Chapter 4B

1.3K 89 8
                                    


"WOW!"

Halos mapatakbo si Xeen sa pagkababa ng yate matapos makadaong sa dalampasigan. Pagkalapat na pagkalapat ng mga paa niya sa buhanginan ay nagtatakbo na siya sa malawak na coastal area.

"Xeen, sandali!"

Naririnig niya ang pagtawag ni Ezio pero wala siyang pakialam. Tuwang-tuwa kasi siya dahil hindi na dambuhala ang tingin niya sa mga puno. Mataas pa rin ang mga iyon pero hindi na mala-higante.

Patuloy siya sa pagtakbo nang may mapansing kulay puti na kung ano. Napahinto siya nang mapag-alaman na bahay iyon. Isang two-storey old house na puti ang pintura sa kabuuan. Napapalibutan ng kung ano-anong puno ang buong solar, karamihan ay mangga at saging pero may rambutan din at suha.

Pero ang mas nakaagaw ng pansin niya ay ang batang lalaki sa second floor. Naka-polo shirt iyon na puti rin at kumakaway sa kanya. Maputla ang mukha at kahit nakangiti, parang hindi naman masaya.

"Ano ba, Xeen! Takbo ka nang takbo!"

Napaigtad si Xeen nang mula sa likuran niya ay nagsalita si Ezio. Nilingon niya ito at magtatanong sana nang mapansin na hingal na hingal ito at madilim ang mukha.

"Hinihintay ka ng mga crew. Aalis na si Cromwell."

"Ha? Sino bang Cromwell?" kunot-noong tanong niya.

"'Yong yate," humihingal pa ring sagot nito.

Bakit ganoon na lang ang paghingal ni Ezio? Hindi naman ganoon kalayo ang nabaybay niya...

"Bakit ka pa bumaba? Hindi naman kita pinapababa!"

Inabot nito ang kanyang braso at iginiya siya pabalik.

"Teka." Nilingon niya ulit ang batang kumakaway sa kanya, pero wala na iyon sa bintana sa second floor.

"Isasabay ka nila hanggang sa yacht club, pagkatapos umuwi ka na. At ayokong malalaman na--"

"Kahawig mo 'yong bata na kumakaway sa akin kanina."

Nahinto sa pagdaldal si Ezio at pabigla siyang binalingan.

"Sinong bata?"

"'Yong nasa bahay na 'yon." Itinuro niya ang puting two-storey house. "Kaninong bahay ba 'yan?"

Sandaling natigilan si Ezio. Saka siya pinakatitigan.

"Ako ba ginu-good-time mo?" madilim ang mukhang tanong nito sa kanya.

"Ha?"

"Walang batang nakatira diyan. 'Yong caretaker lang ng rest house na sina Manang Nely at Mang Fred."

Napamulagat siya rito, saka muling tiningnan ang may bintana kung saan niya nakita ang batang naka-puting polo. "Pero... kinakawayan niya pa ako kanina."

"Tss. Tama na ang delaying tactics mo. Sumama ka na kina Devon. And please leave me in peace. Bayad na ako sa utang-na-loob ko sa 'yo," aroganteng sabi nito, sabay hila ulit sa kanya.

Kumawala nga si Xeen sa lalaki.

"Ano'ng bayad ka na? Akina 'yong susi! Iyon ang ibayad mo sa 'kin," demanding na sabi naman niya, saka inilahad ang palad sa harap ng binata.

Napamaang ito sa kanya. "Anong susi? Malay ko sa susing sinasabi mo?"

Pinamaywangan niya ito. "Anong malay mo sa susi? 'Ayan, o!" aniya, sabay turo sa hinliliit nito. "Iyan ang susi ng lagusan. Ibigay mo sa akin 'yan nang makauwi na ako."

Mabilis pa sa alas-kwatro na itinago ni Ezio sa likuran nito ang kamay kung nasaan ang singsing na korteng dahon.

"Ano'ng sinasabi mo diyan? Paanong naging susi ang singsing ng mama ko?" Tiningnan siya nitong maigi. "Sabihin mo nga. Bukod ba sa pagiging entertainer, suma-sideline ka rin bilang manggagantso?"

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Unde poveștirile trăiesc. Descoperă acum