na ating binuo,
Nandito ako,
Hinihintay kang bumalik,
Hindi ako napagod,
Hindi ako sumuko,
Mahal pa rin kita,
Mahal na mahal,
Kaya hindi ko lubos maisip,
Hindi ko nasundan,
Hindi ko kayang paniwalaan,
Na bigla mo na lang akong iniwan.

Paano na ako?
Nasanay ako sa presenya mo,
Binigay ko ang gusto mo,
Akala ko importante ako,
Gaya nang kung gaano ko pinahahalagahan ang tulad mo,
Pero masyado akong umasa,
Naging sobrang taas ng pangarap ko,
Kaya naging sobrang sakit din ng pagbagsak ko,
Para akong binagsakan ng isang malaking tipak ng bato,
Hindi ako makatayo,
Hindi ako makagalaw,
Nahihirapan akong huminga.

Yan ang paulit-ulit kong nararamdaman,
Naibigay ko na sa iyo ang lahat,
At nakalimutan kong magtira para sa sarili ko,
Naubos ako,
Itinaya ko ang lahat,
Sa pag-asang mananalo,
Sumugal ako kahit hindi sigurado,
Kaya ngayon ang puso ay wasak at nadehado,
Luhaan at sugatan,
Walang ibang mapuntahan.

Pero hindi pa tapos ang laban,
Hindi p'wedeng ganito na lang ang maging katapusan,
Kaya kahit mahirap at nag-iisa,
Pinilit kong tumayo,
At muling buuin ang sarili ko,
Ngunit sa pagkakataong ito,
Kasabay ng pagbangon ko,
Ay naglagay ako ng matataas na pader,
Para wala na muling ibang makapasok,
At muling wasakin ako,
Hindi ko na ipipilit at ipagsisiksikan ang sarili ko,
Kung ayaw sa akin ay wala na akong pakialam.

Pagod na akong manuyo,
Pagod na akong umintindi,
Pagod na akong ipagsawalang-bahala,
Pagod na pagod na ako,
Sa kaaasa na mapapahalagahan,
Sa halip na makita lang tuwing may kailangan,
Ayoko na maging ganito,
Kaya patawad, uunahin ko na muna ang sarili ko,
Dahil pagod na pagod na ako,
Sa nabubulok at paulit-ulit na sistema,
Bubuuin ko na muna at tatapusin ang sarili kong istorya.

Spoken words poetry-tagalogWhere stories live. Discover now