Chapter 13.1

969 57 0
                                    

MAAGA raw umalis si Ezio at may nilakad na naman. Kahapon at noong isang araw ay ganoon din ang eksena. Magmula nang hapon na magkasagutan sila, hindi siya kinakausap ni Ezio.
Gusto ni Xeen na hindi niya gusto. Oo nga. Okay na rin dahil walang sumisita sa kanya na huwag niyang galawin ang ganito at ganyan. O personal na kinukuwestiyon kung bakit maiksi na naman ang suot niya. O huwag siyang lalabas nang mag-isa o lulusong sa dagat at baka may makakita pa sa kanya.
Ipinapasabi na lang kasi ni Ezio sa mag-asawa ang mga bawal niyang gawin. Ayaw siya nitong kausapin. Malamang dahil baka matalakan na naman niya.

Pero sa kabilang banda, hindi niya gusto na ayaw siyang kausapin ni Ezio. Aaminin niyang nami-miss niya ang mga walang-kuwentang sagutan nila. Nami-miss niya kapag alam niya na nag-aalala ito sa kanya at gusto siyang protektahan. Nami-miss niya ang mga mata nitong kung tumitig sa kanya, parang may masarap na init.

At parang medyo masakit sa kanya na ngayon, halos ayaw na siyang tingnan. Nalulungkot siya na naiinis kay Ezio. Ang tigas lang ng ulo at loob nito. Ni hindi niya mapaliwanagan.

"Saan na naman daw po siya pupunta, Manang Nely?" may bahid ng pagkayamot na tanong niya sa matanda habang ipinaghahain siya. "Palagi na lang siyang umaalis, 'tapos ako bawal umalis?" dagdag pang himutok niya.

Naiinip na siya sa pangit na bahay na iyon. Sira-sira ang mga lock. Inuunos na rin ang ilan sa mga pinto. Parang haunted house na nga iyon sa paningin niya. Hindi na siya magtataka kung bakit doon gustong magpakita ni Lukan. Kasi may eerie feel naman nga.

"Walang bilin ngayon si Ezio, anak. Kaya baka puwede kang pumasyal. Pero 'wag kang lalayo masyado. Para madali rin kitang mahanap kapag bumalik si Ezio."

Parang biglang dumaloy ang dugo ni Xeen sa narinig. Talaga bang pinayagan na siyang lumabas? Aba, ano'ng masamang hangin ang nasinghot n'on? O baka naman nakalimutan lang magbilin.

Anyway, ang importante ay makakalabas na siya at makakalangoy sa dagat na may liwanag ng araw. Sa gabi lang kasi, kapag tulog na ang mga kasama sa bahay, saka siya tumatakas para lumungoy.

Natuklasan ni Xeen na hindi lang pagtulog ang nakaka-recharge ng lakas niya. Kapag nakadalawa hanggang tatlong araw na hindi siya lumulubog sa dagat, humihina ang katawan niya. Kahit mag-shower pa siya o nagbabad sa bathtub, hindi iyon nakakatulong. Dagat talaga ang kailangan niya.

Ibig sabihin na ganoon pa rin ang kondisyon niya, malamang na may disequilibrium pa rin sa Engkantasya at apektado nga siya.

Hindi naman kasi siya ganoon noong mga panahon na maayos pa ang balanse ng mundo ng mga elemento na gaya niya.

"Sabi n'yo 'yan, Manang, ah? Puwede akong lumabas?" excited na sambit niya at tiningala ang matanda.

Napangiti naman ito at tila naaliw sa kanya. Tumango-tango ito. "Basta 'wag kang masyadong lumayo at baka mawala ka."

Tuwang-tuwa na tinapos ni Xeen ang almusal at mabilis pa sa alas kuwatro na nagpunta sa dagat. Ilang sandali lang at nasa malalim na parte na siya. Iniwan niya sa batuhan ang mga kasuotan niya at baka mapunit na naman. Mahirap umahon na walang maisusuot. Nagagalit si Ezio kapag hindi maayos ang suot niya.

Teka nga. Ano ba'ng pakialam niya? Hindi nga ba at hindi na siya kinakausap? Dapat, wala na siyang pakialam doon at huwag na rin niyang isipin.

Tama! Makikipaghabulan na lang siya sa mga isda. O sa mga jellyfish.

Sumisid pa pailalim si Xeen at naghanap ng makaka-bonding. Huwag naman sana siyang makakasalubong ng pating.

Maliliit na isda lang ang nakikita niya. Makukulay at magaganda. Kaso mga suplada. Wala rin ang mga mahaharot na jellyfish kaya nag-decide si Xeen na umahon na.

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Where stories live. Discover now