Chapter 16

42.7K 1K 121
                                    

Esmeralda's POV

"And they live happily ever after..."

Isinara ko ang story book ni Ella matapos basahin ang isang fairytale saka sinipat ang bata. Napangiti ako nang makitang tulog na siya sa aking tabi. Dahan-dahan kong tinanggal ang braso ko sa ulo niya at inilipat siya sa unan. Tumayo na ako at nag-unat ng katawan. Tiningnan ko ang relo, alas nueve na ng gabi.

Lumabas na ako ng silid ni Ella at bumaba sa hagdan. Naisipan kong pumunta ng kusina upang uminom ng gatas. Habang nasa paanan ng hagdan ay napatingin ako sa may swimming pool sa labas. Payapa ang tubig at tila nang-aakit na languyin. Maligo kaya ako? Matagal-tagal na rin akong hindi nakakaligo sa pool. At isa pa, pagod na ang katawan ko sa maghapong trabaho. Kailangan kong mag-relax.

Iginala ko ang paningin sa buong bahay, walang bakas na may gising pang tao. Maagang umuwi si Dr. Arthur kanina at dumeretso sa loob ng kuwarto. Malamang ay tulog na rin iyon sa pagod. Iyon ang magandang timing upang maligo sa pool dahil walang makakakita sa akin!

Mabilis akong umakyat pabalik papuntang kuwarto namin ni Manang Dalya at nagsuot ng two piece bikini. Mabilis din akong bumaba at maingat na naglakad upang walang mabulahaw sa excitement kong maligo. Pagkadating
ko sa pool ay hinubad ko ang roba ko at lumusong sa tubig.

Para akong isdang pinakawalan sa dagat.
Malaya kong ikinumpas ang dalawang mga braso sa tubig at lumangoy. Sumisid ako sa ilalim ng pool at muli ay lumangoy na walang humpay. Napakasarap ng tubig na humahaplos sa buo kong katawan. Parang tinatangay lahat ang pagod ko.

Nang magsawa sa paglangoy ay nagpasiya akong umahon na sa tubig. Ngunit nanigas ang likod ko nang makitang nakatayo si Dr. Arthur sa ibabaw ng pool. Madilim ang mga tingin niya sa akin habang may hawak na kopita ng alak!

Hindi ko tuloy alam kung paano itatago ang sarili ko sa kanya. Alam ko na kasing uulanin niya ako ng sermon dahil sa paglangoy ko nang walang paalam sa pool. Sa huli ay nagpasiya na lang akong harapin ang manggagamot tutal ay nakita na rin naman niya ako.

May pagmamadali sa kilos ko habang umaakyat sa ibabaw ng pool.
Hindi ko alam kung paano tatakpan ang katawan ko lalo pa't sinusuyod niya ako ng tingin. Nasa tabi pa naman niya ang robang ginamit ko kanina. Napalunok ako habang tinitingnan ang ayos niya. Nakahubad baro din siya ngunit nakatakip ng tuwalya sa baywang. Bakit gising pa siya? Akala ko ay kanina pa siya tulog!

Nagyuko ako ng ulo habang dahan-dahang lumapit sa kanyang kinaroroonan. Iniyakap ko ang mga braso sa sarili dahil sa malamig na dampi ng hangin sa balat at dahil na rin sa mapanuri niyang mga titig sa akin. Kinikilabutan kasi ako lalo pa at madilim ang kanyang mukha.


"M-magandang gabi po, S-ser..." bati ko pa sa kanya nang makalapit nang tuluyan.

Kinilabutan na naman ako nang masalubong ang matatalas niyang mga mata. Mabilis kong kinuha ang roba at ibinalabal sa sarili. Hindi ko man lang nagawang tingnan kung baliktad iyon o hindi basta ay isinuot ko na lang iyon upang takpan ang katawan ko.

Sinamantala ko ang hindi niya pag-imik upang tumakas. Ihahakbang ko na sana ang mga paa ko para umalis nang bigla siyang magsalita. Muntik pa akong madulas sa gulat.

"Where are you going?"

Napilitan akong lumingon sa kanya.
"P-po? B-babalik na po a-ako sa kuwarto. I-inaantok na po ako."

Kumunot ang kanyang noo saka dineretsong lagok ang wine.

"Nakita mo lang ako, inantok ka kaagad?" sarkastikong saad niya kapagkuwan.

Head over Heels(Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon