Chapter 4A

1.2K 73 5
                                    


CHAPTER 4

SA NARINIG ay biglang hinablot ni Ezio ang kamay mula kay Xeen. Hindi niya gusto ang ideya na magkikita ang dalawa. At sigurado naman na hindi lang pag-uusap ang gagawin ng mga ito.

Fine.

Wala na siyang pakialam kung hindi na magbabago si Matthew at kung sinukuan na nito ang matagal nang paghahanap sa kanyang ina.

Pero hindi si Xeen. Hindi niya gusto ang ideyang isa si Xeen sa mga babae ng kanyang ama.

"Bakit masyado kang interesado sa singsing ng mama ko?" yamot na tanong niya.

Sa pagkaalala niya, ibinigay ang singsing na iyon ng malayong pinsan ni Matthew. Regalo raw noong fifth wedding anniversary sa kanyang mga magulang. Tig-isa ang mag-asawa pero naiwala ni Matthew ang para rito.

Si Tita Kroen ang malayong pinsan ni Matthew. Asawa ni Tito Quinn. Personalized design iyon ni Tita Kroen. At hanggang ngayon, hindi niya alam kung bakit singsing ang naisipang iregalo ng mag-asawa sa wedding anniversary ng mga magulang niya.

Maagang namaalam sa mundo ang mag-asawa kaya hindi na rin niya malalaman ang sagot. Kung bakit nasa kanya ang singsing, iyon ay dahil nang minsan siyang dumalaw sa bahay ng kanyang great-grandfather, nakita niyang nakakalat sa garden ang singsing. Naalala niyang minsang nailaglag doon ng ina ang singsing sa parehong araw na naiwala ni Matthew ang kapareho niyon.

Iningatan at hindi na niya inalis iyon sa kanyang daliri. Iyon kasi ang nag-iisang bagay na nagpapaalala sa kanya sa ina.

"Ang design... Kapareho ng dahon sa Puno ng Buhay..." mahinang sabi ni Xeen.

"Ha?" Ano'ng sinasabi ng babaeng ito?

"Walang katulad ang manipis pero mabilog na mga dahon sa manipis na tangkay. Ang Puno ng Buhay lamang ang may ganyang uri ng dahon."

Inabot na naman nito ang kamay niya na may singsing at sinalat iyon.

Oo, kakaiba ang disenyo ng singsing. Pero ano ba'ng sinasabi ni Xeen na Puno ng Buhay? Baliw ba itong kausap niya? Kung oo, nakakapanghinayang naman.

Pero mukha naman itong normal, eh. Huwag lang talaga itong magsabi ng hindi niya maintindihan.

"Kailangan ko ang singsing. Kailangan kong makabalik at baka lumala ang disequilibrium sa Engkantasya!" pahurumentadong sabi nito at mahigpit na hinawakan ang kamay niya.

Masisiraan yata siya ng bait sa babaeng ito. Kanina, Puno ng Buhay. Ngayon naman ay Engkantasya. Pati singsing ng mama niya napag-interesan pa. Mukhang kailangan talaga ng babaeng ito ng psychiatrist. Kung i-recommend kaya niya ito sa kanyang Tito Hugh?

Marahang binawi niya ang kamay mula rito.

"Alam mo, Xeen..."

"Hindi ako nababaliw! Totoo ang sinasabi ko!"

Bigla itong tumayo at hindi ininda ang sugat sa paa.

"Kailangan kong makausap si Matthew. Kailangan kong malaman kung bakit siya may disenyo niyan," turo nito sa singsing. "Siguradong may alam siya tungkol sa Engkantasya. Hindi ako makakatawid kung walang bagay o alaala dito sa mundo ng mga mortal na may kinalaman sa Engkantasya at maging sa akin o sa mga lambana."

Masyadong intense ang reaksyon ni Xeen. Kung hindi ito umaarte ay siguradong nababaliw na nga ito.

At parang gusto na ring bumitaw ng kanyang katinuan sa pakikipag-usap sa babae.

"Hindi kay Matthew ang design. Sa tita kong si Kroen," nagtitimpi na sabi niya.

Bakit ba siya nag-aaksaya ng oras na paliwanagan ito, eh, kulang nga ito ng turnilyo sa utak?

Nanlaki ang mga mata ni Xeen na parang nagulat. "Tita Kroen? Asawa ni Quinn? May kaugnayan kayo ni Kroen? Sabi ko na nga ba! Tanging taga-Engkantasya lang ang makakaalam ng ganyang disenyo."

Doon natigilan si Ezio. Kilala ng babae si Tito Quinn at ang kaugnayan nito kay Tita Kroen. Ibig sabihin na malamang, kilala nga nito si Tita Kroen. Ibig sabihin na malinaw naman nga ang isip nito. Pero bakit? Bakit nito sinasabi ang mga bagay na hindi niya maintindihan?

Helpless na inabot niya ang balikat ni Xeen. Ayaw na niya. Suko na siya.

"Okay, fine. Ayoko nang masangkot pa sa kung anumang agenda mo sa buhay," malumanay na sabi niya. "Alam ko na utang ko sa 'yo ang buhay ko kasi sinagip mo ako kanina. Pero quits na tayo tutal, ginamot ko naman ang sugat moat binigyan pa kita ng underwear. Don't worry, malinis iyan at bago." Sandali niyang sinilip ang paa nito na may sugat. "Baka sabihin mo naman na kulang pa, ipapa-escort din kita kay Devon sa SVMC kapag nakabalik na kayo sa siyudad. Libre lahat pati mga gamot para sa sugat mo. Okay na ba 'yon?"

Sa pagkagulat ni Ezio ay ibinalya ni Xeen ang kamay niyang nakapatong sa balikat nito. At talagang napasalya siya. Ang lakas ng puwersa nito.

Masama rin ang tingin na ibinigay nito sa kanya. Parang biglang nag-apoy ang mga mata. Kinabahan siya. Aatake na ba ito? Mukha kasing galit ito base sa facial expression.

"Salamat lang..." mahinang sabi nito na direktang nakatitig sa kanya. "Salamat lang, sapat na. Ganoon ba kahirap para sa inyong mga tao ang magpasalamat sa magandang bagay na ginawa para sa inyo?"

Something hit hard on his chest. Habang sinasalubong niya ang makikislap na pulang mga mata nito, hindi niya mapigilang mapahiya sa sarili.

Bakit nga ba hirap siyang magpasalamat? Was it because he didn't want to accept the fact that many times, he was indebted to random people? Wala siya sa posisyon niya ngayon bilang baguhang doktor kung hindi dahil kay Matthew.

Ah! That sucks!

Nagtagisan ang mga bagang ni Ezio. Matagal niyang itinaguyod ang sarili dahil ayaw niyang dumating ang araw na may pagkakautangan siya ng loob, lalo pa kung si Matthew iyon. Kinailangan lang naman niya ang tulong nito para kay Tito Conrad at hindi para sa sarili.

Masama nga siguro siyang anak dahil ginamit lang niya ang ama para maisalba ang Tito Conrad niya at ang sarili. Iyon kasi ang kinalabasan ng mga desisyon niya.

"Fine," sabi niyang pinakalma ang sarili. Isinalya niya ang iba pang isipin at nag-focus sa babae... sa gusto nito at sa nararamdaman niyang dapat gawin. "Thank you, Xeen."

Ngumiti nang matamis ang babae at hindi niya inaasahan ang masarap na epekto niyon sa kanyang dibdib.

A/N:

FB Fan page/FBGroup:

https://www.facebook.com/OfficialGazchelaAerienne/

https://www.facebook.com/groups/354433525010560?refid=27

Precious Online Store:

https://www.preciousshop.com.ph/home/

https://preciouspagesebookstore.com.ph/)

Precious Hearts Pocketbook Page:
https://www.facebook.com/Precious-Pages-229654370425644/

Booklat Page:

(https://www.facebook.com/BooklatOfficialPage/)

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Where stories live. Discover now