Chapter 6.1

1.1K 70 1
                                    

MAGANDA ang gising ni Xeen. Magaling na rin ang sugat niya sa paa. Naroroon pa rin pala sa kanya ang kakayahan niyang mag-self-heal ng mga sugat, mas mabagal nga lang ang process. Dapat ay ilang minuto lang at magaling na ang sugat niya, pero inabot pa ng buong magdamag bago tuluyang nawala iyon.

Siguro dahil na naman sa disequilibrium. Nasa kanya nga ang kakayahan pero mahina naman. Sa ngayon, gusto niyang malaman kung tama ba ang natuklasan niya kahapon. Na kapag nasa dagat siya, sa ilalim ng tubig, magiging sirena siya. Naligo siya sa shower kahapon pero hindi naman naging buntot ang kanyang mga paa. O baka dahil iyon sa may kaunti pa ring sugat.

Ah! Gusto niyang malaman.
Madilim-dilim pa naman sa paligid. Alas singko y medyapalang ng umaga. At hindi ganoon kalayo ang dagat.

“Wala naman sigurong makakapansin sa akin,” bulong niya sa sarili.

Marahan at buong ingat siyang lumabas ng silid na ipinapagamit sa kanya ni Ezio. Ewan nga ba kung ano ang nangyari sa lalaking iyon at pumayag na lang basta na doon muna siya sa bahay nito. Samantalang kung hindi nga niya ipilit na kakain siya ay hindi siya nito aalukin, pagkatapos ay biglang nag-offer ng silid.

“Ah! Ewan sa kanya.”

Bahala ito sa buhay nito basta hindi niya ito titigilan hangga't hindi niya nakukuha ang susi ng lagusan.

Nakalabas si Xeen ng bahay na walang nakakapansin. Maingat naman kasi siyang kumilos, saka nasa ground floor lang ang silid niya. Kahapon, umakyat si Ezio sa second floor at pumasok sa isa sa mga silid doon at hindi na bumaba. O kung bumaba man, hindi na niya namalayan dahil nakatulog na siya.

Maliban sa self-healing, malakas na pandinig at malakas na puwersa, wala nang kakaiba sa kanya. Para siyang normal na tao lang. Nagugutom at napapagod.

Ah, hindi. Iyong pagta-transform niya bilang sirena. Hindi iyon normal sa isang tao. Kaya nga kailangan niya iyong alamin ngayon.

Mabilis na nagtatakbo si Xeen papunta sa dagat kahit walang suot na kahit ano sa paa. Hindi naman kasi nag-offer ni tsinelas man lang si Ezio. Nang pumasok siya sa silid, may dress at panloob nang nakalatag sa kama. Si Manang Nely raw ang nag-provide niyon.

Malayo sa taste niya ang medyo conservative na yellow dress dahil above the knee ang haba niyon. Pero gusto na rin niya ang hakab ng madulas na tela. Nakakita siya ng gunting sa drawer kaya nagawa niyang remedyohan ang suot. Pinutulan niya ng kaunti ang laylayan ng pahalang na tabas paibaba. Sa isang bahagi ay maigsi at mahaba naman sa kabila. Pinigtas naman niya ang isang strap ng pa-crisscross na terante ng bestida at naging asymmetrical na.

At hayun, may mga lamuymoy ang pinagtabasan niya. Pero masaya pa rin siya maski paano. Ang fashionable naman kasing tingnan.

Pagkarating sa dagat, nagpalinga-linga siya sa paligid. Mukhang private ang lugar na iyon at wala namang naliligaw na nilalang. Kaya wala na rin siyang pagdadalawang-isip. Hinubad niya ang dress na suot at dahan-dahang naglakad papunta sa tubig. Kalalapat palang ng paa niya roon, nakakaramdam na siya ng kakaiba. Parang pilit na nagdidikit ang mga paa niya habang papalubog nang papalubog sa tubig. Nawawalan din iyon ng puwersa at napasalampak na lang siya sa tubig.

Iyong bagsak ng katawan niya sa dagat ay instant na nagbago ang anyo ng mga paa niya hanggang sa baywang. Naging buntot na striped gold and silver ang mga paa niya at hanggang baywang ang kaliskis na ganoon din ang kulay.

“Wow!”

Kandamulagat si Xeen sa sarili. Kahit dalawang beses na niyang naranasan na mag-transform ang mga paa, nagugulantang pa rin siya.

Paano nangyari? Half-breed din ba siya? Pero sana naging sikat din siya sa buong Engkantasya kagaya ni Kroen na kalahating tao at kalahating lambana.Buong panahon na nabuhay at namatay siya sa mundo, palaging ang batas para sa isang lambana ang nararanasan niya sa tuwing may malalabag na batas. Hindi siya naparusahan ng kakaiba katulad ng kay Kroen.

Pero baka ibig sabihin din ng mga kakaibang nangyayari sa kanya ngayon ay walang bisa sa kanya ang sumpa ng halik sa isang mortal. Wala naman nga siyang nararamdaman na kakaiba kaya baka nga walang bisa sa kanya ang paglalapat ng mga labi nila ni Ezio. Siguro dahil for a good cause naman ang naganap kaya hindi umeepekto.

Ah! Saka na niya iisipin iyon. Gusto muna niyang i-explore ang advantage ng pagiging sirena.

Manghuhuli siya ng malaking-malaking tuna para matuwa naman sa kanya si Ezio.
Sandali nga!

Bakit gusto niyang matuwa sa kanya ang bruhildong si Ezio?
Ah! Dahil kailangan niyang makuha ang singsing. Kapag nagpakabait siya sa binata, baka magbago ang isip nito at isuko ang singsing.

“Kailangan kong manghuli ng dambuhalang tuna!”

Enchanted World Of Xeen (SPG-fantasy,Completed-Published)Where stories live. Discover now