Chapter 14

916 60 0
                                    

"WOW! Malaking pera ito kapag ibebenta sa mga nag-aalahas. Grabe! Ang dami, Ate!"

Napangiti na rin si Xeen nang makitang manghang-mangha si Dalia sa mga luha niya.

"Gusto mo ba? Sa 'yo na lang ang mga iyan. Ibenta mo para may panggastos kayo. At para makapag-aral ka na rin," nakangiting alok niya.

Nanlaki na naman ang mga mata nito. "Talaga ba? Hindi ko ito tatanggihan, Ate!" magkahalong tuwa at pagkamangha na bulalas nito.

Nakangiting tumango siya. Somehow, magaan ang pakiramdam niya na may maitutulong siya sa dalagita. "Basta sekreto lang natin ito, ha?"

Sunod-sunod na tumango si Dalia. "Kapag umiyak ako ulit, ibibigay ko ulit sa 'yo. Pero sa ngayon, tulungan mo muna akong makauwi."

Nangunot ang noo ni Dalia. "Hindi ka ba sa dagat tumitira?"

Umiling siya. "May isang masungit na lalaking may-ari ng pangit na bahay at sa kanya ako tumitira."

Humagikgik na naman si Dalia. "Pero guwapo naman ba, Ate? 'Sakto ba sa kadiyosahan mo?"

Napangiti sa kawalan si Xeen habang ini-imagine ang guwapong mukha ni Ezio, lalo na kapag nakangiti ito at matiim na tumititig sa kanya. "Oo. Ang guwapo niya..." parang nangangarap na sambit ni Xeen. "Makislap ang mga mata niya na parang kumukinang kapag may ilaw mula sa araw. 'Tapos, 'yong korte ng mukha niya at ang mga detalye, parang ang sungit. Ang arogante niya tingnan. Pero mabait siya. Matulungin. Alam kong kahit hindi niya sabihin, nag-aalala siya kapag napapahamak ako. Palagi niya akong pinoprotektahan. Pakiramdam ko, safe ako kapag kasama ko siya. Na walang mangyayaring masama sa akin kapag nandiyan siya."

"In love ka sa kanya, Ate Xeen?"

"Ha?" Pabiglang napabaling ai Xeen sa nakangiting si Dalia.

"Kasi kahit sinasabi mo na arogante at masungit, pinupuri mo pa rin siya. Mas lamang sa paningin mo ang good side niya at wala lang ang pangit na side."

Inabot niya si Dalia at magaang hinaplos ang buhok.

"Kasi 'di ba dapat naman na ganoon? Mas dapat nating tingnan ang mabuti at magandang bahagi kaysa sa masama. Para hindi tayo lamunin ng galit at lungkot. Maiksi lang ang buhay ninyong mga tao. Spend it wisely. I-enjoy at i-treasure n'yo ang buhay at oras na mayroon. Magmahal pa rin kayo kahit mahirap at masakit. Kasi walang pinakamasarap gawin sa ibabaw ng mundo kundi ang magmahal at mahalin."

Ngiti ang isinagot sa kanya ni Dalia, saka ito yumakap nang mahigpit. "Thank you, Ate Xeen. Pakiramdam ko, nakakilala ako ng anghel na magpapaliwanag ng madilim na isip at damdamin ko."
Natawa si Xeen. "May pakpak din ako minsan pero hindi ako anghel. Isa akong lambana."

MALAKAS na nagwawala ang puso ni Ezio dahil sa pag-aalala. Kung hindi nga lang dahil hindi siya marunong magpatakbo ng bangkang de motor, hindi na siya magsasama ng tao para lumaot. Pero dahil alam niyang mapagkakatiwalaan naman si Manong Fred, bahala na kapag makita nitong may buntot si Xeen. Mamamangha siguro ito pero alam niyang kaya nitong magtago ng sekreto.

Ngayon, wala nang mas importante pa para sa kanya kundi ang makita si Xeen. Lagpas tanghali na nang makauwi siya sa rest house matapos ang kanyang voluntary project. Iyon ang ilang araw na niyang inaasikaso at ito ang first day niya ng free checkup.

Noon pa naman niya plano iyon na naudlot nga lang dahil sa pagdating ni Xeen. At dahil din sa sagutan nila kamakalawa, pinili niyang ituloy na ang plano. Kaysa naman palaging mabulabog ng alaala ng komprontasyon nila.

Pero kahit nasa medical mission niya, palaging sumisingit si Xeen sa mga pagkakataon na hindi siya abala.

Kaya nga heto siya at maagang umuwi. Para bang may compelling feeling siya na kailangan niyang umuwi. Na kailangan niyang i-check si Xeen. Nandoon ang malakas na kaba sa dibdib niya na baka kung ano na ang nangyari sa sirena.

At hanggang ngayon, nilalamon siya ng magkahalong matinding kaba at takot habang lumalaot sa dagat na wala kahit anong trace ni Xeen. Pagkauwi niya at si Manang Nely agad ang nabungaran niya na aligaga sa may front porch. Pinayagan daw nito si Xeen na mamasyal dahil naaawa ito sa dalaga na maghapong nabuburo doon at ang kausap lang ay TV. Hinayaan nito na pumunta ng tabing-dagat matapos mag-almusal. Pero lagpas tanghalian na at hindi pa umuuwi.

Dali-dali siyang tumakbo sa dalampasigan para lang ang lahat ng kasuotan ni Xeen na lang ang makita doon, ultimo panties. Ibig sabihin ay lumusong nga ito sa dagat. Pero saan na ito nagpunta? Bakit hindi pa ito bumabalik? Nahuli kaya ito ng mga mangingisda? O baka umahon ito sa kabilang coastal area? Pero wala itong maisusuot maliban sa brassiere na hindi kasama sa mga iniwan nito sa batuhan.

Sa tindi ng pag-aalala niya ay inapura niya si Manong Fred na ilabas ang bangka nito para samahan siyang lumaot. Nasa gitna sila ng dagat at sigaw nang sigaw para tawagin si Xeen.

"Anak. Ipunin mo muna 'yang lakas ng boses mo sa pagtatawag sa kanya kapag nasa patag na tayo," saway ni Mang Fred sa kanya. "Hindi ka rin naman niya maririnig at nasa laot pa tayo."

At some point ay tama ito. Pero ano ba'ng malay niya kung nasa paligid lang si Xeen? Ano'ng malay niya kung sa kalagitnaan ng pagsigaw niya, lumitaw ang ulo nito mula sa dagat at marinig siya? Pero hindi iyon maiintindihan ni Manong Fred dahil hindi naman nito alam kung ano si Xeen.

"Manong, bilisan pa natin," sa halip ay pag-aapura na lang niya sa matanda.

"Aba, eh, todo na itong makina natin. Dapat ay humingi rin tayo ng tulong sa mga mangingisda sa kabilang lugar. At mahirap maghanap kung tayo lang. Mas mapapadali kung--"

"No! Hindi puwede, Manong Fred!" bigla niyang putol sa sinasabi nito kasabay ng mas pagtindi ng kaba niya.

"Aba'y bakit hindi? Mas marami ay mas madali." Parang nagtataka ang matanda sana reaksyon niya.

Hindi na lang sumagot si Ezio. Hindi niya masabing mas marami silang kasama ay mas delikado para kay Xeen. Siyempre, hindi normal na tao si Xeen. At ang mga tao, kapag may makitang hindi normal, kung hindi katatakutan ay kagagalitan.
Aminado siyang namangha siya nang makita kung paano nagbago ang mga paa ni Xeen. Natakot siya, sa totoo lang. Pero nawala rin iyon matapos ang ilang sandali dahil alam niyang harmless ito.

Pumalit sa takot niya ang malakas na instinct na dapat niya itong protektahan sa abot ng kanyang makakaya. Okay naman na sana, kung hindi lang nangyari ang sagutan nila.

May point naman ang mga sinabi sa kanya ni Xeen pero hindi pa niya kayang magpatawad. Sinira ng ama ang lahat ng ilusyon tungkol sa purong pagmamahal. At nang maging doktor siya, tuluyan iyong nawala at napalitan ng scientific reasons ang mga damdaming akala niya ay walang paliwanag.

"Do'n po tayo sa east area, Manong," aniya sa matanda habang nagmamasid sa paligid.
Madaming coastal area na puwedeng puntahan, pero napansin niya na maraming papunta sa east. Baka nandoon si Xeen.

Sana, nandoon si Xeen.
Gusto na yata niyang mabaliw sa matinding pag-aalala habang tumatagal at wala siyang makitang palatandaang nasa dagat ang sirena.

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Where stories live. Discover now