Chapter 20

1.1K 59 31
                                    

“NAUULIT na kasaysayan?”

“Hindi ko na alam. Pero hindi ko na gustong maulit ang bangungot sa ating lahi. Dapat lang na bago pa magsimula ay pigilan na.”

“Pero paano? Wala tayo sa posisyon para bumawi ng buhay na hindi tayo ang nagbigay.”

“Kung bakit kasi kailangan pang magdalang-buhay ang lambana. Mas lalong hindi maaari na maulit ang kasaysayan ng mag-inang Ruthshela at Kroen.”

“Kung ganoon ay dapat na maisarado nang tuluyan ang espesyal na lagusan.”

Hindi makapagsalita si Xeen habang nasa gitna ng mga miyembro ng konseho. Pinagtatalunan kasi ng mga ito kung ano ang gagawin sa kanya. Natapos ang napakalaking bangungot ng kanilang lahi sa napakadaling paraan.

Muling bumalik ang kaayusan sa buong Engkantasya. Naging balanse uli ang dalawang nagulong mundo. Bumalik sila sa tradisyonal na pamumuhay habang ang mga masasamang elemento ay naikulong sa balon ng walang hanggan. Lahat ng iyon ay dahil kay Erastus at sa kapangyarihan nitong isinaboy sa buong Engkantasya. Hanggang ngayon, nararamdaman pa rin nila ang proteksyon na biyaya ni Erastus sa kanilang lahi. Masaya na sana ang lahat, pero hindi na nila magawang makabalik sa dati nilang buhay.

Lalo na si Rosette na sobra-sobrang naapektuhan ng pagkawala ng engkantadong minamahal nito. Para bang ngumingiti lang ang kaibigan nila dahil kailangan at dapat. Para bang nabubuhay lang ito dahil wala na itong choice kundi ang mabuhay. At naaawa siya sa kaibigan.

Pero may sarili din siyang problema. Dahil matapos maging maayos ng lahat, ipinatawag siya ng buong konseho. Para ipaalam sa kanya na may buhay sa loob ng sinapupunan niya. Hindi niya iyon alam noong una. Busy kasi siya sa pagiging malungkot at pananabik na makita at mayakap ulit si Ezio. Sandaling oras pa lang ang dumaan pero pakiramdam niya, isang buong buhay na siyang nasasabik sa tagalupa.

Matapos siyang i-inform ng mga miyembro ng konseho tungkol sa kondisyon niya, pinakiramdaman ni Xeen ang sarili. At tama ang mga ito. Naramdaman niya ang malakas na pintig ng buhay sa loob ng kanyang sinapupunan.

Ang mga tulad nilang lambana ay hindi ipinapanganak. Sumisibol lang sila sa ibabaw ng bubot na bulaklak sa sandaling tumawa ang bagong panganak na sanggol sa mundo ng mga mortal. At kasabay ng paglaki nila ang paglaki din ng bulaklak na nagsisilbi nilang tahanan. Pero nagiging madali ang buhay nila kapag lumalabag sa batas ng mga lambana. Dederetso sila sa Gitbutay at maghihintay na iluwal ulit ng mundo sa ibabaw ng bulaklak.

Pero iba ang kondisyon niya ngayon. Nataniman siya ng binhi ng isang mortal... ng mortal na mahal niya. Ang kaisa-isang nilalang na ginusto niyang makasama kahit gaano pa kaikli ang magiging buhay niya sa tabi nito.

Ngayon niya naintindihan si Kroen na noon ay buong-pusong isinuko ang pagiging imortal makasama lang si Quinn.

Dahil ano pa ba ang punto ng buhay at existence niya kung wala na namang dahilan kung bakit siya nananatiling buhay? Hindi na niya mahanap ang kaligayahan. Kasama na iyon ni Ezio na umalis nang bumalik ito sa sariling mundo.

“Kahit maisarado ang lagusan, gagawa at gagawa ng paraan ang mortal na mahanap ang kanyang pinagmulan. Katulad ni Kroen.” Ang sinabing iyon ni Axyl ang pumutol sa malalim na pag-iisip ni Xeen.

“Hindi nauubos ang kuryosidad ng isang mortal. Likas iyon sa mga tulad nila. Nasa dugo nila iyon. At kung sakali, malamang na tulad ni Kroen ay hindi sasapat sa kalahating lambana na nandito lang siya sa Engkantasya. Hahanapin at hahanapin niya ang kanyang ama. Hindi rin naman natin maitatago sa kalahating mortal ang totoo niyang katauhan. Iba ang batas na ibibigay sa kanya ng Aklat Na Tagapagpasunod,” dagdag pa ni Axyl.

“Kung ganoon ay ano ang naiisip mong paraan para maunahan natin ang nagbabantang pag-ulit ng kasaysayan?” tanong naman dito ni Xyro.

Binalingan siya ni Axyl. At hindi niya alam kung bakit natatakot siya sa paraan nito ng pagtitig sa kanya at sa impis na tiyan niyang parang may bola ng liwanag na kumikislap sa loob. Iyon na malamang ang binhi ni Ezio na unti-unting nade-develop sa loob niya.

Bigla siyang napahawak sa kanyang tiyan. Na para bang sa ganoong paraan ay mapoprotektahan niya ang maliit na buhay.

Hindi!

Huwag naman ang magiging anak niya. Iyon lang ang tanging alaala na maiiwan sa kanya ni Ezio kung sakali. Baka ikabaliw na niya kung pati ang magiging anak niya ay aalisin din ng mga ito sa kanya.

“Huwag kang mag-alala, Xeen. Hindi mawawala sa 'yo ang anak ninyo ni Ezio.”

Pabiglang napabaling si Xeen sa nagsalita sa kanyang likuran. Ganoon na lang ang panggigilalas niya pagkakita sa nakatayo sa kanyang likuran. Sa tabi nito ay ang makinang na lambana na si Rosette.

“Erastus!”

“Nagbalik ka na!”

“Paano nangyari? Bakit hindi man lang namin naramdaman ang pagbabalik mo?”

Sunod-sunod na lumapit dito ang kapwa engkantado at halos hindi matapos sa tanungan at kumustahan.

“May mas maganda akong ideya para sa sitwasyon ni Xeen. Sitwasyon na magiging masaya ang lahat.” Malapad ang ngiti ni Erastus sa kanya.

Parang noon lang muling nakasagap ng hangin si Xeen. Noon lang bumalik sa tamang paraan ang kanyang paghinga. Sabik na sabik siyang marinig ang sasabihin ni Erastus.

Itutuloy...

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Where stories live. Discover now