Chapter Twenty-Eight

746 55 52
                                    

TAHIMIK SA LOOB ng simbahan, tipong ang malaking elisi ng ceiling fan ang tanging maririnig nino man. Bukas ang kumpisalan ni Father Lito. Alas tres pa lang ng hapon. May misa mamayang alas sais ng gabi.

Nanlamig bigla ang kamay ko. Parating na ang parents ko. Nakita ko silang pumasok sa loob ng simbahan at nakita kaming dalawa ng nobyo ko. Pormal ang suot nilang dalawa. Seryoso ang mukha nila at nagpalitan sila ng mga tingin.

Kinuha ni Maki ang aking kamay, pinisil niya ito at hinilot. Dinala niya ito sa kaniyang bibig, at tinaniman ng mainit at matagal na halik. Nakaupo kaming dalawa sa harap ng altar, malayo sa mga tao.

"Ako ang mas kinakabahan," sabi ni Maki, hinihilot ang kamay ko, "Nandito tayong apat sa loob ng simbahan. Pinapunta mo sila dito kasi sabi mo may masasabihin kang importante. Nakikita mo itsura ng Papa mo? Pinagpapawisan. Dalawang bagay ang inaasahan niyang ibubunyag mo: 1) buntis ka, 2) magpapakasal na tayo."

"Shut up," sita ko sa kaniya, "Mas lalo akong kinakabahan."

Humagikgik si Maki, naninigkit ang mata. "Just remember our practice. It will be okay, babe."

Bumuntung-hininga ako at tinignan siya. "Will they forgive me?"

"Lalo ka nilang patatawarin kapag sinabi mong magpapakasal na tayo."

Ngumiti ako at hinalikan siya sa pisngi, "Alam na nila."

Naglakihan ang mga mata ni Maki. "Kailan mo sinabi?! Babe naman! Akala ko sabay nating sasabihin ngayon pagkatapos mo magsabi ng totoo?"

"Dumulas sa bibig ko. Bigla kasi akong kinabahan kagabi. Sorry!" sabi ko, "Tsaka masyadong halata sa singsing ko." Kuminang ang malaking bato sa aking daliri.

"Hindi kaya halata. Madalas ka sa Divisoria. Maraming peke na diamond doon."

"Sabi na nga ba, fake diamond ang binigay mo sa akin," sinimangutan ko siya, "Kuripot na Tsekwa ka."

Tumawa si Maki ng sarkastiko. "Peke daw... Gusto mong ipakita ko sa 'yo ang resibo? Naka-frame sa condo ko."

Sasagot sana ako kaso umupo na sa aming tabi ang parents ko. Pagkatapos ang small talk, dumiretsa si Papa sa main course. Mata sa mata, diniretso niya si Maki tungkol sa aming darating na kasal. Anim na buwan pa lang kaming magkasintahan, nakuha na daw niya kaagad na hingin ang kamay ko para iharap sa altar. Ngumiwi lang kaming dalawa. Mag-isang sinagot ni Maki ang tanong ng mga magulang ko. Hinayaan ko siya kasi...may nasagap ang mga mata ko.

Sa gilid ng simbahan naroon siya. Nakatayo siya sa harap ng malaking bowl ng holy water. Suot niya ang puting polo short, lumang leather shoes, itim na slacks, at fedora hat na straw. Kulubot na ang kaniyang mga balat, puti ang mga buhok—tulad ng pagkakaalala ko sa kaniya. Missed ko na si Lolo Pepe.

Naalala ko ang mga palm reading session namin sa tapat ng bakery. Siguro kung kasama ko pa din siya hanggang ngayon, babasahin niya ang kapalaran ko. Lalo pa't kumalat ang epidemya ng severe dry hands. May kung anong kumakalat ng bacteria sa hand soaps dahilan para magbalat ang kamay ng sangkatauhan. Mayaman o mahirap, damay sa epidemyang ito. Madalas sa akin sabihin ni Lolo Pepe na matuwa raw tayo sa pagbabalat ng ating kamay. Dahil doon daw nagbabago ang ating tadhana. Sabi niya noon, nasira daw ang kapalaran ko. Naging OFW ako sa Malaysia, biktima ng human trafficking. Muntikan na daw ikasal ang tadhana ko sa ibang babae.

Ngumiti ako kay Lolo Pepe.

Alam kong mahal niya ako na parang tunay niyang apo. Wala akong kailangan patawarin. Lahat ng ito, ginawa niya para tulungan kami ni Maki na sundin ang aming tadhana. Naiintindihan ko na. Narito si Lolo para tiyakin na tuluyan nang maghihilom ang sugat sa puso ko matapos masira ng aking kapalaran.

Tumango ako sa kaniya. Kumindat siya at lumabas na ng simbahan.

Lumingon ako kay Maki, namumuo ang butil ng pawis sa kaniyang noo kakasagot sa mga tanong ng parents ko.

"Saang simbahan? May petsa na ba kayo? Magkano ang budget?" mga tanong nila, "Sino ang mga invited?"

"Ma? Pa? Bago natin 'yan pag-usapan, may kailangan ako sabihin."

Humigpit ang kapit ni Maki sa kamay ko—daliri sa daliri. "You got this," bulong ng mahal ko, "I'm here, babe."

Kumunot ang noo ni Mama. "Buntis ka ba?!"

"Sinasabi ko na nga ba!" ani ni Papa. "Kaya kayo magpapakasal agad."

Umiling si Maki. "Hindi po siya buntis. Huminahon po kayong dalawa. May importanteng sasabihin si Jaja."

Tumahimik sila.

Yumuko ako at tinignan ang magkabuhol naming kamay. Sa totoo lang, wala akong maapuhap na takot. Kasi may hawak akong baterya. Kasama ko siya—katawan at kaluluwa. Sapat na 'yon.

"Ma? Pa?" tinignan ko sila, "May nangyari sa akin sa Malaysia..."

Buksan ang puso, isip, at kaluluwa. Haluin. Saka lang gigising ang kaluluwa mo.


EUROPA JONES

WAKAS

Cage My SpiritWhere stories live. Discover now