Bakas ng Pagkakamali

2 0 0
                                    

Bakas ng Pagkakamali
Isinulat ni: Mark Cyril Tombado

Bumabalik na naman,
Ang mga alaala ng nakaraan,
Ang nakalipas at tapos na,
Ang mga bagay na hindi na maibabalik pa,
Ganyan ako kadesperado,
Umaasa na may magbabago,
Umaasa pa rin na may tayo,
Umaasang maitatama ang naging pagkakamali ko,
Kahit suntok sa buwan,
Dahil iba na ang mundong iyong ginagalawan,
At ito na naman tayo,
Alasdiyes na ng gabi,
Dito na magsisimula,
Ang tila pagbagsakan ng mga bulalakaw,
Magkakasunod at hindi ko mapigilan,
Hanggang sa tuluyan itong tumama sa katawan ko,
At nagbigay ng animong mataas na boltahe ng kuryente,
At sinira ang pagiging kalmado ko,
Akala ko, kaya ko,
Akala ko, magagawa ko,
Akala ko, tapos na,
Pero bakit hanggang ngayon, ikaw pa rin ang laman, ng makamundong puso na ang hirap maturuan?
Ilang beses ko nang sinabi na wala na,
Na nakalimutan ko na,
Na nakamove on na ako,
Pero bakit bumabalik pa rin ang trauma ko?
Bakit ko pa rin naalaala,
Ang nakaraan na sa ilalim ng lupa ay nailibing ko na?
Ang pait at hinagpis ng kahapon,
Na pilit bumabalik at pinahihirapan ako hanggang ngayon,
Paano ba ang dapat gawin para gumaan ang pakiramdam?
Paano magpanggap na okay ka lang?
Paano pilitin ang sarili na maging masaya?
Paano ipagsawalang-bahala ang mga sinasabi nila?
Hanggang kailan ako dapat na magtiis?
Hanggang kailan ko ito mararamdaman?
Kailan ba ako makakalaya sa rehas ng kalungkutan?
Kailan mapipigtas ang kadenang pumipigil sa aking kalayaan?
Hindi ko magawang maging masaya,
Bumabalik at bumabalik ang trauma,
Mabigat sa pakiramdam,
Hindi ako makahinga nang maayos,
At nararamdaman ko na lang na nababagsakan ang luha sa pisngi,
Kusang dumadaloy pababa,
Kasabay ng hikbi at pangungulila,
Hindi ko gustong mabalikan,
Pero para bang wala akong ibang pamimilian,
Hindi ko ito gusto,
Pero para bang may sariling buhay ang puso ko,
Ito ang nagpapaalala,
Na hanggang ngayon ay hindi pa rin ako malaya,
Narito pa rin ang ideya,
Na hindi ito mangyayari,
Kung nanatili lang ako sa iyong tabi,
Kung hindi lang ako umalis,
Kung mas pinili kong magtiis,
Hindi ka sana lalabas ng bahay,
Hindi ka sana sasakay ng kotse para puntahan ako,
Hindi ka sana nag-alala,
Hindi ka sana naaksidente sa kalsada,
Limang taon na,
Pero hanggang ngayon ay inuusig pa rin ako ng aking konsensya,
At pinapaalala na wala akong karapatan na makaramdam ng saya,
At lahat ng nangyayari sa akin,
Ay resulta ng kapabayaan dahil sariling kagustuhan,
Ang pinili kong unahin,
Alas-kuwarto na,
Limang oras ulit ang nasayang,
Limang oras na binagabag ang aking isipan,
At paulit-ulit na babalik,
'Yan ang sigurado,
Hindi ito matatapos,
Walang katapusan,
Siguradong dadalhin ko hanggang sa kamatayan.

Spoken words poetry-tagalogWhere stories live. Discover now