Chapter One

776 59 13
                                    

GANITO KAMI SA Divisoria.

"DVD! DVD! DVD! Tri por wan handred!" sigaw ng tindero, "Mayroong pelikula ng Katniel, Lizquen, at pati Jadine! Bili na! Bili na!"

"Manang, magkano po sa pulang bestida?" tanong ng babaeng customer, "Four hundred?! Ang mahal naman! Sa kabila, mayroong ganitong style tapos one fifty lang."

"O, sige na," sabi ni manang, "Dalawang daan na lang, ineng. Huling tawad. Lugi na ako."

Huminga ka nang malalim. Malalanghap mo ang halitosis, kili-kili, pawis, usok, utot, alikabok, tuwa, galit, tensyon, at desperasyon. Iba-iba ang mga layunin. May gustong kumita, at may gustong magtapon ng salapi. Ito ang lugar na tatahimik lang kapag naubos ang Chinese sa mundo. Sa ayaw at sa gusto, imperyo nila ang Divisoria. Kahit Pilipino ang nagbebenta, asahan mong Made in China ang binebenta. Manghuhula ang mga Tsekwa, hindi pa sikat ang produkto sa masa, binebenta na agad sa Divisoria. Advance sila mag-isip. Dito ang perpektong modelo ng Law of Supply and Demand.

Sa pagdaan ng mga tao sa maliit na spasyo, sumasayad ang kanilang pawis sa mga paninda sa tuwing nababangga. Ang interesado, titigil sa puwesto, at titignan ang item. Kapag ayaw bilhin, ibaba, at iiwan ang germs at fingerprints sa packaging. Lalo pa ngayong pumasok ang 'ber months. Ang daming tao, tipong kawawa si Thumbelina sa alipunga at fungi ng mga paa kung sakaling gusto din niya mag-shopping. Dagdag mo pa ang daga, basura, putik, at mantsa sa sahig na dadaanan niya. Ten seconds pa lang, patay na siya.

Walang mayaman o mahirap sa Divisoria. Lahat sa mata ko ay pantay-pantay. Kahit tao sila, ₱eso sign ang nakikita ko. Kaching ng barya ang rinig ko sa tuwing nagsasalita sila. Pero bilang tindera, kasama sa aking skill set ang alamin ang economic status ng customer.

Allergic ako sa rich people na nagsusuot ng butas-butas na tela para lang masabi na isang beses sila kumakain sa isang araw. Kung gusto nila humingi ng tawad, punta sila kamo sa simbahan—aminin ang kasalanan sa pari. Wag ako. Ayoko magbigay ng tawad. Isang tingin pa lang, alam ko kaagad kung mayaman o mahirap.

Tulad ng babaeng nakikita kong lalapit sa tindahan ko.

Malaman ang katawan niya—pero hindi masyadong mataba. Mukha siyang may pambili ng brown rice. Dito sa mundo ng usok at dumi, ang kaniyang buhok ay diretso at walang tikwas. Kahit may konting pimples, bawing-bawi sa kaniyang maputing kutis na alaga ng derma. Umihip ang hangin at nasamyo ko ang mamahalin niyang body wash, shampoo, at conditioner. Sariwa pa ang kaniyang red nail polish. Nagsalita siya. Rinig ko kung paano niya kainin ang letrang R. Conyo. Postura pa lang, masasabi kong nasa upper middle class ang babae.

Tumigil siya sa harap ng tindahan ko.

"Ate Jaira!!" sigaw ng babae sa akin, tumaas pa ang kilay, "Sabi ko na nga ba! Suot mo ang bago kong damit!"

Joke lang. Alam kong nasa upper middle class siya. Ito ang bunso kong kapatid—si Jenny Geronimo. Tinatawag niya akong Jaira kapag mainit ang ulo niya.

Nilagay ko ang bagong stock ng lip & cheek tint sa estante bago harapin ang aking kapatid.

"Hello, Jenny!"

Dinuro niya ang suot kong floral dress, "Bakit mo 'yan suot?! Maldita! Hubarin mo 'yan! Dali!"

Sumilip ang best friend kong si Deedee sa tindahan ko. Magkatabi ang puwesto namin sa 156 Building dito sa Divisoria. Bumakas ang aliw sa mukha niya. Ang best friend ko ay may blonde hair dye at kulot na buhok. Parehas kaming wala na sa kalendaryo ang edad, hindi katulad ni Jenny na 23-years-old.

Si Deedee ang tipong kapag pumasok sa simbahan, bibigyan ng balabal, at tataasan ng kilay dahil sa inappropriate attire. Araw-araw. Pekpek shorts, makapal na make-up, at plunging neckline (prone sa nip slip). Tuwang-tuwa ako sa kaniya. She was the person my parents warned me about.

Cage My SpiritWhere stories live. Discover now