Chapter 1B

2K 74 1
                                    


Sa kabilang mundo...

PALIPAD-LIPAD si Xeen sa tapat ng espesyal na lagusan. Taranta na ang mga kaibigan niyang sina Caiorroa, Simone, Vymerra at Zayleigh sa pagkawala ni Rosette, ang isa pang kaibigan na nautusang tumawid sa mundo ng mga tao para sunduin si Erastus, pero siya... hayun at patuloy lang sa pananalamin sa lagusan.

Oo, hindi siya masyadong nag-aalala. Alam naman kasi niyang kung hinigop na nga si Rosette ng lagusan, siguradong sa mismong malapit kay Erastus ito mapupunta. At nagtitiwala siya sa kakayahan ni Rosette. Hindi din ito pababayaan ng kanilang Bathalang Tagagabay.

Pito silang magkakaibigan. Si Kroen ang isa pa, na umibig sa isang mortal at na-convert sa pagiging tao, dahil sa sakripisyo ni Erastus. Pero sa panahong ito ay patay na si Kroen. Ganoon kaigsi ang buhay ng tao. May hangganan. Hindi katulad nilang mga lambana na kahit mamatay ay may paraan pa para mabuhay muli. Kaya hindi talaga siya nag-aalala kay Rosette kasi alam niya at naniniwala siya na hindi ito mapapahamak. Matalino si Rosette.

At oo din, si Xeen ang tipo ng lambana na kahit ano pa ang mga masasamang nangyayari, palagi siyang may reservation para maging positive ang pananaw sa buhay.

Katulad ngayon. Dahil sa pagsasakripisyo ni Erastus para kay Kroen, malaki ang nabago sa batas ng kalikasan tungkol sa mundo nila. Naging makabago ang pananalita nila. Nagawa rin nilang ma-identify ang iba't ibang bagay tungkol sa kabilang mundo dahil sa panibagong kaalaman na bigay ng bagong batas sa Engkantasya. Ayon iyon sa bagong batas ng kalikasan.

Isang dambuhalang aklat na parating nakalutang sa kalagitnaan ng trono ng mga miyembro ng konseho, doon nakasulat ang batas ng kalikasan para sa mga taga-Engkantasya. Tinatawag din nila iyong Aklat Na Tagapagpatupad. Awtomatikong naipatutupad ang batas sa sandaling magbago ang nilalaman ng aklat. Napakahalaga sa kanilang mga lambana ng aklat dahil doon nakasentro ang takbo ng pamumuhay nila at maging ang mga kapangyarihan nila. Kung mawawala iyon sa kanila, mawawalan sila ng direksyon. Kaya nga may mga tagapangalaga niyon--ang bumubuo ng konseho. Ang mga ito rin ang namumuno sa buong Engkantasya.

Dahil sa pagbabago, ang iba't ibang engkanto mula sa iba't ibang kaharian ay nagkagulo. Hindi matanggap ng mga ito na naging moderno ang kaalaman nila at nakakasabay sila sa makabagong takbo ng mundo dahil maging ang mga pasilidad sa buong Engkantasya ay naging moderno na rin. Habang ang mga ito ay nakakulong sa makalumang kaalaman at pamumuhay. Iyon ang nagtulak sa mga ito para pag-agaw-agawan sila at pagtangkaang sakupin ng ibang kaharian mula sa elemental na mundo. At maambunan ang mga ito ng modernisasyon. Gusto ng mga itong agawin ang Aklat Na Tagapagpatupad. Sa sandaling malipat sa mga ito ang pagmamay-ari sa aklat, malilipat sa mga ito ang kakayahan nila, ang uri ng kanilang pamumuhay at ang mas nakakatakot ay masasakop sila ng mga ito. Magiging alipin at tagasunod sila ng mga ito o kaya ay baka ubusin pang tuluyan ang lahi nila.

Masisira rin ang balanse ng mundo. Posibleng makatawid ang mga ito sa kabilang daigdig at doon makapanggulo. Sa paglakas ng kakayahan at kapangyarihan ng mananakop na lupon ng mga engkanto, mas lalaki rin ang posibilidad na maangkin ng mga ito ang kanilang sagradong lagusan. At hindi dapat na mangyari iyon.

Paano sila lalaban kung ang isa sa pinakamagaling na mandirigma at pinuno ng hukbong pangkaligtasan na si Erastus ay napatapon na sa kabilang mundo? Nasa mundo na ito ng mga mortal. Wala silang ibang pagpipilian kundi ang sunduin si Erastus pabalik sa mundo ng mga engkantado maski nasa katawang tao ito. Naiwan naman sa Engkantasya ang sisidlan ng kapangyarihan nito at walang ibang puwedeng magmay-ari niyon kundi ang orihinal na may-ari.

Madali sanang iuwi si Erastus para sa mga miyembro ng konseho dahil alam ng mga ito ang top secret tungkol sa mundo ng mga mortal. Para bang may hidden camera ang mga ito na napapanood ang ginagawa ng mga mortal. Pero hindi na maaaring tumawid ulit ang isa sa mga miyembro ng konseho at magtagal nang higit sa dalawang oras dahil makakaapekto na naman iyon sa batas ng kalikasan. Baka sa halip na masolusyunan ang problema ng kanilang kaharian ay lalo lamang gumulo.

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Where stories live. Discover now