Chapter 12B

1K 61 6
                                    

NATATAKOT ako kay Xeen, Ezio.”

Po? Bakit Manang?”

“May mga sinasabi siya na nakakakilabot.”

Mula sa second-floor veranda ay naririnig ni Xeen ang pag-uusap nina Ezio at Manang Nely sa may kusina. Naiintindihan niya ang matanda na matakot sa kanya dahil ikinuwento niya rito na nakikita niya si Lukan. Mukhang may alam ang matanda sa family history ni Ezio. Hindi naman niya magawang magsinungaling sa lahat ng mga pag-uusisa sa kanya ng tito ni Ezio. Kasalanan iyon sa kanilang mga lambana at ayaw niyang may magawang kasalanan. Ayaw niyang maparusahan.

So, Manang, ibig sabihin, may alam kayo tungkol kay Lukan?
Singhap ang naging sagot ni Manang Nely. “A-alam mo na?

Naririnig pa rin ni Xeen ang mga ito bagaman mahina. Pakiramdam niya, humihina ang mga kakayahan niya magmula nang kamuntik nang manganib ang buhay niya dahil sa muntik-muntikang pagsasabi ni Ezio ng forbidden word. Na hindi totoo ang tulad niya. Idagdag pa ang matagal na hindi niya paglubog sa dagat.

Siguro, dahil pa rin iyon sa mga kaganapan sa Engkantasya. Kailangan na niyang makabalik at alamin kung ano na ang nangyayari sa kanyang mundo. Bakit hindi man lang nagpapakita ang kanyang mga kaibigan sa kanyang panaginip? Hindi kaya may masama nang nangyayari sa mga iyon?

Ah!

Ipinilig niya ang sariling ulo. Hindi puwede. Hindi siya dapat na nag-iisip ng masama. Isa pa, nakabalik na sina Rosette at Erastus. Magiging maayos ang lahat.

“Xeen...”

Napalingon siya sa pintong bahagi sa second-floor veranda. Nakatayo roon si Lukan. Rather... ang kaluluwang si Lukan. Nginitian niya ito at lumapit.

“Bakit hindi mo agad sinabi na kaluluwa ka?” tanong niya.

“Naghahanap pa ako ng tiyempo,” sagot nito. Kung magsalita ay parang hindi na batang pitong taon.

Napangiti na lang siya. “So, bakit ka pala nagpapakita sa akin?” wala nang ligoy na tanong niya.

“Dahil ikaw lang ang puwedeng makakita sa akin sa bahay na ito.”

Nangunot ang noo niya pero hindi na nagkomento. Posible naman iyon dahil siya lang ang kakaiba sa lumang bahay ni Ezio.

“Sa 'yo ko lang din puwedeng ipadala ang message ko, para makatawid na ako,” dagdag nito.

Nalito si Xeen. “Ano'ng ibig mong sabihin?”

“Malayo na ang nalakbay ko papunta sa afterlife pero na-drag ako pabalik,” malungkot na sabi nito.

“Bakit?”

“Dahil kina Mama at Papa.”
Kunot-noong napatitig siya sa kaluluwa. Nagbuntong-hininga si Lukan at nagpatuloy.

“Sinisisi nila ang mga sarili nila sa pagkawala ko. Hangga't hindi nila napapatawad ang mga sarili nila, mananatili akong lost soul dito.”

“Teka... nila? Ibig mong sabihin ang mama at papa mo?”
Tumango ang kaluluwa.
“Akala ko sabi ni Ezio, okay na okay naman si Matthew.”

“He's just pretending but he's still hurting... alone.”

Parang may sinaksak sa isang bahagi ni Xeen nang marinig ang napakalungkot na boses ni Lukan. Pakiramdam niya, nata-transfer sa kanya ang damdamin ng kaluluwa.

“Hindi ako makakatawid na miserable pa rin ang pamilya ko,” dagdag pa nito.

“At nasaan ang mama n'yo ni Ezio?”

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Onde histórias criam vida. Descubra agora