PROLOGUE

3.5K 93 1
                                    


PROLOGUE

NASAAN ako?

Nagpalinga-linga si Xeen sa paligid. Noon lang niya nalaman na nasa isang yate pala siya. At nasa anyong tao rin siya dahil wala ang kanyang mga pakpak at nagbago rin ang hugis ng kanyang mga tainga.

Pero paano siya nakarating doon? Ang huling natatandaan niya ay nakita niya sa lagusan ang isang napakagandang lalaki. Makinis ang balat. Matangos ang ilong at may pagkasuplado ang hubog ng panga. Pero kahit magkaganoon ay kaakit-akit pa rin ito sa kanyang paningin, lalo na nang humarap ito sa kanya mula sa eksena sa lagusan. Ganoon na lang ang pagkabog ng puso niya.

Inabot niya ang pinto ng lagusan para sana hawakan man lang ang tila telescreen na nagpe-play ng eksena ng magandang lalaki. Sapat na sa kanyang mahawakan man lang ito mula sa hangin pero hindi lang ganoon ang nangyari. Biglang sumabog ang nakasisilaw na liwanag mula sa lagusan. Sa pag-iwas niyang masilaw ay naitakip niya ang braso sa kanyang mga mata. At sa muling pagmulat niya ay naroroon na nga siya sa loob ng yate. Mula sa bintana malapit sa kanya ay nakikita niya ang mahinang alon na humahampas sa yate. Naglakad pa siyang muli hanggang sa makarating sa upper deck.

At napasinghap na lang siya pagkakita sa magandang lalaki na nakita niya sa pinto ng lagusan.

Lalapitan niya sana ito nang makitang pasuray na umakyat ito sa railings. Kapagkuwan ay ibinato ang bote ng alak at umaktong tatalon nang bigla siyang magsalita.

"Bakit mo itinapon? Sayang naman! Ibinigay mo na lang sana sa akin."

Sa magkahalong pagkagulat at pagkalasing ay ipinilig nito ang ulo subalit naging maling aksyon iyon dahil nahulog ang magandang lalaki sa dagat.

Naging napakalakas ng pagtili ni Xeen kaya lang, walang nakakarinig sa kanya. Nataranta na siya nang makitang hindi lumilitaw ang lalaki mula sa tubig. Hindi na siya nag-isip. Tumalon siya sa tubig para sagipin ang lalaki. Hindi naman iyon naging mahirap para sa kanya dahil nakakasisid siya nang malalim at nakakahinga rin siya sa tubig. Mabilis niyang naabot ang lalaki at nahila ito paitaas.

Teka!

Nakakahinga siya sa tubig?

Paano?

Ganoon na lang ang panggigilalas ni Xeen nang mapansin na ang mga paa niya ay nagdikit at nagkaroon siya ng buntot!

Sirena?

Paano ako naging sirena? Isa akong lambana!

A/N:

FB Fan page/FBGroup:

https://www.facebook.com/OfficialGazchelaAerienne/

https://www.facebook.com/groups/354433525010560?refid=27

Precious Online Store:

https://www.preciousshop.com.ph/home/

https://preciouspagesebookstore.com.ph/)

Precious Hearts Pocketbook Page:
https://www.facebook.com/Precious-Pages-229654370425644/

Booklat Page:

(https://www.facebook.com/BooklatOfficialPage/)

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Where stories live. Discover now