Chapter 9.1

1K 64 6
                                    

TATLONG araw na ang dumaan magmula nang mangyari ang insidente sa noodle house at hindi pa nagigising si Xeen.

Talagang nataranta si Ezio. Bigla ba naman nitong daklutin ang dibdib sa aktong nahihirapang huminga, sino ang hindi magpa-panic? Pagdating nila sa pinakamalapit na ospital ay mahina ang heartbeat nito kaya dali-dali niyang ipina-transfer sa San Victorio Medical Center, ang ospital ng kanilang pamilya na nasa Makati. .

At laking gulat niya na pagdating doon, wala naman itong problema. Normal na ang heartbeat nito pati ang pulse rate. Dahil hindi siya maniwala ay inulit niya ang pagkuha ng vital signs nito. At tama naman ang lahat. Para lang itong natutulog.

Dumaan ang twenty-four hours magmula nang mawalan ito ng malay at hindi pa rin ito nagigising. Kahit ano'ng gawin nila, walang epekto. Hindi nagkakamalay si Xeen kaya pinakabitan na niya ng IV at iba pang aparato para ma-monitor nang maayos ang vital signs.

Napahimas sa sariling batok si Ezio habang nakayuko sa natutulog na si Xeen. Natutulog lang ito base sa mga ginawa niyang examination. Sinuri din ang dalaga ng half brother ng kanyang ama na si Tito Linster na isang cardiologist. At katulad ng pagkakabasa niya sa mga test results ni Xeen, wala ring makitang mali sa dalaga ang kanyang tiyuhin. Pero bakit hindi ito nagigising? Ano ang mayroon at hindi ito nagigising?

"...Kasi, hindi lahat kayang ipaliwanag ng agham."

"...Walang makikitang problema si Matthew, kasi pagtulog talaga ng mahaba ang paraan namin para ma-recharge ang energy namin."

Parang biglang bumalik sa isip ni Ezio ang mga sinabi ni Xeen sa kanya sa noodle house. Pero... Ano ang ibig sabihin niyon? May ganoong kondisyon ba ang mga may mental disorders? Pagtulog ang gamot para maging maayos ang mga ito?

Agad na dinukot ni Ezio ang cell phone sa bulsa at kinontak ang Tito Hugh niya, saka sinabi ang mga tanong sa kanyang isip. Pero isang tawa lang ang napala niya rito.

"I never heard of a treatment like that. Though sleeping really does help a lot. Kahit naman sa mga normal, nakakatulong talaga ang pagtulog."

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Ezio. He was getting crazier everyday. Isa siyang doktor pero sa pagkakataong ganito, lahat na ng bagay ay ia-assume niya. Sabihin nang bawal sa law of ethics nila ang maniwala sa mga bagay na walang paliwanag, pero sa sitwasyon ni Xeen, hindi pa ba siya kakapit sa mga unexplainable possibilities?

"Hey, wala ka bang balak na simulan ang residency mo? Galit na ang tatay mo dahil hindi ka mapasunod," narinig niyang sabi ni Tito Hugh pagkatapos niyang manahimik sa kabilang linya.

"Ayoko muna. Hindi pa ako decided."

"Why don't you take pediatric--"

"And let him win?" agad na putol niya sa sinasabi nito.

Iyon ang gusto ni Matthew para susunod siya sa yapak nito. Isang magaling na pediatrician ang kanyang ama. Walang duda roon. At mahilig din naman siya sa mga bata.

Pero hindi niya gustong matuwa ang ama kaya iniisang tabi niya ang sariling kagustuhan. Siguro, magbibigay muna siya ng serbisyo sa mga baryo-baryo. Mga lugar na hindi naaabot ng serbisyong medical.

At ang talagang pumipigil lang sa kanya na gawin iyon ay ang pagsulpot bigla ni Xeen sa buhay niya. Gusto na niyang malaman kung sino ang pamilya nito. Hindi naman niya ito kayang basta iwan lang hanggang sa may mag-claim na pamilya ng dalaga. He couldn't leave her just like that. Palagi kasing umaatake ang protective side niya. Naiisip na baka mapahamak ito, et cetera, et cetera.

At bakit ba hindi na kumontak si Jyle sa kanya?

"Come on, Ezio. Your father has been through a lot. Bakit hindi mo siya bigyan ng kahit kaunting kaligayahan?"

Been through a lot, my ass! gusto niyang isinghal kay Tito Hugh. If he knew better, iniwan niya itong nagpapakasaya sa bagong babae sa buhay nito. At napabalita pa itong nali-link sa ilang socialite, pagkatapos maririnig niya ang ganoon sa tiyuhin?

Hindi nagdusa at nangulila ang kanyang ama sa kanyang inang si Rysia. Busy ito sa trabaho at sa mga babae na umaaligid dito. Nagagawa nga nitong mag-party sa bar at uuwi sa bahay na lasing na lasing. Hah! Ezio had had enough. Tama lang na iniwan niya ang ama para harapin ang buhay na mag-isa. At ngayong hindi na siya nakatali sa kahit anong obligasyon dahil maayos naman na ang buhay ng kanyang Tito Conrad, gagawin na niya ang matagal na niyang gusto. Ang hanapin ang ina. Isasabay niya sa panggagamot sa mga remote barrios.

Malay niya, baka doon niya mahanap ang ina?

"Oh, please drop it, Tito. Ayokong pag-usapan si MZ."

Dahil masama ang loob niya sa ama, hindi niya ito matawag na 'Papa.' He resorted to calling him by his initials. Kahit paano, ama pa rin niya ito at ayaw niyang maging bastos o magtunog bastos.

Isang buntong-hininga ang sagot ni Tito Hugh. "Alright," anito. "Anyway, nabanggit mo na kailangan ni Xeen ng psychiatrist?"

"Yes. I've seen some signs na hindi normal ang takbo ng isip niya. May kinakausap siya sa rest house na batang ang pangalan daw ay 'Lukan.' At madami pa siyang--"

Parang narinig ni Ezio na suminghap ang kanyang tiyuhin sa kabilang linya. Hindi niya alam kung reaksyon ba iyon ng nabigla o ano.

"W-what did you just say?" parang kinabahang tanong nito.

Napakunot-noo siya pero binale-wala na lang. "'Yon nga... May mga sinasabi siya na--"

"Lukan... Did you say, Lukan?"
Nagsalubong na naman ang mga kilay ni Ezio. Bakit ganoon mag-react ang kanyang tiyo?

"Ano ang apelyido niya? Is she somewhat related to our family?"

"Huh?"

"Ano pa ang mga sinabi niya tungkol kay Lukan?"

Tuluyan na siyang nalito sa reaksyon ng tiyuhing doktor.

"Bakit niya raw kilala si Lukan? Paano niya nakilala?"

"Ewan ko. Teka, bakit ganyan ka magtanong, Tito? Sino ba si Lukan?"

Isang mahabang katahimikan ang sagot nito na talagang tuluyan niyang ikinalito.

"Kailan nangyari 'yang sinasabi mo na kausap niya si Lukan?"

"That day na dumating kami sa rest house. At wala namang bata sa rest house. Walang anak sina Manang Nely at Manong Fred. Kung nag-ampon man sila, sana ay sinabi--"

"That can't be..." mahinang sabi ni Tito Hugh na mukhang para sa sarili lang.

"What do you mean, Tito?"

Para siyang binubundol ng kaba na hindi niya maintindihan.

"Matagal nang patay si Lukan. Seven years old siya noon at ikaw ay six months old pa lang."

"Huh?"

Ii-interrogate pa sana niya si Tito Hugh tungkol sa sinasabi nito nang mahagip niya sa peripheral vision na kumikilos si Xeen. Sa pagharap niya rito ay inaalis nito ang IV na nakakabit sa kamay nito.

"Xeen, gising ka na!"

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Where stories live. Discover now