Cornelia IX

425 8 0
                                    

"Cornelia!" Mabilis akong napalingon sa pinanggalingan ng tinig at nakita ko si mama na nakatayo sa may pinto. "Uwi ba 'yan ng normal na estudyante? Pumasok ka na dito!"

Nakita ko ang galit sa mukha ni mama. Yumuko ako at kinakabahang naglakad papasok sa aming bahay.

"Saan ka galing? Sino yung naghatid sa'yo? Bakit ngayon ka lang umuwi? Anong ginawa niyo ha?" Sunod-sunod na tanong ni Mama pagkaupong-pagkaupo ko sa sofa sa aming sala.

"Ang alam ko 6:30 ang uwi mo, pero anong oras na?" Tumingin siya sa relo. "Alas-diyes na. Saan ka ba nanggaling?"

"Ma--"

"Alam mo, iniingatan ka lang namin mula sa mga demonyong nagkalat sa labas." Hinila niya ang isang  bangko at nilapit iyon sa akin at umupo sa aking tapat. Hinawakan niya ang dalawang kamay ko. "Anak, maraming masasamang loob sa labas. Gusto ka lang naming protektahan."

Nakatingin lang ako kay mama.

"Kung may nagawa kang kasalanan, kailangan mong magdasal, pagsisihan mo ang lahat, para hindi ka paluoban ng masamang kapangyarihan ng demonyo." Pagpapatuloy niya. "At tandaan mo, wag kang magiging demonyo, dahil ang mga demonyo ay... pinapatay."

Nagulat ako sa sinabi ni Mama.

"Mama ano po bang sinasabi niyo?" Nagtataka kong tanong, bakit napunta dito ang usapan?

Hindi siya sumagot, sa halip ay inayos niya ang kanyang buhok.

"Wag mong intindihin 'yon." Tumayo si Mama at naglakad palayo sa akin. "Ngayon, sagutin mo na ang mga tanong ko kanina."

Umayos ako ng pagkakaupo, sisimulan ko na sanang sagutin ang mga tanong kanina ni Mama nang biglang humahangos na bumaba si Papa mula sa hagdan.

"Amelia!" Tawag ni Papa kay Mama. Parang natataranta siya. "Tingnan mo ang nasa balita."

Nagmamadaling binuksan ni Papa ang TV sa aming sala. Bumungad sa amin ang flash report na kasalukuyang umeere sa telebisyon.

...isang malaking hukay ang natagpuan sa Relucio Street ngayong gabi. May isang puno rin ang parang binunot at hinagis sa kalsada.

Kinabahan ako at pinagpawisan ng makita ang nasa balita. Napahawak ako ng mahigpit sa bag ko. Ang lakas ng kaba ko. Ako ang may gawa niyan.

Walang nakasaksi kung ano ang talagang nangyari dito pero haka-haka ng mga tao ay isang hindi normal na nilalang ang gumawa nito. Isang misteryo nga raw kung ito ay maituturing, isang misteryong mahirap resolbahin.

Pinatay ni mama ang TV, parang takot siya.

"Isang demonyo!" Bulalas ni Papa. Napalingon ako sa kanya. "Isang demonyo ang gumawa niyan. Dapat sa mga demonyo ay pinapatay katulad ng ginawa natin kina--"

"Fabian!" Awat ni mama kay papa. Napatigil si Papa at tumingin sa akin na para bang bahagya pang nagulat ng malamang andito rin pala ako sa sala. "Mabuti pa, pumasok ka na sa kwarto mo Cornelia at wag mo na lang uulitin ang pag-uwi mo ng gabi."

Agad akong tumayo. Kinakabahan pa rin sa napanuod ko sa telebisyon. Paano kung malaman nina papa na ako ang may kagagawan ng malalim na hukay?

"Ayos ka lang ba anak?" Nag-aalalang tanong ni papa, nahalata ata niya na kinakabahan ako.

"Ha? O--opo naman. O--okey lang po ta--talaga ako." Nauutal kong sabi.

Nabigla ako ng biglang hablutin ni papa ang kamay ko. Napatingin ako sa kanya, nakatitig lang siya sa akin. Nakaramdam ako ng kaba, ang weird nila ngayon.

"Huwag kang magiging demonyo, anak." Sabi ni papa at binitawan ang kamay ko, "Pumunta ka na sa kwarto mo."

Tumango ako at mabilis na kinuha ang bag ko. Nagmamadali akong naglakad papunta sa hagdan.

Habang umaakyat ako ay naririnig ko pa ang bulungan nina mama at papa. Pabulong silang nagtatalo at alam kong kung ano man yun ay sigurado akong ayaw nilang malaman ko iyon.

--

Pumasok ako sa kwarto at patapong humiga sa aking kama. Hindi pa rin nawawala ang kaba sa aking dibdib dahil sa balita kanina. Paano na lang kung malaman nina mama at papa na ako ang may gawa nun? Baka katakutan nila ako, at ayokong mangyari yun.

Alam kong taglay ko na ang kakayahang ito simula nung bata pa ako. Pero noon, hindi ako aware na meron pala ako nitong tinatawag nilang telekinesis, naaalala ko nga noong limang taong gulang pa lang ako.

Naglalakad ako noon papunta sa tindahan nina Aling Rina, bibili kasi ako ng Hany, ang pinakapaborito kong tsokolate. Napahinto ako sa paglalakad ng may isang malaking aso ang humarang sa dadaanan ko. Nanlilisik ang mga mata niya at nakalabas ang mga pangil. Umaatungal siya na para bang galit na galit.

Unti-unti akong napaatras, sobrang lakas ng kaba sa dibdib ko. Kinagat ko ang dila ko dahil sabi ng mga kalaro ko noon ay mainam na paraan daw ang pagkagat sa dila para hindi ka tahulan ng aso. Unti-unti akong tumalikod para umuwi, hahakbang na sana ako pero biglang tumahol ang aso, nagulat ako at mabilis na tumakbo.

Hinabol ako ng aso habang tumatahol ito, mabilis akong tumakbo habang kagat-kagat ang dila, baka sakaling umepekto. Kung saan-saan ako lumiko pero nakasunod pa rin ang aso. Sobrang lakas ng kaba ng dibdib ko dahil sa takot at pagod.

Liliko na sana ako sa isang eskinita ng mapatid ako sa isang nakausling bato. Malakas ako bumagsak sa lupa, dali-dali akong tumayo pero bigla akong nakaramdam ng sakit sa paa ko. Nilingon ko ang aso, mabilis siyang sumusugod sa akin, binuka niya ang kanyang bibig, handa ng kagatin ang binti ko. Akma niya akong dadambahan ng magpakawala ako ng isang malakas na sigaw.

"WAAAAAG!"

Sa isang iglap ay tumilapon ang aso at malakas itong tumama sa pader. Gumawa ito ng tunog na para bang umiiyak at paika-ikang tumakbo palayo sa akin. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat, nagtaka ako kung bakit tumilapon ang aso. Tumingin ako sa paligid, nakahinga ako ng maluwag ng makitang walang nakakita sa nangyari.

Simula noon, nangyayari na yung mga bagay na iniisip ko. May mga pagkakataon din noon na kapag nagagalit ako ay laging may nababasag. Pilit ko talaga itong itinago noon dahil laging sinasabi sa akin nina mama at papa na gawang demonyo daw ang magkaroon ng kakaibang kakayahan. Masyado kasing maka Diyos sina mama at papa at inaamin ko na weird talaga sila, lalo na nung bata pa ako. Lagi nilang sinasabi na masama ang demonyo, masama maging demonyo. Pero, nawala naman iyon noong naging high school na ako, pero parang bumabalik nanaman kanina ang pagiging weird nila. Binabanggit nanaman nila ang tungkol sa demonyo.

Nagkaroon lang naman talaga ako ng interes sa kakayahan kong ito noong unang araw ng pagiging 3rd year ko, nung makita ko ang librong tungkol sa telekinesis sa library. Noon, pilit ko pang sinasabi na normal ko, pero matapos ang pangyayari kanina sa dalawang magnanakaw, hindi ko na alam kung matatawag pa ba akong normal. Yun ang unang beses na ginamit ko ng matindi ang kakayahan ko. Yun ang unang beses na ginamit ko ang telekinetic ability ko na aware ako at kontrolado ang bawat kilos at nagawa ko iyon dahil kay Onyx.

Bumangon ako at kinuha ang bag ko. Kinuha ko ang picture na binigay niya sa akin kanina. Tiningnan ko iyon at hindi ko maiwasang ngumiti lalo na at naaalala ko ang mga nangyari sa 'date' namin. Yung tawanan, kulitan at yung oras na ginugol namin ng magkasama. Naging kilala namin ang isa't-isa at naging close pa. Tiningnan ko ang mga kamay ko at muling inisip ang mga kamay ni Onyx na nakahawak dito. Sobrang saya.

Pero yung sayang nararamdaman ko ay naglaho nang maalala ko nanaman ang nangyari kanina duon sa mga magnanakaw. Nakasakit ako ng tao. Nagamit ko ang kakayahan ko na ayon sa mga magulang ko ay gawang demonyo. Muli kong binagsak ang katawan ko sa kama. Madiin kong pinikit ang mga mata ko, kakalimutan ko na ang nangyari. Ayokong maging demonyo at ayaw din iyong mangyari ng mga magulang ko. Kaya simula ngayon, hindi ko na gagamitin ang kakayahan ko. Sisikapin kong maging normal. Hinding-hindi na ako gagamit ng telekinesis. Huli na yun.

Maya-maya pa ay nakaramdam na ako ng antok. Biglang bumuhos ang ulan, nakaramdam ako ng angge na pumapasok mula sa nakabukas kong bintana. Minulat ko ang mga mata ko. Ugh, tinatamad akong bumangon para isara yun. Pero nangako ako na hindi na ulit gagamit ng telekinesis. Tsk.

Iniangat ko ang kanang kamay ko at tinapat iyon sa bintana. Sinarado ko ang mga daliri ko at kasabay nun ay ang pagsara ng bintana sa kwarto ko.

Last na talaga yan. Promise!

To be continue...

Cornelia [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon